Matapos ang information gathering na ipinatupad namin kahapon, naging mas malinaw na maraming members namin ang maapektuhan ng community quaratine. Para mas magkaroon kami ng malinaw na impormasyon, gumawa kami ng quick assessment tool gamit ang existing tools namin na niretrofit para madaling maintindihan ng mga staff ang gagawin.
Ito ang resulta at nag-evolve ang aming strategy.
MEMORANDUM
TO: All SEDPI Microfinance Staff
FROM: Mariel Vincent A. Rapisura, President and CEO
DATE: Tuesday, March 17, 2020
RE: Business continuity for COVID-19 pandemic advisory 2
Mga minamahal kong SEDPI staff:
Una ay gusto kong magpasalamat sa inyong kooperasyon at pagsunod sa mga instructions ng opisina sa abot ng inyong makakaya. Kailangan natin ito para mas maayos ang magagawang desisyon para sa kapakanan ng mga empleyado, mga members at ng buong organisasyon.
Resulta ng information gathering
Maraming nakabayad sa mga branches natin mula sa Bislig, Santa Josefa, Barobo at Hinatuan. Sa Lingig, Rosario at Trento marami ang hindi nakapagbayad dahil sa epekto ng COVID-19. Ayon sa mga branch managers, hindi sigurado ang collection ng payments sa mga susunod na araw.
Marami o lubhang humina ang hanapbuhay dahil sa mga sumusunod:
- Stop buying na, ibig saibihin, hindi makabili ng supply sa negosyo
- Mahirap mag-travel – may mga barangay na hindi nagpapasok ng hindi tagaroon; hindi makabalik sa trabaho dahil lockdown na ang lugar na pinagtatrabahuhan
- Mahina o wala nang bumibili ng paninda dahil wala nang pasok sa school at negosyo
- Mahina na rin ang mga namamasada dahil walang sumasakay
- Delayed ang sahod ng asawa
Palagay ko, hindi magtatagal at mararamdaman ang mga negatibong epektong ito sa lahat ng branches at sa buong community dahil sa COVID-19. Kaya mas kailangan natin ang kooperasyon ng isa’t-isa ngayon.
Sa kabila nito, ipagpasalamat natin na nananatiling malusog at walang sintomas na nararamdaman ang mga empleyado, pamilya at lalong-lalo na ang mga members natin sa COVID-19. Kaya dapat natin itong bantayan, at sundin ang mga protocol natin sa hygiene at social distancing.
Uulitin ko lang na marami ang nakakarecover sa COVID-19 lalong-lalo na kung malakas ang resistensiya. Alam kong diyan sa probinsiya dahil sariwa ang hangin, maraming gulay at mababa ang stress dahil simple ang pamumuhay – malakas ang resistensiya natin.
Ito sana ang mensaheng ilalabas natin sa mga members natin at sa community para mabawasan ang takot at mas magkaroon ng pag-asa. Iwasan natin ang mag-post sa Facebook ng mga politically-charged at mga CTTO posts na lalo lang gugulo sa isip ng makakabasa nito.
Inaatasan ko ang assistant branch manager, branch manager at area manager na bantayan ang mga social media posts ng bawat isa tungkol dito. Ipakita natin ang SEDPI leadership natin sa mga members pati na rin sa social media.
Employee welfare
Gusto kong iassure kayong lahat na magpapatuloy ang pagbibigay ng suweldo sa lahat ng empleyado ng SEDPI. May sapat din tayong life, health at accident insurance coverage na puwedeng nating magamit laban sa gastos na dulot ng COVID-19. Ipagdasal nating hindi natin ito kakailanganing gamitin dahil mananatili tayong malusog.
Para sa mga empleyadong nakakaranas ng mga sumusunod na sintomas:
- Mataas na lagnat – 39 degrees Celsius pataas
- Ubo
- Matinding pagod
- Hirap sa paghinga
- Diarrhea
Ihiwalay o iisolate agad ang empleyado sa isang kuwarto. Tumawag sa pinakamalapit na hospital at humingi ng instruction kung ano ang dapat gawin.
Client welfare
Para maibsan ang paghihirap ng mga members natin at makiisa tayo sa kanila
Mission ng SEDPI ang mapabuti ang buhay ng mga members nito. Gagawa tayo ng paraan para maibsan ang paghihirap ng mga members at makiisa tayo sa kanila.
Nakita natin ang mga negative effects ng community quarantine sa resulta ng community visits natin kahapon. Ang mga susunod na guidelines ay para makatulong tayo sa kalagayan ng ating members kasabay ng pagprotekta din natin sa kapakanan ng SEDPI.
Loans
- Suspended ang lahat ng collection ng loan simula sa Lunes, March 23, dahil inaanticipate nating maraming maapektuhang members dahil sa (a) community quarantine; (b) maiwasan ang kalituhan sa mga members; at (c) maipahatid ang malasakit ng SEDPI sa mga members
- Ipagpapatuloy natin ang suspension ng loan release na sinimulan natin kahapon, March 16. Ipaliwanag sa mga members na magsususpend kasi tayo ng collection next week kaya natin ito ginagawa. Iassure sila na magpapatuloy ang loan release once na matapos ang community quarantine.
- Idedeclare natin na holiday payments simula March 16 until further notice, para hindi mapabilang na delinquent clients ang mga members natin dahil hindi nila kasalanan ang COVID-19. Ipagpapatuloy natin ang no-penalty policy natin sa ating mga members
- Magbibigay tayo ng updates sa policy habang noobserbahan natin ang mga pangyayari; at mabigyan ng liwanag ang mga announcements ng gobyerno.
Center meeting
- Ipagpapaliban o i-postpone muna natin ang center meetings dahil kailangan natin ng social distancing. Pero kailangan pa nating kumuha ng impormasyon mula sa mga members natin para mamonitor ang kanilang kalagayan at malaman natin kung anu-ano ang mga puwede nating gawin para matulungan sila.
- Inaatasan ko ang lahat na tawagan ang kanilang mga center chief upang alamin ang mga sumusunod na impormasyong gagamitin natin sa pakikipag-coordinate sa gobyerno at iba pang organisasyon:
- Ilang members ang huminto sa kanilang hanapbuhay?
- Ilang members ang humina ang kanilang hanapbuhay?
- Ilang mga members ang nakakaramdam ng sintomas ng COVID-19?
IMPORTANT: Mag-print ng collection sheet. Lagyan ng markang “STOP” ang pangalan ng bawat member na huminto ang hanapbuhay. Lagyan ng markang “WEAK” ang pangalan ng member na humina ang hanapbuhay. Panatilihing blangko ang pangalan ng member kung hindi naapektuhan.
Lagyan ng markang “CV” ang pangalan ng member kung nakakaramdam ng sintomas ng COVID-19. Panatilihing blangko kong walang sintomas.
Tumawag sa center chief bago bumisita at ipaalam ang kukuning impormasyon para mas maikli ang panahon sa pagbisita. Mag-load tayo ng unli-calls at i-charge ito sa SEDPI para magawa ito. Sundin ang mga sumusunod na protocol sa pagbisita:
- Iobserve ang social distancing – lumayo ng at least one meter sa mga taong makakausap at iwasan ang makipagkamay at humawak sa ibang tao
- Magbaon ng sabon at makiusap na maghugas ng kamay mo at ng mga kakausapin mo para maiwasan ang pagkalat ng virus. Bumili ng sabon para sa lahat at icharge ito sa SEDPI.
- Kapag uubo o hahatsing, lumayo sa mga tao at magtakip ng ilong at bunganga gamit ang siko paibaba. Maghugas agad ng kamay pagkatapos.
IMPORTANT: Kumuha ng picture na ipinapakita ang (a) social distancing at (b) baon na sabon sa pagbisita sa mga centers. I-post ito sa SEDPI Microfinance chat group.
- Iencourage ang mga members na magtanim sa kanilang bakuran para may pandagdag sila sa kanilang kakainin. Puwede rin itong ibenta kung may sobra. Magsimula na ring gumawa ng garden sa bakuran ng office ang mga staff.
Savings
- Iassure ang mga members na safe ang kanilang savings sa atin at hindi ito mawawala. Ang mga miyembrong may excess sa 20% required maintaining balance ay puwedeng i-withdraw ang kanilang savings KUNG talagang may matinding pangangailangan na sila.
SWePP
- Ang Social Welfare Protection Program natin ang makakatulong sa mga members natin pero alam nating hindi ito sasapat kaya kailangang nating humingi ng tulong sa gobyerno. Ipagpapatuloy ang coverage sa SWePP pero kailangang magbayad ng membership fee kung matatapos na ang kanilang 6-month term
- Magpapatuloy pa rin tayong mangolekta para sa SWePP sa mga gustong magpatuloy ang kanilang coverage. Gaya ng dati, hindi kailangang kumuha ng loan para magkaroon ng coverage sa SWePP.
SEDPI Leadership
Ayon sa guideline ng gobyerno, ang private sector ay may pasok pa rin pero kailangang may social distancing. Kaya lahat tayo ay required na pumasok at manatili sa office. Maghugas ng kamay bago pumasok sa loob kung galing sa field.
Gagamitin natin ang panahon na ito para ayusin ang ating mga naiwang office work at magkakaroon tayo ng online learning sa shift natin to social microfinance scheme. Sisimulan natin ito sa Huwebes, March 19, para kapag natapos ang community quarantine ay mas handa tayong maghatid ng serbisyo sa mga members natin.
IMPORTANT: Ang mga staff na kailangang umuwi dahil may emergency ay magpapaalam at kukuha ng approval sa kanilang mga supervisors. Magpapadala ang head office ng Certificate of Employment sa lahat na nakalagay ang mga areas of operation natin, residential address at office address para papadaanin tayo sa mga checkpoints papasok sa trabaho at pagbisita sa mga centers.
LGU COORDINATION
Gagamitin natin ang impormasyong nakalap natin sa mga members natin para magbigay ng mahalagang impormasyon sa local government units at national government agencies para makatulong sa kanila at makakuha ng kanilang suporta at assistance.
Pinatunayan niyo kahapon ang dedikasyon ninyo bilang SEDPI leaders sa community. Mas lalo akong naging proud at humanga sa inyong lahat. Talagang ngayon ang pagkakataon na ipakita natin sa members at sa area na nandito ang SEDPI para makinig at tutulong na gagawa ng paraan para mabawasan ang hirap dulot ng COVID-19.
Ipakita nating kaya nating makipagbayanihan at patuloy tayong magdasal na manatili tayong ligtas at malusog.
USEFUL RESOURCES
Sources of information and practical tips on money management
Mga bagay na dapat mong malaman sa insurance
Mga iba pang babasahin tungkol sa insurance:
- Iba’t-ibang klase ng insurance
- Must-have insurance for people in their 30s
- Ang pinakamatatag na insurance company sa Pilipinas (Part 1)
- Ang pinakamatatag na insurance company sa Pilipinas (Part 2)
- Anong insurance dapat mayroon ang mga bata?
- Gusto kong paghandaan ang future ng anak ko, tama bang investment-linked insurance ang kinuha ko?
- Paano gumagana ang ibinabayad na premium sa insurance para mabigyan tayo ng proteksyon sa panahon ng emergency
- Kung akala mo insurance ang education plan, basahin mo ito
- Insurance para sa mahirap
- Bakit mahal ang VUL o investment-linked insurance
Mga bagay na dapat mong iwasan sa insurance
Ito ang listahan ng mga articles na isinulat ko at videos na nagawa ko tungkol sa VUL para makakuha tayo ng mas sulit at mas epektibong insurance coverage.
- Bakit mahal ang VUL?
- Bakit mas maganda ang BTID kaysa VUL?
- Epektibong paggawa ng BTID upang masulit ang pinaghirapang pera sa insurance at investment
- Paanong mas maliit ang fund value sa VUL kaysa sa BTID?
- Ok ba talaga ang VUL kasi protected ka nito beyond 65 years old compared to term?
- Ok ba talaga ang VUL para sa estate taxes?
- Why Not VUL?
- Anong gagawin ko kung may VUL na ako? Paano ko ito ititigil?
- Pagkakaiba ng savings sa VUL
- Mga terms and conditions na kailangang hanapin kung bibili ng VUL
- Paano pumili ng mabuting insurance agent