was successfully added to your cart.

Cart

Mga rekomendasyon sa gobyerno para matulungan ang mga microenterprises at informal sector sa epekto ng COVID-19 pandemic

Lahat ng business establishments maliit man o malaki ay walang ligtas sa negatibong epekto ng COVID-19. Pero mas malala ang tama nito sa mga microenterprises.

Tinatayang halos siyam sa bawat sampung businesses o negosyo sa Pilipinas ay maituturing na microenterprises ayon sa Department of Trade and Industry (DTI). Microenterprise ang isang negosyo kung ito ay may hanggang siyam na empleyado at asset size na hindi lalagpas sa talong (PhP3) milyong piso.

Nagbibigay ang mga microenterprises ng trabaho sa 2.6 milyong manggagawa. Ang ilang mga halimbawa ng microenterprises ay mga sari-sari stores, beauty parlors, carinderia, nagtitinda sa palengke, panaderia at iba pang small shop operators.

Epekto ng ECQ sa microenterprises

Ipnatupad sa Luzon ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong March 17, 2020 na tatagal hanggang April 14, 2020. Samantala ipinatupad ang state of calamity noong March 18, 2020 sa buong kapuluan at base dito, inatasan ang mga local government units (LGUs) na magpatupad ng community quarantine (CQ) sa kani-kanilang lugar.

Noong March 16-20, nagsagawa ng community assessment ang SEDPI sa microfinance operations nito sa Agusan del Sur at Surigao del Sur upang tingnan ang epekto ng CQ sa mga microenterprise members nito. May kabuuang 6,306 borrower-members ang SEDPI at 63% sa kanila ang nakasagot sa aming survey.

Tinanong namin ang mga members namin kung sila huminto sa kanilang negosyo (STOP), humina ang negosyo (WEAK) at kung sila o kanilang pamilya ay nakakaramdam ng sintomas ng COVID-19 (CV). Ipinapakita sa table ang resulta ng aming survey. Ang mga hindi nakausap nang personal o sa telepono ay minarkahang not reached (NR).

Base sa community assessment, 21% ng SEDPI mga members ang huminto ang kanilang kabuhayan; 42% ang humina ang kanilang kabuhayan at 37% ang hindi nacontact dahil nakatira sila sa liblib na lugar, at walang signal ng cellphone. Siyam sa bawat sampumg miyembro ng SEDPI ay kababaihan na maituturing na vulberable group.

Marami o lubhang humina ang hanapbuhay dahil sa mga sumusunod:
• Stop buying na, ibig saibihin, hindi makabili ng supply sa negosyo
• Mahirap mag-travel – may mga barangay na hindi nagpapasok ng hindi tagaroon; hindi makabalik sa trabaho dahil lockdown na ang lugar na pinagtatrabahuhan
• Mahina o wala nang bumibili ng paninda dahil wala nang pasok sa school at negosyo
• Mahina na rin ang mga namamasada dahil walang sumasakay
• Delayed ang sahod ng asawa

Malinaw na naapektuhan ang kabuhayan ng mga microenterprises at siguradong marami ang nabaon sa temporary poverty. Sana nga ay manatili lang itong temporary at agad makabawi kapag tinanggal na ang CQ. Ang good news sa community assessment ay wala kahit isa sa mga members ng SEDPI ang nagreport na may nararamdaman silang sintomas ng COVID-19.

Ang ginawa naming survey ay hindi saklaw ang buong bansa pero sa palagay ko ay hindi malayong ganito ang kalagayan sa ibang lugar. Tandaan na ang community assessment ay ginawa namin noong unang linggo ng pagpapatupad ng CQ.

Asahang mas hihirap pa ang sitwasyon lalo na kung walang aksyon o konkretong programa ang gobyerno para matulungan ang mga microenterprises.

Dahilan ng community quarantine

Ayon sa mga sayantipiko sa ibang bansa, asahan ang pagkalat ng COVID-19 sa marami. Ang iniiwasan ay magsabay-sabay magkasakit at hindi makayanan ng mga ospital natin ang dagsa ng pasyente. Tinatawag nila itong flattening the curve na ipinapakita ng color blue na curve sa graph.

Kung biglang dadami ang tatamaan o magkaroon ng spike sa curve, na ipinapakita sa pulang curve sa graph, maaring maraming buhay ang mawala, mas malaki ang gastos sa pagkaksakit at mas grabe ang magiging pinsala sa ekonomiya at buhat ng mga tao. Sa pamamagitan ng CQ, mapapabagal ang pagdating at pagkalat nito sa probinsiya at mas makakayanan ng health care system doon ang pagdagsa ng mga pasyente kapag mangyari ito.

Tunay na kailangan ng mabilisang aksyon at desisyon na magkaroon ng CQ para mapigilan ang biglaang pagakyat ng kaso ng COVID-19. Pero mahalagang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga nakararaming low income groups at magbigay ng sapat na suporta sa kanila bago o habang ipinapatupad ito.

Mahirap para sa mga microenterprises ang biglang pagpapatupad ng CQ dahil marami sa kanila ay isang kahig, isang tuka. Karamihan ng mga manggagawa sa Pilipinas ay daily wage earners o no-work no-pay.

Napakakaunti ng mga empleyadong susuweldo pa rin kahit hindi pumasok ng isang buwan. Kaya ganun na lang ang naging backlash sa social media sa mga elitistang hindi lubog sa realidad. Ang katotohanan ay masunurin at susunod ang mga tao kung maayos ang paliwanag at may siguradong programa o ayuda para sa kanila para hindi sila magutom.

Totoo ang kanilang hinaing nung sinabi nilang kung walang suporta sa kanila, baka mas mauna pa silang mamatay sa gutom kaysa sa COVID-19. Buti na lang at may mga local governmet units na nagbigay ng mga food packages sa mga mahihirap at suporta sa mga frontline workers na lumalaban sa COVID-19 – special mention sa lokal na pamahalaan ng Pasig at ng Marikina.

Rekomendasyon sa gobyerno

Sa Ateneo, tinuruan kami ng preferential option for the poor. Kailangang unahin ang kapakanan ng mahihirap dahil mas kailangan nila ito.

Kung uunahin natin ang pagbibigay ng tulong sa mga nasa laylayan ng lipunan, mas titibay ang ating lipunan at mas bibilis ang pag-ahon para labanan ang negatibong epekto ng COVID-19.

Recommendation 1: Mass testing

Nanalumo ako nang mabalitaan kong ang Department of Health ang unang lumabag sa triage protocol nito kung sino ang dapat itest sa COVID-19. May mga politikong wala namang sintomas ng COVID-19 pero sila ay nagpatest kasama ng kanilang mga kamag-anak at ipinagmalaki pa social medial na negatibo sila.

Ang pangyayaring ito ay malinaw na ebidensiya na nauuna ang kapakanan ng mga may kapangyarihan at may pera sa ating lipunan. Walang preferential option for the poor.

Sa rekomendasyon ko, unahin dapat na itest ang mga mahihirap na may sintomas ng COVID-19 dahil, lalo na Metro Manila, siksikan sa mga urban poor communities at mas madali silang makahawa. Kung ihuhuli sila, maaring mas mabilis ang pag-spike ng COVID-19 cases. Pagkatapos ng quarantine at may patunay na negatibo sila sa COVID-19, mas makakapagtrabaho sila at mababawasan ang alalahanin ng gobyerno.

Sana ay mapabilis at maging epektibo ang validation ng naimbentong test kit ng Philippine Genome Center ng University of the Philippines. Di hamak na mas mura daw ito at mas mabilis ang resulta kumpara sa ginagamit ngayon.

Recommendation 2: Emergency relief package

Ang emergency relief package ay magbibigay ng masustansiyang pagkain, face masks, sabon at iba pang gamit para sa mga mahihirap na nasa 4Ps program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang relief package ang sisiguro na hindi magugutom ang ga mahihirap at mapapanatili nilang malinis ang kanilang sarili para malabanan ang COVID-19.

May 4.3 milyong pamilya ang nasa 4Ps program ngayon at sila ay itinuturing na pinakamahihirap sa Pilipinas. Ayon sa IBON Foundation, nasa PhP3,000 ang gagastusin sa bawat emergency relief package. Aabot ang gastos dito ng PhP12.9 bilyon.

Recommendation 3: Unconditional cash transfer

Para sa mga informal sector at microenterprises na nawalan ng kabuhayan o humina ang kita, sila ay dapat mabigyan ng unconditional cash transfer para magamit nila ito habang CQ at mabilis na makabangon makapagsimulang muli kapag itinigil na ito.

Hindi na kailangan pang lagyan ng condition ang pagbibigay dahil wala namang nakaligtas sa sakuna ng COVID-19. Ang mahalaga ay maibigay ito nang agaran sa mga mahihirap para mapunan nila ang kanilang mga pangangailangan at maiwasan ang gulo.

Ang suggestion ko ay magbigay ng PhP3,000 kada buwan sa susunod na tatlong buwan sa informal sector at microenterprises. Kabuuang PhP9,000 ang maibibgay sa bawat pamilya.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, may 16.8 million reported microfinance clients sa buong Pilipinas. Ito ay nahahati sa 8.7 milyon mula sa cooperative sector; 6.1 milyon mula sa microfinance NGOs; at 2 milyon mula sa banking sector.

Talamak ang multiple memberships sa microfinance industry dahil hindi lamang sa iisa kumukuha ng financial services ang informal sector at microenterprises. Karaniwan ay kumukuha sila mula isa hanggang limang microfinance institutions (MFIs).

In my opinion, kalahati ng 16.8 million ang totoong outreach ng buong microfinance industry sa Pilipinas o 8.4 million. Ang budget para sa unconditional cash transfer ay aabot ng PhP75.6 bilyon.

Use MFIs as conduits

Dahil walang bank accounts ang karamihan sa informal sector at microenterprises, magandang padaanin ang pagrelease ng unconditional cash transfer sa mga MFIs na matagal nang may relationship sa Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).

Suggestion ko na sa MFIs padaanin ang unconditional cash transfer dahil sila ang may malawak na network para mabilis na maabot ang bawat microenterprise o informal sector kahot saang sulok sa bansa. Mas madali ang magiging monitoring at accountability sa ganitong paraan dahil may link ang mga MFIs sa LBP at DBP.

In coordination pa rin ito siyempre sa LGUs. Pero hindi natin papaaanin sa kanila ang pera para maiwasan ang patronage politics, red tape at corruption.

Importance of bank accounts for low income groups

Pinakamabuti kung padadaanin sa bank account ang pagbibigay nito para mabawasan ang corruption at siguradong sa pamilya maibibigay ang pera dahil matindi ang know your client standards sa bangko. Ang problema, kakaunti sa mga mahihirap ang may bank account.

Dapat gawing prayoridad ng gobyerno ang pagbubukas ng bank account sa bawat Filipino once matapos ang problema sa COVID-19. Ito ay para mas mapadali ang pag-access sa mga basic services nito. Puwede itong maging programa ng LBP at ng DBP. Nagawa na ng mga bangkong ito ang pagbubukas ng account para sa beeficiaries ng 4Ps conditional cash transfer ng DSWD, kaya may model nang puwedeng i-replicate at iupscale.

Pagpapadali ng pagkuha ng identification documents

Ang isang challenge sa pagbubukas ng bank account ay dahil mahirap kumuha ng government-issued identification documents tulad ng birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), driver’s license, passport at marami pang iba.
Dapat magkaroon ng programa ang gobyerno na mapadali ang pagkuha sa mga dokumentong ito lalong-lalo na ang birth certificate dahil dito nagsisimula ang lahat ng government-issued identification. Kung ako lang, dapat pagkapanganak ng bawat Filipino ay may automatic na siyang birth certificate at bank account mula sa gobyerno.

Recommendation 4: Pay for work programs

Katulad ng ginawa ng gobyerno at ng malalaking international non-government organizations (INGOs) noong rehabilitation at recovery sa Yolanda, kailangang magbigay din ng pay for work programs habang may COVID-19. Ang naiisip ko ngayon ay maaring magbigay ng pay for work program para isanitize ang mga communities.

Dapat itong ipagpatuloy kapag tapos na ang CQ para magkakaroon ng source of income ang marami. Maiiwasan ang pagtaas ng unemployment sa ganitong paraan at magkakaroon pa ng purchasing power ang mga sasali dito.

Recommendation 5: 0% calamity loans

Ang default ng maraming government programs ay ang pagbibigay ng loan o utang para iaddress ang social issues. Pero para sa akin, dapat itigil na natin ang obsesyon natin sa utang.

Noong February 14, 2020, nagdeklara ang SEDPI ng “war on loans.” Nagkasundo ang aming board na ititigil na namin ang paggamit ng loan o utang para sa aming mga development interventions dahil mas nakakasama ito sa mga members namin pati na rin sa komunidad.

Nakita ko ang interest rate sa calamity loan ng Pag-IBIG at SSS at ito ay nasa 5.95% at 10% per annum respectively. Para sa akin, hindi dapat pinapatawan ng interest ang calamity loan dahil malinaw na gagamitin ito for survival at hindi para sa productive purposes.

Ang basehan ng loan amount na ibibigay ay sa contribution ng miyembro sa Pag-IBIG at SSS, ibig sabihin, sarili niya itong pera. Kapag nilagyan ng interest, ginigisa natin ang mga miyembro sa sariling mantika.

Ang loan amount na makukuha sa Pag-IBIG ay nakabase sa 80% ng total accumulated value o ang kabuuang contirbution ng member, dibidendo at counterpart ng empoyer kung meron.

Sa SSS, ang basehan ay katumbas ng isang monthly salary credit. Ang eligibility, dapat may total 36 contibution na ang member. Sa ganitong bilang ng contribusyon nasa 25% lang ng total contribution ang maaring mautang ng miyembro.

Sa palagay ko, ito ay madaling gawin sa emergency powers na ibinigay sa pangulo.

Recommendation 6: Moratorium on mircofinance loans

Siguradong maraming mga microenterprises na may loan sa mga MFIs ang hindi makakapagbayad ng kanilang loan installments dahil sa COVID-19. Dahil dito, sila ay magiging delinquent clients at kapag tuluyang hindi makapagbayad ay manganganib na hindi na makaulit sa serbisyo nito.

Para sa buwan ng Marso at Abril, dapat ay maglabas ng direktiba ang gobyerno na moratorium ang lahat ng repayments sa MFIs para magkaroon ng pagkakataong makabawi at mag-update ng payments ang mga kliyente at hindi sila maging delinquent.

External ang dahilan ng pagiging delinquent ng mga clients kaya hindi dapat nila akuhin ang lahat ng responsibilidad dito. Hindi pipigilang magbayad ang mga may kakayahang magbayad para tuloy pa rin ang operations sa mga makakabangon agad.

Lubhang maapektuhan ang cashflow ng mga MFI dahil dito kaya dapat ay magbigay din ng direktiba ang gobyerno na moratorium din muna ang pagbabayad ng mga MFIs sa kanilang mga loans sa bangko at iba pang government agencies. Kung kinakailangan, maarin magbigay ng karagdagang credit line ang mga bangko sa mga MFIs para sa kanilang operations.

Recommendation 7: Information dissemination through MFIs

Mabagal ang pagbaba ng tama at napapanahong impormasyon sa informal sector at microenterprises. Dahil dito, namamali ang kanilang desisyon at napagbibintangang hindi marunong sumunod o walang kooperasyon.

Ang mga MFIs ay kayang magpaabot ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa COVID-19. Katulad ng ginawa namin sa SEDPI, inuna kong ieducate ang mga staff tungkol sa COVID-19 para alam nilang piliin kung ano ang tamang impormasyon na ibabahagi sa mga members at sa social media.

Pinapailitan namin ng makatotohanan at nagbibigay pag-asang impormasyon ang mga kumakalat na impormasyong hindi nakakatulong at nananakot lang sa mga tao. Halimbawa, pinagbabaon ko ng sabon ang aming mga financial inclusion officers noong nakakabisita pa sila sa bahay ng mga members namin.

Ang protocol ay kinakailangang maghugas sila ng kamay bago makipag-usap at pinaghuhugas din ng kamay ang kakausapin. Siyempre, patuloy na inoobserbahan ang social distancing sa ganitong activity.

Ipinapakalat din namin na mataas ang recivery rate ng mga tinatamaan ng COVID-19 at 80% sa kanila ay makakaranas ng mild symptoms na hindi kinakailangang maconfine sa ospital. Ang mga impormasyong ito ay galing sa Department of Health at World Health Organization.

Sa 20 taong karanasan ko sa development work, sumusunod ang mga microenterprises at informal sector kung nabibigyan sila ng tamang impormasyon at naipapaliwanag sa paraang naiintidihan nila. Kaya nilang ievaluate ang mga ito para sa ikabubuti ng kanilang buhay. Ito ay kontra sa popular na kaisipang matitigas ang kanilang ulo.

Recommendation 8: VAT suspension

Alam nating hindi nagbabayad ng income tax ang informal sector at microenterprises dahil mas mababa pa sa minimum wage ang kanilang kinikita. Pero wala silang ligtas sa Value Added Tax (VAT).

Para mapababa ang presyo ng bilihin at magkaroon ng mas malaking purchasing power ang unconditional cash transfer recommendation, maaring suspindihin muna ng gobyerno ang pagkolekta ng VAT sa lahat ng bilihin sa loob ng tatlong buwan o hanggang may state of calamity.

Recommendation 9: Prioritize ang disaster and health sa GAA

Sana ay natuto na tayo sa karanasan natin sa COVID-19 na bigyang prayoridad ang issues sa disaster, kalusugan at edukasyon sa general appropriations act. Negatibo ang epekto ng pagbabawas sa budget ng disaster at health sa bansa.

Pinatindi ng COVID-19 ang problema pero bago pa mangyari ito ay hirap na tayo sa pondo simula pa ng pagputok ng bulkang Taal at sunod-sunod na lindol sa Mindanao. Kaya sa budget para sa general appropriations act para sa mga susunod na taon dapat dagdagan ang budget sa disaster at sa health at hindi ito binabawasan

Universal disaster insurance

Matagal ko nang sinasabi sa mga kaibigan natin sa kongreso at senado na pagkatapos mapasa ng universal health law ay napapanahon nang magkaroon din tayo ng universal disaster insurance coverage. Pangatlo ang Pilipinas sa buong mundo sa world risk index kung saan sinusukat kung gaano ka-exposed at kahanda sa disasters ang mga bansa.

Bahagi ng buhay natin ang disasters kaya dapat ay maglagay na tayo ng social safety nets para dito. Para sa akin ang universal disaster insurance ang makakasagot dito. Sa batas na ito, mabibigyan ng automatikong cash transfers ang mga qualified low income groups sa kanilang bank account.

Ito ay para matulungan silang makabangon agad at makabawi sa kanilang kabuhayan.

Automatic SSS and Pag-IBIG membership

Life insurance ang pinakabasic na benefit ng universal disaster insurance. Maari padaanin ang life insurance sa SSS dahil ngayon ay nagbibigay na ito ng PhP20,000 death benefit sa mga miyembro nito sa halagang isang kontribusyon lamang.

Puwede itong i-enhance at gawing pagtuntong ng 18 years old ng bawat Filipino, ang mga LGUss nila ay required na gawin silang miyembro ng SSS. Babayaran ng LGUs ang PhP360 pesos na pinakamababang initial contribution ng SSS.

Sa ganitong paraan may death benefit na agad ang bawat Filipino at makakatulong ito sa panahon ng disasters. Maiiwasan pa ang patronage politics kung saan pumipila para sa solicitation ang mga namatayan sa mga politiko.

May death benefit din ang Pag-IBIG para sa mga members nito. Sigurado akong puwede itong ienhance para maging karagdagang death benefit sa universal disaster insurance.

Kayang sugpuin ang COVID-19

Ang siyam na rekomendasyon sa gobyerno ay kombinasyon ng mga agarang programang mabilis na makakatulong sa kalagayan ng mga microenterprises at informal sector; at mga solusyong pangmatagalan. Mahalagang maaksyunan ito agad upang maiwasan ang looting o pagnanakawan sakaling maging out of control ang sitwasyon.

Naniniwala akong kapag inuuna natin ang kapakanan ng mga mahihirap, mas mabilis malulunasan ang problema ng lipunan.

USEFUL RESOURCES

Sources of information and practical tips on money management

Different kinds of investments

Preparing for retirement

How are articles on retirement

  1. 10 Commandments of retirement
  2. Mga kinakatakutan ng retirees at paano ito paghahandaan
  3. Magkano ang matatanggap mong SSS pension upon retirement
vincerapisura.com


Watch videos on money management

Watch Usapang Pera episodes

Subscribe to Usapang Pera Youtube channel

vincerapisura.com


Get in touch with Sir Vince

Message Sir Vince through FB messenger

Send an email to Sir Vince

Like Vince Rapisura page

vincerapisura.com


Join online groups of Sir Vince

Join Usapang Pera Group

Join Sir Vince blog newsletter

vincerapisura.com


vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: