Have a Question?
Noong June 15, 2025, nagkaroon kami ng webinar para sa Ateneo OFLIFE program sa Brunei. Doon, maraming tanong ang naibato sa akin—mga tanong tungkol sa ipon, insurance, retirement, at investments. Pero ang pinakatumatak sa akin ay hindi lang financial sa nature, kundi emosyonal ang laman.
Ang Ambassador mismo ng Pilipinas sa Brunei ang nagbahagi: “May anim kaming kapamilya na may chronic illness; ang bigat sa gastos at savings.” At si Ofelia, isang OFW, nagtanong ng masaklap pero makatotohanang tanong: “Paano makaka-save kung sakto lang kita at may pamilyang sinusuportahan?”
Mga tanong ito na hindi lang tungkol sa pera—kundi tungkol sa pagmamahal, tungkulin, at realidad ng buhay OFW.
The Vulnerability: Sickness = Poverty
Ang totoo, isang malubhang pagkakasakit lang ang pagitan ng maraming Pilipino sa matinding kahirapan.
Sa research namin sa SEDPI, 80% ng mga Pilipino ang walang sapat na emergency savings. Kapag may nagkasakit at kailangang gumastos ng halagang tulad ng PhP500,000—na madalas ay minimum lang kung serious ang kalagayan—hindi ito kaya ng karamihan. Ang solusyon? Mangutang. At kadalasan, mataas ang interes.
Noong 2023, umabot sa PhP1.44 trilyon ang national health expenditure ng bansa, pero nitong 2025, ZERO ang inilaang budget ng gobyerno sa PhilHealth. Ibig sabihin, walang counterpart ang gobyerno. Ibig sabihin nito ay galing mismo sa bulsa ng pamilyang Pilipino ang panggastos sa pagkakasakit.
Kaya habang tumatanda tayo, lumalala rin ang panganib—dahil ang chronic illness, kasama na ‘yan sa realidad ng pagtanda. Kung ngayon pa lang ay hirap na, paano pa sa senior years kung kailan tayo mas mahina, mas sakitin, at mas kaunti na ang income?
Universal Health Care
Ideally, gobyerno talaga dapat ang sumasalo sa gastusin sa pagkakasakit—sa pamamagitan ng maayos, accessible, at totoong gumaganang universal healthcare system.
Pero sa totoo lang, hindi pa gano’n ka-solid ang sistema natin sa Pilipinas. Kaya habang hindi pa natin nararamdaman ’yung full benefits ng Universal Healthcare Law, kailangan nating gumawa ng paraan.
Ito ang mga practical na hakbang:
- PhilHealth contribution pa rin dapat—lalo na para sa mga OFWs.
Hindi lang ito para sa sarili mo, kundi para rin sa buong pamilya mo sa Pilipinas. Tulad ng sinabi ko dati, ang kontribusyon ay hindi gastos—investment ito sa kalusugan.
- Mag-build ka ng personal health fund habang bata ka pa.
Dahil ’pag tumanda ka na, mahal na at limited pa ang access sa private health insurance. Wala nang guarantee na tatanggapin ka. Kaya habang malakas ka pa, habang may income ka pa—magtabi ka na.
- Pagsabayin ang HMO at health insurance kung kaya ng budget.
Magkaiba ang gamit ng dalawang ito. Ang HMO, para sa mga everyday medical needs—checkup, lab tests, outpatient care. May limitasyon ito sa network at lugar, pero mabilis at cost-efficient gamitin.Ang health insurance naman, mas para sa major illnesses or emergencies—’yung mga tipong hindi kayang sagutin ng HMO. May mas malawak kang choice ng doktor at ospital, at puwedeng ma-reimburse ang gastos.
- Magdagdag ng critical illness rider habang bata ka pa at malusog pa.
Kung kukuha ka na rin lang ng life insurance, hanapin mo ’yung may critical illness rider—lalo na kung may history ng major illnesses sa pamilya mo tulad ng cancer, heart disease, o kidney failure. Mas mura ito kung term insurance ang base, at mas malawak pa ang saklaw kaysa sa mga luma at mahal na investment-linked products.Tandaan: ’Pag may sakit ka na, hindi ka na tatanggapin para sa coverage na ’yon. Kaya habang malakas ka pa, unahan mo na. Ako nga, dahil parehong may heart condition ang parents ko, kumuha na agad ako ng rider na may heart-related illnesses. Hindi ko na hinintay na may mangyari.Hindi nito masasagot lahat ng sakit, oo. Pero para sa mga high-cost, high-risk na kondisyon, malaking tulong ito para hindi tuluyang maubos ang ipon mo o malubog sa utang ang pamilya mo.
- Hospital Income Benefit (HIB)? Optional lang ’yan—unahin ang emergency savings.
Ang HIB ay hindi health insurance, ha? Ito ay income replacement lang—may matatanggap kang fixed amount per day kapag na-confine ka sa ospital. Pero hindi ito sasapat kung major illness na ang pinag-uusapan.
Usually, ₱1,000 to ₱3,000 lang per day ang benefit at may limit pa kung ilang araw lang ito covered. Hindi ito designed pambayad sa hospital bills. Kaya kung nagbebenta sa ’yo ng HIB at sinasabing pang-cover ito sa lahat ng medical expenses—red flag ’yan!
Kung ikaw ang breadwinner, yes, may sense ito bilang extra layer of protection. Pero kung limitado ang budget mo, mas mainam ilaan ang pondo sa emergency fund, PhilHealth, HMO, o critical illness coverage.
Malaki ang role ng gobyerno
At tandaan mo: hindi kakayanin ng “sariling sikap” lang. Oo, mahalaga ang diskarte. Pero sa totoo lang, kakaunti lang ang talagang umaasenso kapag solo flight. Kailangan natin ng community, pamilya, at—pinakaimportante—ang gobyerno.
Nagbabayad tayo ng buwis—kung hindi sa income tax ay siguradong nagbabayad ka ng VAT sa mga binibili mo—kaya karapatan natin ang humingi ng maayos na serbisyo. Hindi ito pabor, hindi ito utang na loob. Ito ay nararapat lang.
Ako si Sir Vince, ang inyong financial guro, nagsasabing ang pagyaman, napag-aaralan at napagtutulungan!
USEFUL RESOURCES
Sources of information and practical tips on money management
Mga bagay na dapat mong malaman sa insurance
Mga iba pang babasahin tungkol sa insurance:
- Iba’t-ibang klase ng insurance
- Must-have insurance for people in their 30s
- Ang pinakamatatag na insurance company sa Pilipinas (Part 1)
- Ang pinakamatatag na insurance company sa Pilipinas (Part 2)
- Anong insurance dapat mayroon ang mga bata?
- Gusto kong paghandaan ang future ng anak ko, tama bang investment-linked insurance ang kinuha ko?
- Paano gumagana ang ibinabayad na premium sa insurance para mabigyan tayo ng proteksyon sa panahon ng emergency
- Kung akala mo insurance ang education plan, basahin mo ito
- Insurance para sa mahirap
- Bakit mahal ang VUL o investment-linked insurance
Mga bagay na dapat mong iwasan sa insurance
Ito ang listahan ng mga articles na isinulat ko at videos na nagawa ko tungkol sa VUL para makakuha tayo ng mas sulit at mas epektibong insurance coverage.
- Bakit mahal ang VUL?
- Bakit mas maganda ang BTID kaysa VUL?
- Epektibong paggawa ng BTID upang masulit ang pinaghirapang pera sa insurance at investment
- Paanong mas maliit ang fund value sa VUL kaysa sa BTID?
- Ok ba talaga ang VUL kasi protected ka nito beyond 65 years old compared to term?
- Ok ba talaga ang VUL para sa estate taxes?
- Why Not VUL?
- Anong gagawin ko kung may VUL na ako? Paano ko ito ititigil?
- Pagkakaiba ng savings sa VUL
- Mga terms and conditions na kailangang hanapin kung bibili ng VUL
- Paano pumili ng mabuting insurance agent