was successfully added to your cart.

Cart

Ang pagkakaiba ng savings at VUL na dapat maintindihan ng karaniwang Filipino upang mapili kung ano ang tama para sa kanilang investment purpose at financial goals

By April 15, 2018 Insurance, Savings

May mga nagkalat na pictures sa social media na ipinagkukumpara ang savings products ng mga bangko at variable universal life o VUL ng mga insurance companies. Hihimay-himayin natin ang dalawang produktong ito upang malaman kung ano dapat ang nararapat sa iyo.

Match investment product with financial goals

Tuwi-tuwina kong sinasabi na kunakailangang malinaw kung bakit ka nag-iinvest dahil ito ang basehan kung anong investmemt product ang tama para sa iyo. Madaling malito sa mga pagpipiliang investment products at masilaw sa projected income na ipinapakita ng mga sales agents kung hindi ito malinaw. (Basahin: Paano gumawa ng financial goals)

Ihambing natin ang prosesong ito sa pagbili ng damit. Kailangan mo munang alamin kung saan mo isusuot na damit bago ka bibili ng damit.

Halimbawa, ang gamit ng damit ay pantulog. Maaaring pumunta sa Divisoria at mamili ng mga mumurahjng damit o kaya naman ay isuot lang ang mga pinamimigay na free t-shirts sa mga promo.

Puwede na ito dahil pantulog lang naman. Pero kung ang damit ay gagamitin mo para dumalo sa kasal, kinakailangan mong alamin sa invitation kung ano ang attire – barong, formal, beach theme etc.

May match din dapat ang gamit ng damit sa uri ng damit na bibilhin. I think you will agree with me na kung barong ang isusuot na pantulog, mahal ito, hindi komportable at magmumukhang loko-loko.

Ganitong-ganito din ang proseso sa pagili ng investment. Kaya kailangang alamin mo muna kung ano ang financial goals mo. (Basahin: Paano gumawa ng financial plan)

Basehan ng pagpili ng investment product

May tatlong basic factors na dapat isaalang-alang sa pagpili ng investment. Ito ay ang security, liquidity at returns. Tinatawag ko itong SuLtRy para madaling tandaan. (Basahin: Paano Malalaman kung ano ang Tamang Investment Product na Nababagay sa Plano o Pangarap Ko sa Buhay?)

Mas secure ang savings kaysa VUL

Ang pinaka-una mong kailangan i-prioritize ay ang security ng iyong investment. Ibig sabihin nito, nais nating ma-protektahan ang ating investment para hindi mawala ang pinagpaguran natin ng dugo’t pawis.

Ang savings sa mga bangko, maging ang mga rural banks, ay protektado at garantisado ng ng Philippine Deposit Insurance Corporation o PDIC hanggang 500,000. Para sa pang-karaniwang Filipino, mataas na ang coverage na ito. (Basahin: Ano ang savings?)

Ang VUL ay walang garantiya. Sa katunayan, kung babasahin sa fine prints ng mga VUL products, nakasulat doon na hindi ito savings product at naiintindihan ng kumukuha ng policy na maaring mabawasan ang kaniyang investment sa VUL.

Bakit mahalaga na unahin ang security sa pagkilatis ng investment? Dahil maraming-maraming Filipino ay first time investors at hindi nila kayang mawalan ng pera.

Kung ang investment purpose ay para sa pag-aaral ng mga anak, pagpapagawa ng bahay, panustos sa gamot at iba pa, mas panatag ang loob kung sa savings account ito ilalagak. Ito ay dahil hindi mo dapat inilalagay sa panganib ang perang gagamitin para dito.

Mas liquid ang savings kaysa VUL

Isa din sa mahahalagang basehan sa pagpili ng investment product ay ang liquidity nito. Ang liquidity ay ang kakayahan ng isang investmet product na mabawi at maging pera muli. Karaniwang kinikilingan ang mga investment products na mas liquid.

Ayon sa National Baseline Survey for Financial Inclusion ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong 2016, 60% ng mga Filipino ang walang deposit account. Sa Consumer Finance Survey (CFS) naman nito noong 2014, 85% ng mga Filipino ay mas mababa pa sa PhP50,000 ang kanilang savings deposit.

Sa sitwasyon ng maraming Filipino, na hindi pa sapat ang kanilang emergency savings, mas pasok ang savings kaysa sa VUL. Ito ay dahil sa liquidity feature ng mga savings accounts sa bangko na kahit anong oras ay puwede mong ma-withdraw. (Panoorin: Why not VUL?)

Bukod sa mas mahirap i-withdraw ang fund value mo sa VUL, marami pa itong mga charges na ipinapataw. Halimbawa, sa isang VUL product na nakita ko, 100% ng fund value mo ang equivalent na charge nila kapag nag-withdraw ka sa VUL account within the first year. Tapos pababa ito nang pababa hanggang sa tenth year. (Basahin: Bakit mahal ang VUL?)

Ang buhay ng karaniwang Filipino ay vulnerable o maraming mga di inaasahang bagay na kailangang tugunan. Kapag VUL ang kinuha at inuna nilang investment, malaki ang charges sa fund balance nila kaya lugi.

Bukod pa dito, ang mas masaklap, kung hindi nila gagalawin ang kanilang VUL, sila ay mangungutang. Nagigig buhol-buhol ang pagkakalugi dahil sa hindi match sa realidad ang investment product na pinili.

Mas marami pang short term needs ang pangkaraniwang Filipino at maliwanag na ipinapakita yan sa CFS ng BSP. Kung long term naman ang kanilang investment purpose tulad ng paghahanda sa retirement, mas naaayon o appropriate pa ding unahin ang contribution sa Social Security System (SSS); Governemnt Service Insurance System (GSIS); at Pag-IBIG.

Maaring malugi sa VUL

Ang panghuli sa basic na basehan ng pamimili ng investment ay ang returns o kita. Natural na kapag tayo ay nag-iinvest, gusto natig kumita.

Nakalagay din sa fineprint ng VUL na maaring bumaba ang fund value nito depende sa performance ng market at sinasabi din nito na ang historical performance na pinapakita nila ay hindi garantiya ng kaparehong performance sa hinaharap.

Pero, sa mga graphs na ipinapakita nila, wala kang makikitang pagbaba man lang. Linear at constant ang growth na ipinapakita sa customer, kaya pakiramdam ng mga kumukuha nito ay parating tataas ang fund value ng kanila napiling investment sa VUL.

Mababa ang simulang fund value ng VUL

Ang kailangan ding mabigyan ng diin ay ang halos walang nailalgay sa fund value ng VUL pagkabayad ng premium. Samantala, kung susundin ang Buy Term and Invest the Difference (BTID) strategy, di hamak na mas malaki ang mailalagay sa investment. (Basahin: Epektibong paggawa ng BTID upang masulit ang pinaghirapang pera sa insurance at investment)

Halimbawa, may PhP50,000 kang budget para sa insurance at sa investment. Kapag VUL ang kukunin, malamang mabibigyan ka ng PhP1 million life insurance protection at kung susuwertihin, baka magkaroon ng PhP7,000 sa fund value nito.

Sa parehong halaga, makakabili ka ng PhP1 million term life insurance sa presyong PhP6,000 lamang at maari mo nang gamitin ang PhP44,000 na balanse nito bilang panimula sa iyong investment portfolio.

Nagsisimula ka sa mas malaking halaga sa iyong investment portfolio sa BTID kumpara sa fund value ng VUL. Take note na ang mga investment products na ibinibigay sa VUL ay mga parehing investment products na mabibili mo nang hiwalay sa insurance companies, brokers, at bangko. (Basahin: Paanong mas maliit ang value ng VUL kaysa BTID).

Kaya kahit pa ilagay ang PhP44,000 sa simpleng savings account, masa malaki pa din ang kikitain nito kaysa sa VUL. Ang pagkiling ko sa paglalagay ng time deposit ay sa mga rural banks. (Basahin: Understanding time deposits)

Mas kailangan ng mga Filipino ang savings kaysa VUL

Sa mga research na galing sa BSP, makikita na kulang na kulang pa ang savings ng mga Filipino upang tugunan ang rule of thumb na ang emergency savings ay dapat katumbas ng anim na buwang kita. Kung gagamitin natin ang minimum wage na nasa PhP10,000 kada buwan, halos 95% ng mga Filipino ay kulang ang kanilang emergency savings.

Kaya swak ang savings sa maraming-maraming Filipino ang pagbubukas ng savings account dahil ang emergency savings o emergncy fund ang unang investment na magkaroon dapat tayo. Kailangan unahin ito bago magpunta sa mga komplikadong investment products tulad ng VUL. (Basahin: Emergency savings o emergency fund)

Maraming puwedeng investment product na paglalagyan ng iyong investment fund. Puwede itong sa isang regular passbook, ATM account, time deposit, MP2 ng Pag-IBIG, government bond or treasury bills, money market fund at bond fund. (Basahin: Saan dapat nakalagay ang emergency fund)

vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: