was successfully added to your cart.

Cart

Iba’t-ibang paraan kung paano kumita ng interest sa Pilipinas

By May 13, 2018 Bonds, Loans, Savings

Ang interest ay isang uri ng passive income. Ang passive income ay income na kinikita kahit hindi nagtatrabaho tulad ng dividend, rent, capital gains, pension at royalty. (Basahin: Passive Income)

Interest ang ibinabayad bilang kapalit sa paghiram sa pera. Nakakatanggap ng interest ang nagpahiram ng pera (lender) bilang kabayaran sa pagpayag niyang tumanggap ng risk o panganib. (Basahin: Paano nakakapagpayaman ang interest rate)

Narito ang mga paraan kung paano kikita ng interest bilang bahagi ng iyong investment portfolio.

Savings account sa bangko

Ang pinakasikat na paraan upang kumita ng interest ay sa pamamagitan ng interest sa bangko. Maaari itong sa pamamagitan ng regular savings account, checking account at time deposits. (Basahin: Understanding time deposits)

Mababa ang interest na ibinibigay ng mga commercial banks samantalang mataas naman ang bigay ng mga rural banks. (Basahin: Ito ang bangkong nagbibigay ng pinakamataas na interest sa time deposit)

Depende sa financial plan, ang interest sa bangko ay maaring mapakinabangan dahil bagama’t mababa ang interest rate na ibinibigay, ito naman ay liquid. (Basahin: paano magagamit ang time deposit bilang bahagi ng iyong investment portfolio)

Savings account sa kooperatiba

Ang isang malaking pinagkaiba ng savings sa bangko at sa kooperatiba ay ang guarantee galing sa Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC). Covered ng PDIC ang lahat ng bangko sa Pilipinas, samantalang ang mga kooperatiba ay hindi.

Dahil dito, mas mataas ang ibinibigay na interest rate sa savings sa kooperatiba kumpara sa savings sa bangko. Ang susi ay nasa pagpili ng matatag na kooperatiba upang masigurong ligtas ang savings. (Basahin: Paano kumilatis ng coop para siguradong ligtas ang investment)

Interest sa pautang

Ang pagbibigay ng loan ang isa sa mga paraan na maaaring kumita ng mataas na interest. Kung gagawing negosyo ang pautang, kinakailangang ito ay i-rehistro upang maging legal. (Basahin: Magandang negosyo ba ang pagpapautang?)

Pero sa kabilang banda, marami din ang nasusubsob sa kahirapan dahil sa maling pagpapautang. Hindi sapat na awa, tiwala at pagtulong ang mga dahilan ng pagpapautang. Kinakaailangang tingnan ang character at capacity to pay ng umuutang para masiguro ang pagbabayad. (Basahin: May “K” ka na ba magpautang?)

Madali ang magpautang pero mahirap maningil. Kaya kailangang may kakayahang maningil ang mga nagpapautang. (Panoorin: Paano magpautang nang tama)

Peer to peer lending

May mga lumalabas na ring mga apps at website ngayon na maari kang magpautang gamit ang teknolohiya sa pamamagitan ng peer to peer lending (P2P). Ang P2P ay isang paraan ng pagpapautang kung saan maaring mangutang at magpahiram ang mga tao nang hindi nangangailangan ng financial interemediary tulad ng bangko. (Basahin: Paano gumagana ang interest at ano ang iba’t-ibang uri nito?)

Mas mataas ang interest na maaring makuha sa P2P lending pero mataas din ang panganib sa hindi ka mabayaran. Ang default rate ng karaniwang P2P lending platforms na nakikita ko ay nasa 12%. (Basahin: Paano masisigurong makasingil sa pautang)

Bond

Ang bond ay isang uri ng debt instrument na ini-issue ng gobyerno at mga korporasyon para may panustos sila sa kanilang mga proyekto. Ang umuutang (borrower) ay tinatawag na bond issuer na karaniwang ang gobyerno o mga korporasyon. Samantalang ang nagpapautang (lender) ay tinatawag namang bondholder. (Basahin: Understanding bonds)

Maaring bumili direkta sa bond issuer, sa bangko o sa pamamagitan ng pag-iinvest sa bond fund ng mutual fund o unit investmet trust fund. (Basahin: Paano bumili ng bonds)

Money market

Ang money market fund ay mga investments na madaling maging cash at makili ang maturity  katulad ng time deposits, treasury bills at commercial papers. May mga money market accounts din na ibinibigay ang mga bangko at karaniwang ito ay hindi covered ng PDIC dahil mas mataas ang interest na bigay nila. (Basahin: Understanding pooled funds)

Laging mag-ingat sa pag-iinvest

Sa karanasan ko, standardization and profeessionalization is key. Nag-focus ako sa pagpapautang kaya ako ay nag-register ng financing company noong 2008. Hindi kasi biro ang paniningil kaya dapat ay maayos ang pamamalakad nito.

Kung anuman ang napili mong paraan kung paano kumita ng interest income – savings sa bangko, savings sa kooperatiba, pagpapautang, peer to peer lending, bonds at money market – siguraduhing ligtas ang iyong kapital.

vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: