Isa sa mga reklamo ng karamihang naninirahan sa mga siyudad tulad ng Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao, Metro Iloilo at iba pa ay ang traffic. Naiintindihan ito ng marami dahil nakaka-stress ang traffic, nakakapagdulot ng polusyon na masama sa katawan at nakakapagod.
Bumababa ang productivity dahil sa traffic
Minsang nakitira ako sa isang bahay ng kaibigan sa Singapore at nanlumo ako sa inggit dahil bumabangon sila ng alas otso nang umaga para makapasok sa opisina ng alas nuwebe. Good luck kung makakayanan ito sa Metro Manila.
Dahil sa stress, polusyon at pagod na dulot ng traffic, naaapektuhan ang ating productivity. Una nababawasan ang ating oras at nasasayang dahil nauubos sa traffic. Pangalawa, bumababa ang ating peak performance sa trabaho dahil sa pagod at init ng ulo dulot ng traffic. Pangatlo, tumataas ang gastusin dahil sa stress at polusyon na nakakaapekto sa kalusugan.
Magkano ang nasasayang na oras mo?
Ayon sa pag-aaral na ginawa ng Boston Consulting Group para sa Uber Philippines (noong buhay pa ang Uber sa Pilipinas), ang Metro Manila ang pangatlo sa Asia na may pinakamatagal na natatraffic ang mga tao. Sumunod lamang ito sa Bangkok, Thailand at Jakarta, Indonesia.
On average daw ay mahigit kumulang isang oras ang ginugugol natin sa traffic. Baka mas matagal pa nga dito ang katotohanan. Pero gamitin natin ang bilang na ito upang i-estimate kung magkano ang halaga ng nawawala sa atin base sa income earning capacity natin o kakayahan natinng kumita sa isang oras.
Para sa mga minimum wage earners na kumikita ng PhP10,000 kada buwan, ang kanilang hourly rate ay PhP62.50 (PhP10,000/160 hours of work per month). Kung may 220 working days sa isang taon, PhP13,750 ang halaga ng nasayang na oras dahil sa traffic.
If you earn more, do the math. Mas malaki pa ang nawawala sa iyo. Higit sa isang buwang kita ang katumbas ng negatibong epekto ng traffic.
Ito ay panahon na sana ay nagamit mo para kumita – mag-overtime for example; o kaya naman ay simpleng gamitin ang oras na ito upang makasama ang ating mga mahal sa buhay – which is priceless.
Paano makakatulong ang investment mo sa traffic
Ang isa sa mga dahilan kung bakit lumalala ang traffic sa mga siyudad ay dahil sa paglaki ng urban population. Ayon sa World Bank, noong 2014, 44.5% ng mga Filipino ay naninirahan sa mga urban areas.
Of course marami pang dahilan kung bakit ma-traffic, pero nais kong pagtuunan ng pansin ang urban population dahil may investment na makakatulong upang mapigilan ito. Ayon sa Philippine Statistics Authority, noong 2016, 76% ng mga mahihirap ay nasa agriculture sector at naninirahan sa rural areas.
Kung matutulungan natin ang agriculture sector, mapipigilan natin ang paglikas ng mga nasa rural areas papunta sa urban areas. Ang dahilan kasi ng paglipat nila ay ang paghahanap ng trabaho.
Dalawang simpleng paraan para makatulong ka na malunasan ito: maglagay ng deposit sa mga rural banks at matatag na kooperatiba. Ang mga rural banks at kooperatiba ay tumutulong sa local economic development ng rural areas dahil ginagampanan nila ang pagpapautang ng puhunan sa mga negosyo dito kasama na ang mga nasa agriculture sector.
Di hamak na mas mataas ang makukuhang returns dito at kung gagawin nang tama, masisiguro namang ligtas. Basahin ang mga naisulat ko na tungkol dito:
- Understanding time deposits
- Time deposit bilang bahagi ng investment portfolio
- Bangkong nagbibigay ng mataas na interest
- Paano kumilatis ng kooperatiba para siguradong ligtas ang investment
- Paano kumita ng dibidendo sa Pilipinas
- Paano kumita ng interest sa Pilipinas
Kapag nag-deposito sa rural bank at kooperatiba, matutulungan ang mga negsosyo sa rural areas. Lalago ang ekonomiya doon at madadagdagan ang trabaho. Dahil dito, mababawasan ang migration ng mga tao sa siyudad at sana makadulot ito ng pagkabawas sa trapiko.
Ano pang hinihintay mo? Bumiyahe na sa probinsya at mag-deposit sa mga rural banks at kooperatiba.