Ang dividend o dibidendo ay isang uri ng passive income. Ang passive income ay income na kinikita kahit hindi nagtatrabaho tulad ng interest, rent, capital gains, pension at royalty. (Basahin: Passive Income)
Dividend sa Pilipinas
May dalawang paraan upang kumita ng dividend sa Pilipinas – pag-iinvest sa capital share ng kooperatiba at sa stocks ng isang korporasyon. Ang dividend ay ibinabayad ng kooperatiba sa mga members nito o ng korporasyon sa mga stockholders nito galing sa kanilang net income o linis na kita. (Basahin: Understanding stocks)
Para sa mga negosyong hindi rehistrado bilang stock corporation sa Securities and Exchange Commission (SEC) tulad ng sa mga sole proprietorship at general partnerships, maituturing ang profit sharing na ginagawa nila sa dibidendo.
Share capital sa kooperatiba
Ang paborito kong investment pagdating sa dibidendo ay ang pag-iinvest sa share capital sa kooperatiba. Bago ako napasok sa mundo ng personal finance, ako ay isang social development worker at naging partner ko ang maraming kooperatiba sa buong Pilipinas upang malunasan ang kahirapan.
Mula 2006, consistent na 13% ang average dividend rate na nakukuha ko sa mga share capital ko sa mga kooperatiba. Mas malaki nang di hamak kumapara sa mga listed companies sa stock market ang nakukuha kong dividend sa mga kooperatiba. (Basahin: Coop investments beat PSEI)
Sa katunayan, kakatawag ko lang sa mga coop partners ko at muli nilang dala ang magandang balita na nagbigay na sila ulit ng dividend. Ang susi sa pag-iinvest sa kooperatiba ay ang masusing pagkilatis sa mga ito.
Kung ano ang gamit na disiplina at pamamaraan ng mga professional fund managers sa pagpili ng investment, ganun din ang ginagamit ko sa pagpili ng kooperatiba. Ang COOP-PESOS ang ginagamit kong gabay upang makapili ng matinong koopertiba.
Ang investment ko sa kooperatiba, nagbibigay ng maayos na kita, nakakatulong pa sa mga mahihirap sa kanayunan. (Basahin: Paano kumilatis ng coop para siguradong ligtas ang investment)
Stock market investing
Maaring bumili ng stock sa mga publicly listed companies ng Philippine Stock Exchange (PSE). Kung stock investing ang gagawin, dapat long term ang investment horizon.
Magkaiba ang stock trading sa stock investing. Maikli ang investment horizon ng stock traders dahil capital gains ang habol nila.
Ang stock trading ay umaasang kumita sa capital gains sa pagtaas ng presyo ng stock, samantalang ang stock investing ay mas umaasa sa dividend na ibibigay ng korporasyon. Mahalaga din ang capital gains sa stock investing pero mas inaasahan ang pagtaas nito sa mahabang panahon at pinapahalagahan nito ang regular na dividend na ibinibigay ng koroporasyon.
Pero bago tumalon sa stock investing siguraduhing meron ka muna ng mga sumusunod: (1) financial plan; (2) emergency savings; (3) government-madated benefits tulad ng PhilHealth, SSS/GSIS, Pag-IBIG at OWWA kung OFW; (4) insurance; (5) walang bad debt; (6) pooled funds; at (7) nakapagbasa ng libro at naka-attend ng seminar tungkol sa stock investing. (Basahin: Mga dapat ihanda bago mag-invest sa stock market)
Stock investing sa unlisted corporations
Maari ding mag-invest sa stocks ng mga private corporations o public but not listed corporations. Yun nga lang, dahil hindi ito listed sa PSE, kinakailangang may kakilala ka sa mga korporasyon na ito.
Ang mas mahalagang tingnan kung papasok sa stock investing na hindi listed sa PSE ay kung may secondary license ito mula sa SEC. Kinakailangang kasing rehistrado ang stock na ibinebenta dahil ito ay isang uri ng security.
Sa mga private corporations, sinasabi ng SEC na hanggang 19 lang dapat ang bilang ng mga investors. Kapag sosobra dito, kailangang nang humingi ng secondary license ng korporasyon sa SEC.
Halimbawa ng ganitong investing ay kung may kaibigan na nagtayo ng small and medium enterprise at nangangailangan ng investors. Maaring bumili ng stocks sa kaniyang korporasyon para magkaroon ng dividend kapag kumikita na ang negosyo.
Maging maingat sa pag-iinvest
Wala pa ring tatalo sa paghahanda at pag-aaral kung may papasuking investment. Laging balikan ang ginawang financial plan para malaman kung ito ay sangayon sa iyong plano. (Basahin: Paano gumawa ng financial plan)
Piliing mabuti kung ang capital share investing sa kooperatiba o stock investing sa mga korporasyon ang para sa iyo. (Basahin: Paano malalaman kung ano ang tamang investment product na nababagay sa plano o pangarap sa buhay)
SIr Vince, may nakita akong cooperatives sa may amin, share capital, common share 4-6% lang po yun interest per PA with minimum of 14 000 php ok lng po ba an mginvest dito?
Ito po ang guide para malaman niyo kung ok. http://vincerapisura.com/coop-pesos-investment-cooperative-kooperatiba/