was successfully added to your cart.

Cart

Mga patakaran sa tamang gamit ng utang

Ang utang ay perang hiniram na babayaran sa takdang panahon na may kasamang interest. Karaniwang ginagamit ng mga tao ang utang sa negosyo, pag-iinvest, sa emergency at pambili ng mga bagay.

Marami ang nababaon sa utang dahil sa maling gamit nito. Natuturingang taga-“London” ang mga taong mahilig mangutang kasi ang ibig sabihin nito ay “loan dito – loan doon.” (Panoorin: Good utang versus bad utang)

Gamitin sa productive purposes

Ang cardinal rule sa pagkuha ng utang ay ang paggamit nito sa bagay na kumikita lamang o yung tinatawag na producive purposes. Magagawa ito sa pamamagitan ng negosyo at investment.

Ngunit kailangan pa ring isaalang-alang na ang paglalagyang negosyo o investment ay siguradong kikita dahil ito ang panggagalingan ng pambayad sa utang. Kung hindi sigurado ang kita sa paglalagyang negosyo o investment, iwasang mangutang para dito.

Mas malaki ang kita kaysa interest

Kapag ginamit ang loan sa negosyo o investment, kinakailangang siguraduhing mas malaki ang kikitain sa negosyo investment para may sapat na pambayad sa interest. Kailangan ding maibalik ang puhunan sa takdang panahon upang mabayaran ang utang sa tamang oras.

Kung hindi, maaring mas tumaas pa ang babayaran dahil sa mga fees at penalties. Worse, maaring mailit o ma-foreclose ang collateral na ginamit at makasuhan kapag hindi nabayaran ang loan.

Makakatipid

Marahil ay kumunot ang noo mo sa isang ito. Paanong makakatipid kapag nangutang e may babayarang interest.

May mga paraan para makakuha ng zero percent interest, nangunguna na dito ang pangungutang sa mga kamag-anak na kadalasan ay walang interest. Kung gagamitin sa tama at hindi aabusuhin, maaring gamitin ang loan basta’t sinusunod ang nauna nang dalawang panuntunan ko sa gamit nito.

Bukod sa zero percent interest, may mga sitwasyon pa rin na kahit may interest na babayaran sa utang, maaari pa ring makatipid. Halimbawa na dito ang pagbili ng bahay; sasakyan at buying in bulk.

Kung nangungupahan ngayon, maaring makatipid kung bibili ng bahay at mas mababa ang loan amortization kaysa sa binabayarang renta sa kasalukuyan. Sa ganitong paraan, makakatipid na, nakakapundar pa. (Basahin: Gabay sa pagkuha ng housing loan)

Ganoon din sa pagbili ng sasakyan. Ikumpara kung magkano ang ginagastos sa pamasahe sa babayarang car loan, gasolina, maintenance at insurance nito. Kung mas mataas ang pamasaheng binabayaran kada buwan, maaring kumuha ng car loan. (Basahin: Gabay sa pagkuha ng car loan)

Kadalasan, may discount kapag tayo ay bumubili ng maramihan. Ikumpara ang matitipid sa pagbili at kung mas mataas ito kaysa sa interest na babayaran, puwedeng mangutang.

Makakadagdag sa productivity at efficiency

Kung may negosyo, maaaring kumuha ng utang para makabili ng machinery, equipment at iba pang kagamitan upang maging produktibo ang negosyo o kaya naman ay mapababa ang gastusin nito. Kapag productive at efficient ang negosyo, lalaki ang benta, liliit ang gastos kaya mas maganda ang kita. (Basahin: Dapat ang mangutang para tustusan ang bagong negosyo)

Debt consolidation

May mga taong marami nang utang sa iba’t-ibang tao o organisasyon, makakatulong ang utang kung gagamitin ito sa tinatawag na debt consolidation o pinag-iisa ang maraming loan.

Karaniwang nakikipag-negotiate sa isang creditor na bayaran nito ang lahat ng loan para sa kaniya na lang magbabayad ang may utang. Sa ganitong paraan, mapapababa ang interest na babayaran at sisimple ang pagbabayad dahil isa na lang ang kausap.

Pero, may malaking babala kung gagawin ito. Siguraduhing may panindigan na na hindi na babalik sa maling paggamit ng utang. Marami na kasi akong nakilala na ginawa ito at ang nangyari ay mas lumaki pa ang utang dahil nagkaroon na naman sila ng mga mauutangan. (Basahin: Paano makakaahon sa maling pagkakautang)

Iwasang mabaon sa utang

Kapag bibili ng wants, iwasang gamitin ang utang. Mas makabubuti kung saving ang gagamitin pambili ng wants. Pero ang pinakamabuti ay ang paggamit ng passive income pambili sa wants. (Panoorin: Tamang gamit ng credit card)

Simple lang ang limang na patakaran sa tamang pangungutang: (1) gamitin sa productive purposes; (2) mas malaki ang kita kaysa sa interest; (3) makakatipid; (4) makakadagdag sa productivity at efficiency; at (5) debt consolidation.

Sundin ang mga ito at siguradong makakatulong ang utang sa pag-angat ng iyong buhay.

vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: