Ang credit score ay isang numero na nagpapakita sa creditworthiness ng isang tao. Sa ngayon, napakalimitado pa ng impormasyon tungkol sa credit score.
Sa Pilipinas, FICO credit scoring system ang gagamitin. Ito ay isang proprietary formula para maglabas ng credit score para sa isang tao. Tintingnan nito ang mga sumusunod: payment history; level of indebtedness; length of credit history; new credit and types of credit used. (Basahin: Ano ang credit score?)
Kahalagahan ng credit score
Mahalagang malaman kung ano ang credit score mo dahil dito nakasalalay kung papasa ka sa approval kapag kumuha ng high ticket loans katulad ng bahay at sasakyan. Mas mapapadali ang approval ng loan mo kung mataas ang iyong credit score.
Maaari ka ring mabigyan ng mas mababang interest rate at mabigyan ng mas magandang serbisyo dahil sa iyong track record. Kaya pangalagaan ang iyong credit score dahil susi ito sa pag-unlad ng buhay.
Mahabang credit history
Para mapataas ang credit score, magandang magsimula nang maaga dahil habang mas matagal ang relasyon mo sa mga organisasyong nagbibigay ng pautang o kaya naman ay nakakapagpakita ng kakayahan mong magbayad, pabor ito sa iyo.
Ang pinakamadaling pagsimulan nito ay ang pagkuha ng postpaid mobile phone line, internet connection at cable TV. Kung kaya, maganda ring ang bill ng tubig at kuryente ay mailagay sa pangalan mo.
Kung maganda ang record mo sa pagbabayad sa mga ito, pabor ito sa iyong credit score. Maraming magsasabing umpisahan ang credit history sa pamamagitan ng pagkuha ng credit card. Ok naman ito, kaya lang siguraduhing dapat may disiplina sa paggamit ng credit card. (Panoorin: Tamang gamit ng credit card)
Magbayad sa tamang oras
Utang man o bayarin tulad ng telepono, tubig at kuryente, ugaliing magbayad sa tamang oras para hindi mabawasan ang credit score. Kung hindi ako nagkakamali, ito ang may pinakamalaking bahagi sa pagkuha ng credit score – ang repayment history. (Basahin: Maling gamit ng loan)
Iwasang lumagpas sa credit limit
Partikular ito sa mga credit card. Ugaliing hindi lalagpas sa 30% ng credit limit ang outstanding balance. Kapag lumalagpas sa credit limit, ibig sabihin ay nangungutang ka nang mas malaki pa kaysa sa may kakayahan kang bayaran.
Use credit wisely
Tandaan na ginagamit lamang ang loan sa mga produktibong bagay o mga bagay na kumikita. Kung hindi, iwasang kumuha ng loan. Sa halip ay matutong mag-ipon at mag-invest para magkaroon ng passive income. (Basahin: Tamang gamit ng loan)
Maaari bang kumuha ng credit rating o score sa Pilipinas kagaya sa Northern America?