was successfully added to your cart.

Cart

Ang cardinal rule sa utang ay dapat gamitin ito sa bagay na kumikita. Ibig sabihin, kung hindi kikita ang gamit nito, malamang ay mas magandang financial product na dapat gamitin para dito.

Epektibo ang paggamit sa loan kung ito ay may mas malaking kita kumpara sa interest na babayaran; makakatipid; makakadagdag sa productivity o efficiency; at kung gagamitin sa debt consolidation. Iwasang mabaon sa maling pagkakautang dahil nakakapagpahirap ito ng buhay.

Narito ang mga madalas na maling gamit ng utang at kung ano ang recommended financial product ang dapat na gamitin para sa mga ito.

Emergency

Ang pinakapalasak na maling gamit ng loan o utang ay kapag ginagamit ito sa mga di panahong may di inaasahang pangyayari o kaya ay emergency. Halimbawa ng emergency ay pagkamatay, pagkakasakit, aksidente at iba pa.

Bago pa mangyari ang emergency, kinakailangang paghandaan na ang mga ito. Sa panahon ng emergency, savings at insurance ang dapat na gamit. (Tingnan: Listahan ng mga babasahin sa insurance)

Hindi sapat na dasal at pagpapasaubaya sa Diyos na lang ang emergency. Alalahanin na nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa; at ang pag-iipon at pagbili ng insurance bilang panlaban sa emergency ay bahagi ng responsibilidad natin. (Basahin: Tamang gamit ng loan)

Bakasyon

Isa sa mga sukatan ng maayos na buhay ang pagkakaroon ng bakasyon. Hindi naman masama ang bakasyon pero kung ang gamit sa pagbabakasyon ay utang, maling gamit ito ng utang. (Panoorin: Vacation on a budget)

Nauna ko nang naibahagi dati na ang budget sa bakasyon ay dapat hindi lalagpas sa isang buwang suweldo sa bawat taon. Kapag gusto nang mas magarbong bakasyon, pag-ipunan ito.

Pero ang pinakamainam na source of fund para sa bakasyon ay ang passive income. Mag-ipon muna ng investment portfolio at ang kikitain nito ang siyang gagastusin para sa bakasyon. (Basahin: Epektibong paraan para matustusan ang wants)

Magarbong selebrasyon

Kasal, binyag at birthday ang tatlong karaniwang pinagdiriwang na selebrasyon. Isang senyales ng hindi magandang paghawak ng pera ang paggamit ng utang para sa mga selebrasyong ito.

Mas maganda pang panatilihing simple ang selebrasyon kaysa ibaon ang sarili sa utang. Isiping mabuti, ang isang araw na pagpapakasaya ay pagbabayaran ng ilang buwan o ilang taon.

Para sa mga selebrasyon, magandang pinag-iipunan ang mga ito. (Basahin: Money tips para sa millennials)

Pambayad sa ibang utang

Isa pang senyales na baon ka sa utang ay kung kailangan mong mangutang upang may pambayad ka sa iba pang utang. Ito ang vicious cycle of debt o debt trap, kung saan umiinog na ang mundo ng isang tao sa utang.

Narito ang mga kailangang gawin para makaahon sa pagkakabaon sa utang: huwag nang dagdagan ang utang; ilista lahat ng utang at mag-negotiate sa mga pinagkakautangan o kaya naman ay i-consolidate ito; magtipid; at maghanap ng pagkakakitaan para may dagdag pambayad sa utang. (Basahin: Paano makakahon sa pagkakabaon sa utang)

Speculative investing

May mga nakilala ako sa aking mga training na nabiktima ng scam; at ang masaklap pa nito, nangutang sila para may pang-invest sa scam. Noong una kasi, malaki ang kinikita nila kaya na-enganyo pang maglagay pa ng mas malaking pera sa investment.

Dahil hindi makapaghintay at nasilaw sa kita, nangutang sila para madagdagan pa ang kanilang naunang nailagan na investment. Hanggang sa bumagsak ang investment at nalugi sila.

Ngayon, hindi lang sila nawalan ng pera, pinagdudusahan din nilang bayaran ang utang. Iwasang gamitin ang utang sa mga sepculative investments dahil malaki ang tsansang mawalan ka ng pera at maiiwan pa sa iyo ang mabigat na utang. (Tingan: Mga babasahin tungkol sa investment scams)

Paying bills and everyday items

Ang mga gastusin pang-araw-araw ay dapat galing sa kita o kaya ay sa savings, hindi sa loan. Masahol pa sa isang kahig-isang tuka ang gumagamit ng utang para sa pang-araw-araw na bilihin.

Kailangang i-review ang pamumuhay kung ultimo uulamin o pamasahe ay kailangang utangin. Humingi ng tulong at magpagabay sa lalong madaling panahon. (Basahin: Ano ang dapat unahin, mag-ipon o magbayad ng utang)

Funeral expenses

Sa kultura natin, nagpapasugal tayo sa lamay kapag may patay bilang dagdag panustos sa gastos ng pagpapalibing. Kadalsan ay napapatagal ang buro dahil hindi pa sapat ang naipon pampalibing.

Ang iba naman ay nangungutang para may pampalibing. Insurance o pagbili ng memorial plan ang mga maaaring gamitin para dito, hindi utang. (Basahin: Magandang investment ba ang memorial lot?)

Gumamit ng tamang financial product

Babalik ako sa nauna kong nasabi, ang utang dapat ginagamit lang sa bagay na kumikita. Kung hindi kikita, gumamit ng iba pang financial products tulad ng savings, insurance at pre-need plans.

Mas maganda kung matutong mag-invest para magkaroon ng passive income. Mabibigyan ng solusyon ang mga maling paggamit ng utang kung ito ay paghahandaan. Simulan ito sa pamamagitan ng paggawa ng financial plan. (Basahin: Paano gumawa ng financial plan)

vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: