was successfully added to your cart.

Cart

Proseso ng tamang pag-aabroad

By May 9, 2019 OFW, OWWA

Pauwi ako ng Pilipinas ngayong May 7, 2019 mula sa sunod-sunod na trainings at outreach programs sa Abu Dhabi at Dubai. Sabik na sabik na akong umuwi dahil lagpas isang lingo din kaming hindi magkasama ng aking partner, miss ko na siya.

Business class upgrade

Parokyano ako ng Philippine Airlines (PAL). I have been a Mabuhay Miles member for almost 20 years at halos taon-taon din ay Premier elite or Elite member ang aking tier status.

Tumunog ang scanner ng boarding pass, pagdating ko sa boarding gate. Malaki ang tsansa na ako ay na-upgrade sa business class. Abot tainga ang ngiti ko nang iabot sa akin ang bagong boarding pass. Seat 1D!!!

Naaalala ko ang very pleasant experience ko na pagpunta sa Dubai dahil business class ang aking ticket gawa ng kaialangan ko ng extra baggage allowance. First time ko on business class na long haul flight sa PAL that time and it was really one for the books. You can watch my experience here.

Reunited with POLO-OWWA outreach participants

Pagpasok ko ng business class cabin, laking gulat ko nang tumambad sa akin na hindi pala ako nag-iisa sa mga na-upgrade sa business class. Ang ilan sa mga participants sa outreach program natin sa Philippine Overseas Labor Office – Overaseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) sa Dubai ay nandoon din.

Sa wakas ay makakauwi na sila!

Labing-apat daw silang lahat na pinalad na makauwi nang araw na iyon. Tuwang-tuwa din silang makita ako.

Mabilis sinagot ng Panginoon ang panalangin namin.

Si Laila

 Nakatabi ko si Laila, 31 years old ang nakatabi ko at sinamantala ko nang kausapin siya para makakuha nang mas marami pang impormasyon upang makagawa ako ng mga warning signs na dapat iwasan kung balak mag-abroad.

Construction worker ang asawa niya at may dalawa silang anak, isang 11 at 5 years old. Sila daw ang susundo sa kaniya sa airport.

Nagbebenta si Laila ng hotdogs at fishball sa tabi ng daan malapit sa kanilang bahay. Tuwing weekends daw ang kalakasan ng kaniyang benta at umaabot ang kita niya ng 1,500 per day. Kapag weekdays naman, medyo matumal nasa 100 to 300 pesos ang kita niya per day.

Facebook connection

Nalaman ni Laila ang tungkol sa pag-aabroad dahil may nakakilala siyang nag-aapply din dito at na-enganyo siyang sumali. Hindi pa sila matagal na magkakilala nito.

Ni-link siya sa mga taong nag-process ng kaniyang papeles sa Facebook. Hindi niya alam, siya na pala ay biktima ng human trafficking.

Processing ng papeles

Hindi dumaan si Laila sa agency sa Pilipinas. Ni hindi siya direktang nakapunta sa opisina ng tumutulong sa kaniya. Basta ang mahalaga sa kaniya ay makapag-abroad siya kahit anong mangyari.

Aminado naman siyang hindi niya alam ang tamang proseso ng pag-aaply ng trabaho abroad. Ang akala niya’y tama ang ginagawa niya. Hindi niya alam na illegal pala ang prosesong ginawa niya sa pag-aabroad.

Sarah Neri Tusi daw ang Facebook name ng tumulong sa kaniyang magkaroon ng visit visa. Ipinadala ni Laila kay Sara sa Facebook ang picture ng kaniyang passport, 1×1 picture at whole body picture.

Gastusin sa processing

Madaming naeenganya sa paghahanap ng trabaho abroad gamit ang tourist visa dahil ang mga illegal recruiters ang may sagot ng plane ticket. Ayon kay Laila, ang ginastos lang niya ay ang kaniyang passport processing, pagbibigay ng picture at medical certificate.

Never nakita ni Laila si Sarah at sa labas ng airport na daw sila nagkita. Inendorso siya ni Sara sa isa pang kasamahan nito sa loob ng airport na first time ding makita ni Laila.

Ayon sa kaniya, nagbibigay ng instruction ang taong ito sa loob ng airport kung saan pipila sa immigration para siguradong walang aberya sa pagpasok. Dito na rin inabot sa kaniya ang kaniyang planet ticket at passport.

Ang mahigpit na bilin sa kaniya ay sabihing kunwari magbabakasyon lang siya sa pinsan niya sa Dubai. May pangalan na ibinigay na nasa visa niya na siya niyang sasabihing pinsan niya.

Arrival in Dubai

Pagdating ni Laila sa Dubai, sinundo siya ng boss ni Sarah doon, na nagpakilalang Clarence Chan. Hindi agad nakakuha nang employer para sa kaniya kaya tumuloy muna si Laila sa bahay ng Clarence ng tatlong araw.

Matatamis na salita

Noong nasa Pilipinas pa siya, matatamis at maayos daw magsalita ang mga tumulong sa kaniyang mag-abroad. Pinangakuan siya ng AED1,500 na sahod kada buwan. Mababait daw ang kaniyang magiging amo.

Mabibigyan din daw siya ng dayoff at dahil open country daw ang UAE, magiging masaya siya dito. Ang usapan 10 oras sa isang araw siyang magsisilbi bilang domestic worker.

Human trafficking

Walang natupad sa mga pangako ng illegal recruiters kay Laila. Hindi siya binigyan ng sahod ng kaniyang employer. Walang dayoff, maraming trabaho at mahabang oras ang kaniyang trabaho.

Nagaalaga siya ng tatlong bata, naglalaba at naglilinis ng tatlong palapag na bahay. Bukod pa dito ang paninilbihan niya sa kaniyang mag-asawang employer.

Bumabangon daw siya ng 5am at natatapos na ng hatinggabi na minsan ay umaabot pa ng 1am. Hindi na siya nakatiis at nagreklamo na siya kina Sarah at Terence.

Biglang nagbago daw ang trato sa kaniya ng mga ito. Ang sabi sa kaniya’y magtiis na lang. Kung gusto niyang makabalik sa Pilipinas, kailangan niya daw magbayad ng PhP120,000 sa kaniyang employer dahil “binili” na siya nito.

Pagtakas sa employer

Nagpasiya si Lailang tumakas sa kaniyang employer. Sinamantala niya ang pagkakataon nang minsang abutan siya ng 50 dirhams ng kaniyang employer para sunduin ang kaniyang mga anak sa school. Ginamit niya ang perang ito para makasakay ng taxi at huming ng tulong sa konsulato ng Pilipinas.

Kalinga ng POLO-OWWA

Tinulungan ng POLO-OWWA si Laila na ayusin ang kaniyang papeles para makauwi sa Pilipinas. Inabot ito ng apat na buwan.

Mabait daw ang trato sa kanila ng mga officers and staff ng POLO-OWWA. Lahat ng kaniyang pangangailangan ay naibibigay. Masarap daw ang pagkain na ipinapakain sa kanila; maayos at de-aircon ang tuligan; at nagbibigay ng damit at personal care products habang nananatili sila dito.

Noong nag-outreach program kami para magbigay ng financial literacy training sa kanila, lagpas 300 daw ang nasa pangangalaga ng POLO-OWWA sa panahong iyon. Araw-araw ay may dumadating daw na biktima ng human trafficking.

Dahil sila ay tumakas, delikado ang kanilang buhay. Kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpopost ng picture kasama ang mukha nila sa social media. Ito ang dahilan kung bakit nakatakip ang mukha nila gamit ang libro ko nang mag-post ako ng pictures ng outreach program natin.

Upang mapanatiling maayos ang pamamalakad sa kanila, ipinagbabawal din ang paglabas sa POLO-OWWA premises, paninigarilyo at pagbebenta ng kung-anu-ano. Maluwag namang sinusunod ito ng mga naroon dahil naintindihan nilang para din sa kanilang kapakanan at seguridad ito.

Knowledge and skills training

Dahil sa haba ng panahon ng processing ng papeles para makabalik sa Pilipinas, na minsa’y inaabot ng hanggang anim na buwan, nagbibigay ng training at iba’t-ibang activities ang POLO-OWWA.

May mga dumadalaw sa kanila, tulad natin, na nagbibigay ng training. Sa katunayan, may kasabay tayong nagbibigay ng sewing training noong nagbigay tayo ng financial literacy training doon. Tinuturuan din daw silang mag-computer, may masage training at nagpapamisa din para sa kanila.

POLO-OWWA assistance

Hindi miyembro si Laila at ang mga kasamahan nito ng OWWA dahil tourist visa ang kanilang gamit sa pagpasok abroad. Makakauha dapat sila ng PhP20,000 assistance galing dito kung sila ay miyembro.

Bukod sa pagkalingang ibinigay ng POLO-OWWA sa kanila, inihatid sila sa airport at binigyan din ng pamasahe upang sila ay makauwi. AED40 ang natanggap ni Laila dahil ito ang pamasahe pauwi ng Bulacan.

Plan for future

 Ayon kay Laila, babalik siya sa kaniyang naiwang negosyo at muling magpapa-miyembro sa Pag-asa, isang microfinance institution sa Pilipinas. Puwede rin daw niyang balikan ang trabaho niya sa pabrika.

Dahil sa kagustuhan niyang makatulong sa kaniyang asawa at mga magulang kaya siya nakipagsapalaran abroad. Pero hinding-hindi na daw niya ito uulitin dahil sa hirap na dinanas niya.

Pagkakasiyahin na lang daw niya ang kikitain niya at ang kita ng asawa niya bilang construction worker ang pangangailangan nila. Magtatrabaho o magnenegosyo na lang daw siya sa Pilipinas, di bale nang mas kaunti ang kita, basta kapiling ang pamilya.

Sa katunayan, kung may PhP15,000 daw na kita sa Pilipinas ang mga nakausap natin sa outreach natin sa Dubai at Abu Dhabi, hindi na sila makikipagsapalaran abroad.

Lesson learned

Naniniwala akong wala talagang mga pagkakamali kundi pinagdadaanan natin ang mga bagay dahil may gustong ituro sa ating leksiyon. Tinanong ko si Laila kung ano ito para sa kaniya.

Ang sabi niya’y susunod na siya sa tamang paraan ng pag-aabroad; at hinding-hindi na siya basta-basta magtitiwala kung kani-kanino.

POEA

Ayon kay Laila, dapat siguraduhing dadaan sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) kapag mag-aaply ng trabaho abroad. May mga accredited employment agencies under POEA at makikita sa kanilang website.

Mag-apply sa opisina.

Dapat din daw may opinsina ang employment or placement agency sa Pilipinas at siguraduhing bumisita dito para masiguro na hindi sila fly by night. Iwasan ang makipag-transaction sa pamamagitan lamang ng social media tulad ng Facebook o Twitter.

TESDA

Dagdag pa niya, kapag mag-aapply bilang domestic worker abroad, kailangang makakuha muna ng NC II (National Certficate or certificate of competency) mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Domestic workers ban

Sa kasalukuyan, may ban o ipinagbabawal ang pag-aaply bilang domestic worker sa UAE ang mga Filipino. Kaya marami ang nakikipagsapalaran na katulad ng ginawa ni Laila. Kung balak mag-apply abroad, siguraduhing may pahintulot ito mula sa ating gobyerno.

Smooth flight

Matapos ang aming kuwentuhan ni Laila at ng iba pa niyang kasamahan, inihain na sa amin ang napakasarap na pagkain ng mga magigiliw na flight attendants ng PAL. Talagang ramdam ang taos-pusong alaga nila.

Hindi ko nakakitaang iba ang trato ng mga flight crew sa mga na-upgrade na domestic workers. Ipinaramdam nilang espesyal silang pasahero. Shoutout kay Ms. Liza Pangilinan para sa kanilang serbisyo.

Enjoy na enjoy si Laila sa panonood ng sine, pagkain at sa libreng pouch na may laman na toiletries sa business class. Maya-maya pa ay ginawa na niyang full flat bed ang kaniyang upuan at nakatulog nang mahimbing.

Sa isip ko’y, maliit na bagay ang luxury na na-experience nila ngayon katumbas ng sakripisyo at panganib na hinarap nila. Napapangiti na lang ako na maya-maya lamang ay makakapiling na nila ang kanilang pamilya.

Sana ay maging matagumpay si Laila at ang kaniyang mga kasamahan sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.

USEFUL RESOURCES

Sources of information and practical tips on money management

Sir Vince's Ultimate Guide to Money Management

Watch videos on money management

Watch Usapang Pera episodes

Subscribe to Usapang Pera Youtube channel

vincerapisura.com


Get in touch with Sir Vince

Message Sir Vince through FB messenger

Send an email to Sir Vince

Like Vince Rapisura page

vincerapisura.com


Join online groups of Sir Vince

Join Usapang Pera Group

Join Sir Vince blog newsletter

vincerapisura.com


vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: