Siem Reap, Cambodia – Nitong October 2, 2017, inimbitahan ako ng Asian Development Bank na magsalita sa “Regional Conference on Community-Based Disaster Risk Management and Adaptation” sa Siem Reap, Cambodia.
Angkop na angkop ang conference dahil paglabas ko ng airport, tumambad sa akin ang baha na matagal nang sumasalanta sa bansa.
Hindi lingid sa ating kaalaman na ang Pilipinas ay disaster-prone country. Ayon sa World Risk Index, pangatlo tayo sa may pinakamataas na disaster risk sumunod sa maliliit na bansang Vanuatu at Tonga. Pang-siyam naman ang Cambodia.
Sa presentation ni Dr. Arghya Sinha Roy, lead specialist sa disaster risk management ng Asian Development Bank, inilahad niya na kahirapan ang siyang resulta ng mga disasters. Dagdag pa niya, nawawalan ng mga ari-arian at nababawasan ang kapakanan ng mga biktima.
Bukod pa ito sa pagtaas sa dulot nitong mataas na stress sa pang-araw-araw na buhay na karaniwang hindi nasusukat. Nangangailangan ang mga mahihirap nang maayos na solusyon against disaster – ito dapat ay flexible at sinasakop ang maraming pangangailangan sa paglaban nito.
Ang karanasan ng Pilipinas sa microfinance disaster ay isang magandang halimbawa ng hinihinging solusyon ni Dr. Roy. Ang microfinance ay nagbibigay ng madaling intindihin at abot-kayang insurance para sa mga mahihirap.
Ang CARD Mutually Reinforcing Institutions, isa sa pinakamalaking tagapagbigay ng insurance sa mga mahihirap sa Pilipinas. Tinatayang mahigit sa pitong milyong mahihirap ang nabibigyan nito ng life, property at disaster insurance.
Sa Visayas, nang sumalanta ang bagyong Yolanda, tinatayang nasa 22,000 sa kabuuang 88,000 miyembro ng Metro Ormoc Community Multipurpose Cooperative (OCCCI) ang nabigyan ng disaster claim mula sa CLIMBS Life and Feneral Insurance Cooprative. Nakatanggap ng PhP10,000 claim ang mga cooperative members na naging biktima ng Yolanda.
Kakaiba ang ginawa ng OCCCI dahil bago sumalanta ang bagyong Yolanda, ginamit nito ang kaniyang net income upang mabigyan ng insurance coverage ang kaniyang mga miyembro. Ito ay bahagi ng education program nito para matuto at malaman ng mga miyembro ang kahalagahan ng insurance sa panahon ng disaster.
Dahil sa pangyayaring ito, hindi na naghihintay ng libreng insurance coverage ang mga miyembro. Sila na mismo ang may gustong kumuha at magbayad nito dahil kitang-kita nila ang magandang benepisyo. PhP200 lang kada taon ang ibinabayad para sa PhP10,000 disaster insurance coverage.
Lagi kong itinuturo na savings at insurance ang isa sa malaking makakasagot sa mga external risks tulad ng disaster. Natutugunan ito ng mga microfinance institutions kaya’t kinakailangan pa ng ibayong suporta mula gobyerno upang mas mapabuti at mapaigting ang pagbibigay serbisyo nito sa mga mahihirap.