was successfully added to your cart.

Cart

Paano kumita ng capital gains sa Pilipinas

Ang capital gains ay ang kita kapag nagbenta ng capital asset. Ang capital asset ay mga ari-arian na hindi ginagamit sa sa kalakal (trade) o negosyo (business).

May capital gains kapag ang presyo sa pagbebenta (selling price) nito ay mas mataas kaysa sa presyo ng pagbili (purchase price). Ang kita ay ang pagitan ng selling price sa purchase price.

Halimbawa ng capital assets

Maaaring stocks, mutual fund, UITF, bond o real estate ang capital asset.

Ang stock ay katibayan na ikaw ay kamay-ari ng isang kumpanya o korporasyon. Tinatawag din itong share o kaya ay equity. Nagpapakita ito na ikaw ay bahagi sa mga nagmamay-ari ng korporasyon. (Read: Understanding stocks)

Isang klase ng pooled fund o basket of investments ang mutual fund kung saan nag-iinvest ka kasama ng iba pang investors sa fund ng fund manager na siyang humahawak o nagma-manage ng pag-invest sa stocks, bonds o money market. (Read: Understanding mutual fund)

Katulad ng mutual fund, pooled fund din ang Unit Investment Trust Fund (UITF). Ito ay isang klase ng pooled fund kung saan nagi-invest ka kasama ng mga investors sa isang trust fund ng trust professional sa loob ng bangko na siyang humahawak o nagma-manage ng pag-invest sa stocks, bonds o money market. (Read: Understanding UITFs)

Ang bond ay isang uri ng debt instrument na ini-issue ng gobyerno at mga korporasyon para may panustos sila sa kanilang mga proyekto. Ang umuutang (borrower) ay tinatawag na bond issuer na karaniwang ang gobyerno o mga korporasyon. Samantalang ang nagpapautang (lender) ay tinatawag namang bondholder. (Read: Understanding bonds)

Real estate naman ang tawag sa ari-arian tulad ng lupa at ng bahay, gusali at ano mang improvements na ipinatayo dito. (Read: Paano magtayo ng rental property).

Gain unrealized until sold

Habang hindi pa naibebenta ang ari-arian, wala pang maituturing na capital gains. Kaya mali ang pananaw na itinuturing na agad na kita ang mga numerong ipinapakita sa mga marketing materials o kaya naman ay statement of accounts ng iyong capital asset.

Halimbawa, bumili ka ng condominium at ang bili mo dito ay PhP1 million. After one year, nagbigay sa iyo ng brochure ang real estate company na binilhan mo at nakasaad doon na PhP1.2 million na ang bentahan ng parehong condominium na nabili mo.

Nakakatuksong isipin na kumita ka na ng PhP200,000 dito. Pero alalahanin na hangga’t hindi nabebenta, wala pang kita. Dapat ay may pera kang natanggap para masabing may capital gains na.

Sa obserbasyon ko, lalo na sa mga condominiums, ang listed price ng mga real estate companies ay kadalasan applicable lang sa kanila. Kapag resale ang condominium property, karaniwang mas mababa nang di hamak ang presyo na makikita sa mga brochures.

Ganito din sa mga mutual fund, UITF at bonds. Makikita ang pagtaas ng halaga ng mga ito sa secondary market. Unlike real estate, mas reliable ang selling price na makikita sa trading platforms ng mga ito.

Just the same, paper gains pa rin ang mga ito unless ibenta na ang mutual fund, UITF at bonds.

Capital gains tax

Iba’t-iba ang tax rates ng capital gains depends sa kung anong klase ito. Isa sa magandang benepisyo ng mutual fund ay tax exempt ang capital gains na kinikita dito alinsunod sa Republic Act 8424. Ang UITF naman ay hindi tax exempt.

In general, may 6% capital gains sa pagbebenta ng real estate. May 20% final tax naman ang capital gains sa bonds.

Ang mga stocks naman na hindi listed sa stock exchange ay papatawan ng 15% capital gains tax dahil sa bagong TRAIN law. Kapag ito ay listed naman sa stock market, 0.6% lang ang capital gains tax.

Kumonsulta sa accountant o sa tax specialist para malaman ang taxes involved sa binabalak mong pasuking investment. Maaari mo ring itong tanungin sa mga balak mong bilhan mismo ng capital asset.

Cash is king

Sa mga capital assets na nabanggit, pinakapaborito ko ang real estate dahil maaaring kumita ng rental income dito and at the same time ay magkaroon ng capital gains in the long run.

Sa UITFs, stocks at mutual fund naman, may pagkiling ako sa mga regularly nagbibigay ng dividends at a rate of 7% per per annum. Sa ganitong paraan, kahit na bumaba ang value ng mga ito on paper, may aasahan pa rin akong cashflow.

Gusto ko rin ang bonds dahil sa regular ang pagbibigay nito ng interest which adheres to my cashflow qualification. Sa bond investing strategy ko din, I hold this to maturity, kaya typically hindi ko napapakinabangan ang capital gains.

At the end of the day, ang gusto mo pa rin ay yung may cash flow na investment – yung kita mo at ramdam mo ang pagpasok ng pera at hindi lamang drawing. (Read: Pagpilli ng tamang investment)

vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: