Macau – Nag-interview ako ng ating mga kababayan sa Macau nitong pasko ng pagkabuhay. Isa sa mga nakausap ko si Mariconne Arellano Nool. Siya ay 27 years old, tubong Tarlac, isang single mom at nagtatarabaho bilang domestic worker sa Macau.
“Sa abroad… pagdating parang na-ooverwhelm po ako sa mga nakikita.”
“So paghawak ng pera, parang gusto kong bumili ng ganito ng ganyan,” bungad ni Mariconne sa akin.
Maituturing na bagong salta si Mariconne bilang OFW dahil mahigit isang taon pa lang siya sa Macau matapos ang isang taong pagtatrabaho sa HongKong.
Tinanong ko kung may sapat na siyang emergency savings.
“Meron na po. Pero nasa two and a half months na po, sir,” ang sagot niya sa akin.
Six months ng buwanang kita ang kinakailangang emergency fund.
Halos isang taon na rin ang nakalipas nang magbigay ako ng financial literacy training sa Macau kung saan dumalo si Mariconne. Ang training ay bahagi Ateneo Leadership and Social Entrepreneurship (A-LSE) program, isang 12-session short course para sa mga OFWs.
Lubos ang tuwa ni Mariconne nang ibinalita ko sa kaniya na karaniwang binubuno ng graduate sa A-LSE ang emergency savings sa loob ng tatlong taon. Sa naipon na niya ngayon, advanced siya dahil kung ipagpapatuloy niya ang pag-iipon, makakamit niya ang kinakailangang emergency savings sa loob lamang ng dalawang taon at anim na buwan.
Sa pananaliksik ng SEDPI, wala pa sa isa sa bawat 20 Filipino, ang may sapat na emergency savings. Sa tulong ng A-LSE, natuturuan ang mga OFWs mag-ipon at una na dito ang pagkakaroon ng emergency savings.
“Kinausap ko din yung family ko na may specific amount lang ako na puwedeng ipadala sa kanila para maka-ipon po ako,” sagot niya sa akin kung ano ang binago niya sa pagpapadala ng pera sa kaniyang pamilya sa Pilipinas.
“So pagdating ng salary ko po, binubukod ko na po. Ito yung pang-remittance, pang-savings, pang-investment and sa expenses ko po,” dagdag pa niya.
Tinanong ko din kung anu-ano ang mga ginawa ni Mariconne upang mapabilis ang kaniyang pag-iipon.
“Normal lang po na pagdating niyo dito sa abroad na ma-overwhelm kayo sa new enviornment na makikita ninyo. Pero, kapag once na-realize niyo na hindi na tayo bumabata… ma-realize din natin na mag-save, mag-invest para mapalago natin yung pera natin na pinaghirapan dito po sa abroad, kasi hindi po madali ang pag-aabroad.”
“Maaga po akong nag-umpisang isipin mag-save and mag-invest. Nakatulong yung A-LSE na pagkarating ko po dito sa Macau, nag-start na ako agad na mag-aral tungkol sa savings, investment at marami pa pong iba. Malaking tulong din po sa abroad may community po akong kinabibilangan na this group of people na nag-gaguide po sa akin kung ano po yung dapat kong magandang gawin.
Lima ang napulot kong tips kay Mariconne para maka-ipon bilang baguhang OFW.
Una, i-recognize at maging aware sa bagong environment. Kung ang isang tao ay self-aware at aware din siya sa kaniyang environment, malalaman niya kung ano ang mga kailangang i-priority na mga pangangailangan.
Pangalawa, mahalagang kausapin ang pamilya tungkol sa pera. Magbigay ng limit sa ipapadalang remittance at linawin kung ano ang gamit nito. Sa gayon, masisigurong sa plano mapupunta ang pinagpaguran at mapapabilis ang pagbabalik bayan.
Pangatlo, magsimula agad na mag-save at mag-invest at umiwas sa pagbili sa paggastos sa mga di kinakailangan at hindi prayoridad. Kailangang malinaw sa iyo kung ano ang dahilan ng iyong pag-aabroad.
Pang-apat, kinakailangan ding mag-aral. Pag-aralan ang pag-sesave at pag-iinvest. Mas maigi kung dadalo sa mga formal trainings tulad ng sa LSE. Pero maari din namang magbasa ng libro at makihalubilo sa mga taong maalam sa mga ito.
Panglima, maganda kung papaligiran ang sarili ng mga makakasama na makakatulong para ikaw ay mag-save at mag-invest at hindi gumastos. Piliin nang mabuti kung sinu-sino ang mga gagawing kaibigan at umiwas sa mga taong mahilig sa bisyo at yung mga tila walang plano sa buhay.
“Ang plano ko ngayon is magsimula po ng bahay po ng parents ko,” banggit ni Mariconne sa akin nang tanungin ko siya kung anong plano niya sa hinaharap.
Nag-iipon at nag-iinvest din siya para sa pag-aaral ng kaniyang nag-iisang anak.
Madali ang maka-ipon kahit na isang baguhang OFW at kahit na hindi kalakihan ang kinikita basta’t malinaw kung ano ang layunin ng pag-aabroad at paninindigan ito. Iyan ang ipinakita sa atin ni Mariconne.