Nitong nakaraang EDSA people power comemoration day, sinamantala naming magkakaibigang bisitahin ang isa naming kaibigan sa Pampanga. Matagal-tagal din kaming hindi nagkikita at ang huling tanda ko 1 ang bunso nila noon pero ngayon ay 13 taong gulang na.
Korek, naramdaman ko pagkatito nung mag-bless ang mga anak nila sa amin. Apat ang kanilang anak na may edad 15, 13, 11 at 8. Parehong lalaki ang panganay at bunso, napagitnaan sila ng mga dalaginding.
Matapos ang fun-filled kuwentuhan, inilibot nila kami sa kanilang bahay. Magkarabi ang kuwarto ng nga bata at napansin kong may nakapaskil sa pagitan ng magkabilang pintuan.
Bilang usisero, binasa ko at natuwa dahil mga house rules ang nakalagay. Ang nakakabilib, ginawa itong kontrata, may pirma ang mga bata sa papel bilang tanda ng pagsang-ayon at pagsunod nila sa mga ito.
Marami tayong matutunan sa pamilya nila. Ito ang nilalaman ng kanilang kasunduan.
Rights of children
Ayos sa aking mga kaibigan ang mga rights of children ay mga bagay na ibibigay sa mga anak ng mga magulang. Entitled sila nito katulad ng pagkain, damit at bahay.
Privileges of children
Nilinaw sa kasulatan na ang privileges ay hindi entitlements. Maarin makuha ang mga privileges dahil sa mabubuting gawain. Nakasaad na ang mga magulang lamang ang may desisyon kung ibibigay ang mga privileges o hindi.
Kasama sa mga privileges para sa mga bata ang entertainment; magkaroon ng kasama sa bahay para maglaba ng damit, maghugas ng pinggan; paggamit ng aircon; at iba pa.
Nakapaloob sa entertainment ang paggamit ng computer at iba pang gadgets tulad ng ipad; panonood ng tv; pagbilo ng bagong laruan at libro; pagpunta sa mall, sa bahay ng kaibigan; at bakasyon sa ibang bansa.
Responsibilidad ng mga bata
Ang mga responsibilidad ay mga bagay na dapat gawin ng mga bata kahit hindi nasasabihan. Ito ang mga sumusunod:
- Pagrespeto sa mga magulang
- Pakikipagtulungan sa mga kapatid
- Disiplina sa pag-aaral at sundin ang schedule nito
- Maging malusog sa pamamagitan ng pagkain nang tama at pagtulog sa tamang oras
- Maging laging tapat
- Pag-aralan, isapuso at isagawa ang relihiyon
- Masinop sa kuwarto
- Good manners
- Pangalagaan ang mga bagay na ibinigay – para hindi masira
- Ibalik ang mga kagamitan sa kanilang tamang kinalalagyan
- Maglinis
- Huwag pakialaman ang gamit ng iba. Humingi ng permiso bago ito gamitin
Agreement
Sa huli nakalagay na naiintindihan ng mga bata ang kanilang karapatan, pribilehiyo at responsibilidad bilang mga bata. Pumapayag din silang maaring hindi ma-enjoy ang kanilang privileges kapag hindi nila ginawa ang kanilang responsibilidad.
Sa pinakaibaba, nakalagay ang mga pangalan ng mga bata na may kani-kaniyang signature.
Good parenting
Hindi ko napigilang usisain ang mga bata at tanungin sila tungkol dito. Sabi ng bunso ay may mga bagay na nahihirapan siyang gawin sa responsibilidad pero sinusubukan niya ang mga ito.
Kayo, ano sa palagay niyo sa sistemang ito?
USEFUL RESOURCES
Sources of information and practical tips on money management