Cebu City – Naanyahan akong magbahagi ng aking karanasan tungkol sa social entrepeneurship Sa Philippine Financial Summit sa Cebu noong March 3, 2018. Nasa 200 kabataan ang dumalo sa aking session na galing sa iba’t-ibang unibersidad sa Visayas.
Ang social entrepreneurship ay ang estratehiyang ginagamit na lumutas ng mga problema sa lipunan gamit ang enterpreneurial and management principles. Sa madaling sabi, nagtatayo ng business para lumutas ng problema sa lipunan, hindi lamang para kumita.
Ibinahagi ko ang isa sa mga ginagawa namin sa SEDPI, ang pagbibigay ng financial literacy at financial services sa maralitang sektor sa kanayunan. Dito ipinaliwanag ko na bukod sa pagbibigay ng savings, loans at insurance products sa aming mga kliyente, binibigyan din namin sila ng tulong edukasyon para matutong humawak ng pera.
Ang napansin ko lang sa programa, naka-focus ito sa mga traditional investment na pawang komplikado na. Mayroong session tungkol sa stock market at tungkol sa insurance na may kasamang investment.
Mas maganda sana ang labas ng programa kung binigyang diin ang kahalagahan ng basic welfare services ng gobyerno na nakakatulong sa personal finance tulad ng sa PhilHealth, SSS at Pag-IBIG. Kadalasan kasi, binabalewala ang mga ito at minamata, pero sa totoo lang, maganda ang mga benepisyo.
Sumasangayon ako na kulang ang naibibigay ng mga government welfare services na ito. Pero kailangan itong ipaintindi sa karamihan na ang pakikilahok sa mga ito ay isang gawaing makabayan at responsibilidad natin.
Dapat ding bigyan ng pagkakataon ang mga investments na maliwanag ang development agenda tulad ng sa mga kooperatiba at mga social enterprises. Malimit hindi nabibigyan ng pagkakataon ang mga ito na magbigay impormasyon dahil hindi sila sing-laki ng mga naglalakihang korporasyon na sumuporta sa event.
It was breath of fresh air, para sa akin, na ako ay naimibitahan para magbigay ng alternatibo pananaw sa traditional investments. Binigyang diin ko na maaring pagsabayin ang pagyaman at pagtulong sa kapwa, bagay na mahirap kakitaan ngayon sa mga malalaking korporasyon na ang pinakalayunin ay magpataba ng bulsa.
Maraming salamat sa UP JFA sa pag-imbita sa akin. Nawa ay magbukas ito ng mas makabuluhan pang pagsasama.