was successfully added to your cart.

Cart

Maganda bang mag-invest sa memorial lot?

Ang memorial lot ay ang lupang ginagamit para sa libingan. Maari din itong patayuan ng istruktura katulad ng mauseleo, calumbarium at iba pa.

Nasa sementeryo o mga memorial parks, kung tawagin, ang memorial lot. Isa rin itong klase ng real estate at nasasakop ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).

Walang land title

Bagama’t bumibili ng lupa sa memorial lot, walang land title na ibibigay sa iyo. Ang ibibigay sa iyo ay lot title. Kapag sa public cemetery kumuha ng memorial lot ang local government ang nagtatago nito, ang mga developers naman ang nagtatago nito kapag sa private memorial parks bumili.

Presyo ng memorial lot

Sa huling kita ko sa mga iba’t-ibang kumpaniyang nagbebenta ng memorial lots, ang pinakamurang presyo ng memorial lot ay PhP25,000 para sa isang tao. Ang pinakamahal naman ay tumataginting na PhP14 million.

Iba pang gastos sa pagbili ng memorial lot

Maliban sa pagbili mo sa lote, maging aware din sa maaring iba pang charges tulad ng buwis at mga fees katulad ng facilitation, administration at transfer fees. Maari ding kumuha ng kontribusyon para sa pagpapanatili ng memorial park ang developer.

Kapag kukunin ang memorial lot ng hulugan, karaniwang may interest din na babayaran. Ang mga ito ay depende sa kumaniya ng bibilhan ng memorial park kaya dapat siyasatin.

Mahal ang memorial lot kapag “at need”

Karaniwang ang dahilan ng pagbili sa memorial lot ay para paghandaan ang pagkamatay ng bumibili o kaya naman ng kaniyang mga minamahal sa buhay. Ang kalakaran kasi, mahal ang pagbili sa memorial lot kapag ito ay itinuturing na “at need.”

Ang “at need” ay isang terminong tumutukoy sa namatayan pero wala silang memorial lot. Unplanned din ang isa pang gamit na termino dito. Di hamak na mas mahal ang benta sa kanila ng memorial lot.

Para maiwasan ang ganitong kalaking gastusin, marami ang bumibili na ng memorial lots.

Term insurance versus memorial lot

Kung meron ka nang term insurance, para sa akin, hindi mo na kailangang bumili ng memorial lot dahil ang proceeds na makukuha sa term insurance ay sapat na pambayad sa burol at pagpapalibing sa iyo. (Basahin: Magkano ba dapat ang life insurance?)

Pero, sa Pilipinas, karamihan ng mga term insurance products ay hanggang 65 years old lang. Sa ganitong sitwasyon, bumili ng memorial lot kapag mahigit 65 years old na.

Kung may extra kang pera at sagana cash, maari pa rin namang bumili ng memorial lot kahit na may term insurance na bilang paghahanda sa pagtanda at mas mura pa ang bentahan ng memorial lots ngayon. (Basahin: Ang pinakamurang term insurance)

Hindi insurance ang memorial plan

Ang pagbili ng memorial lot ay karaniwang nakapaloob sa isang memorial plan. Madalas namang mapagkamalang insurance ang memorial plan. Technically, hindi ito insurance, kundi isang pre-need plan. (Basahin: Insurance versus pre-need plan).

Mag-ingat sa pagbili ng mga memorial plan. May mga nakikita kasi ako na mas mahal ang ibinabayad na installment kaysa sa “at need” prices.

Para masigurong sulit ang ibinabayad sa memorial plan, siguraduhing yung makakamura ka. Ang hanapin ay yung makapagbibigay ng mas murang halaga kaysa sa kung magkano ang babayaran mo ngayon sakaling gamitin ang plan.

Ano ang kasama sa memorial plan

Ang memorial plan ay karaniwang may tatlong klase ng serbisyo na nakapaloob dito – ang memorial lot; ang mortuary services o lamay; at ang interment services o ang libing.

Kapag kukuha ng memorial plan, siguraduhing mas mura ang total na babayaran mo sa published rates ng ‘at need’ o ‘unplanned’ ng memorial park.

Memorial plan bilang investment

Maaring pumasok sa memorial lot o memorial plan investing dahil ito ay transferable. Bibili ka ng maraming lots o plans at saka ito ibebenta sa mga “at need” clients na mas mataas sa bili mo preo mas mababa sa bigay ng memorial park.

Puwede ring bumili ng memorial lot o memorial plans ngayon at maghintay na tumaas ang halaga nito sa loob ng lima o sampung taon, saka ito ibebenta. Pero gaya ng iba pang investment, kailangang pag-aralan at paghandaan ito upang mapababa ang panganib sa pagkalugi.

Siguraduhin ding bumili lamang sa mga kumpaniyang matatag at may maayos na track record; at humanap ng mapagkakatiwalaang broker. Laging tatandaan ang payo ko tungkol sa investments – siyasatin at i-analyze base sa security, liquidity at returns.

Kung susundin ang mga ito, maaring kumita sa mga memorial lots at memorial plans. (Basahin: Paano malalaman kung ano ang tamang investment product na nababagay sa plano o pangarap sa buhay)

vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: