was successfully added to your cart.

Cart

Iba’t-ibang klase ng pundar para yumaman

By August 4, 2018 Investments

Minsan nagsabi ang ate ko sa Australia sa akin na wala pa siyang naipupundar at gusto niyang may nakikitang napupuntahan ang kaniyang kinikita. Sasakyan ang unang big item na naipundar niya.

Natuwa siya dahil kitang-kita niyang ang nakakalatas kada buwan sa kaniyang sahod ay naipupundar niya sa sasakyan.

Ang pundar ay katagang ginagamit natin na ang ibig sabihin ay mag-save o mag-invest. Ito rin ay  salitang hiram sa Kastila, fundar, na nangangahulugang magtayo (establish) o magsimula (set-up) ng isang bagay.

Anu-ano ba ang mga makabuluhang ipupundar natin?

Passive income

Para sa akin, maganda kung ang mga naipupundar natin ay mga investments na kumikita ng passive income. Ito ang uunahin at ipa-prioritize ko na ipundar.

Dividend, interest, capital gains, rent, royalty at pension ang mga iba’t-bang klase ng passive income. Ito ay mga kita kahit hindi nag-tatrabaho.

Ang mga halimbawa nito ay negosong parentahan, negosyong pautangan, time deposits, mutual funds, UITFs, stock investing, stock trading at iba pa.

Negosyo

Maganda ring magpundar ng negosyo. Maaring magsimula sa maliit na negosyo tapos unti-unti itong palakihin.

Puwedeng franchise business ang itayo kung kulang ang kaalaman at karanasan sa pagnenegosyo. Isang paraan din ay ang maging kasosyo sa negosyo ng iba tulad ng kamag-anak o mga kaibigan.

Kapag magtatayo ng negosyo, piliting pag-ipunan ang panimula nito kaysa mangutang. Mataas kasi ang risk of business closures sa mga first time na negosyante. Baka mabaon lang sa utang kung hindi mag-click ang business.

Nakasalalay sa negosyante, produkto at serbisyo nito at ng market o mamimili ang tagumpay ng isang negosyo. Kaya dapat ay pag-aralang mabuti kung paano magsimula nito.

Mga bagay na nag-appreciate

Ang isa din sa pamantayan na ginagamit ko sa pagpupundar ay kung ang bagay ay mag-aapreciate versus mag-depreciate. Ibig sabihin, malakas ang probabilidad na tumaas ang presyo nito sakaling ibenta ko in the future.

Lupa ang pinaka-common na naipupundar at nag-appreciate.

So, sa kaso ng ate ko, maganda bang sasakyan ang una niyang naipundar e malakas ang depreciation ng isang sasakyan? Kapag inilabas mo na sa casa ang sasakyan, automatic, nababawasan ng 30% ang halaga nito.

Gamit sa trabaho ang pangunahing dahilan ng kapatid ko kung bakit sasakyan ang napili niyang unang ipundar. Kung gamit sa trabaho o kaya naman ay sa negosyo ang nai-pundar, kahit na nag-depreciate, ito ay katanggap-tanggap.

Siguraduhin lang na hindi lagpas sa budget ang pagbili.

Maipamamana

May mga bagay din na magandang ipundar dahil ito ay naipamamana. Pero malaking pag-iingat dapat ang gawin dito dahil madaming bagay na puwedeng maipamana ang akala natin ay magandang maipundar, pero hindi pala.

Minsang bumisita ako sa isang bahay ng isang OFW sa Pilipinas, nabanggit niyang masaya siya dahil may mga naipundar na siya na maaring maipamana sa kaniyang mga anak. Sabay turo sa aparador, sala, appliances at mga alahas na suot niya.

Kung tutuusin, alahas lang ang maituturing na tataas ang halaga sa mga nabanggit niya. Sa panahon ngayon, hindi lahat ng mga taong nakakatanggap ng mana ay gusto ang naipapamana sa kanila. Kaya magandang maging praktikal na lang at pag-usapan ito bilang pamilya.

Magpundar nang tama

Umiwas tayo sa pundar na nag-depreciate o bumababa ang halaga o pang-konsumo lang nang sa gayon ay masulit natin ang ating perang pinaghirapan. Maganda ring iwasan ang pagiging sentimental o kaya naman ay emotional kapag tayo ay gagawa ng desisyon sa pagpupundar.

Kapag nagpupundar, siguraduhing sumunod sa mga nabanggit kong pamantayan – maari itong kumita ng passive income; negosyo; tumataas o nag-appreciate ang value; at maaring maipamana.

vincerapisura.com


One Comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: