Maraming mga millennials ang madalas nagtatanong sa akin kung ok daw bang bayaran ang kanilang credit card gamit ang salary loan. Madali kasi ngayon ang makakuha ng credit card kumpara dati at marami ang hindi alam kung paano ang tamang gamit nito.
Putulin ang credit card
Kung nasa sitwasyon ka na balak mong maglipat ng utang dahil hirap magbayad, mababa pa ang iyong credit discipline.
Ang pinakamabilis na solusyon, putulin ang credit card para mawala ang temptasyon.
Hindi kaaya-aya ang umutang para pambayad sa isa pang utang
Kahit ano pa ang dahilan o sabihin, ang pagkuha ng loan para pambayad sa isa ong loan ay hindi magandang sensyales ng mabuting paghawak sa pera. Inililipat lamang ang utang galing sa isa papunta sa iba.
Hindi pa rin malulutas ang problema dahil nandiyan pa rin ang utang.
Ang mahalaga ay alamin kung bakit ka umutang. Saan ginamit ang utang na ngayon ay hindi na mabayaran?
Gamitin ang loans sa mga bagay na kumikita
Karamihan ng mga may utang sa credit card ay ginamit nila ito sa mga bagay na hindi kumikita – bakasyon, gadget, damit, gimmick. Dapat nababayaran pa rin nang buo ang statement balance kada buwan kung ginamit ang credit card sa ganitong paraan.
Kung hindi mo kayang bayaran, walang karapatang gamitin ito. Mapapahamak ka sa mataas na interest at matagalang pagbabayad kung nagawa mo ito.
Itigil ang pagiging gastador
Ang akala ng marami, kung maililipat nila sa salary loan ang kanilang credit card balance ay malulutas na ang kanilang problema.
Mali.
Gaya nang sinabi ko, nandiyan pa rin ang problema, nailipat lang. Kaya ano ang dapat gawin?
Alamin ang dahilan kung bakit ka nagkautang sa credit card. Itigil at pigilan ang sariling gawin ulit ito dahil ito ang dahilan kung bakit ka nagkautang.