was successfully added to your cart.

Cart

Mga tips sa paggawa ng savings plan

By November 28, 2017 Financial Literacy

Upang mapatatag ang decision mong mag-save, dapat kaya mong matukoy ang pinagkaiba ng pangangailangan (need) at kagustuhan (want). Ang mga pangangailangan ay mga bagay na kailangan ng tao upang mabuhay at mamuhay sa lipunan.

I think you will agree with me na ang ang pagkain, tirahan, pananamit, kalusugan, at edukasyon ay mga pangangailangan. Ang mga kagustuhan o wants naman ay mga bagay ginagawang komportable at maginhawa ang buhay.

Wala namang masama sa pagkakaroon ng mga kagustuhan o wants. Nagiging masama lamang kapag dinadaig ng kagustuhan ang pangangailangan at namimiligro na ang pinansyal na seguridad.

Kung mamamatay ka dahil wala ka nito, malamang ay pangangailangan ito. Kung maipagpapaliban mo ang pagkakaroon nito, malamang ay kagustuhan ito.

Sa mga training, tinatanong ko ang mga participants kung ang bakasyon ba ay pangangailangan o kagustuhan. Sumisiklab ang masiglang pagdedebate at halos lagi ay sasang-ayon sila’t igigiit pa na ang bakasyon ay isang kagustuhan.

Inaanyayahan ko silang ilarawan ang sarili nilang nagtatrabaho nang dire-diretso sa loob ng sampung taon, walang tigil-tigil at walang bakasyon. Buhay pa kaya sila matapos ang sampung taon?

Magtatawanan sila’t matatauhang pangangailangan ang pagbabakasyon. Ang totoo niyan, ang mga ibinebentang produkto at serbisyo sa ngayon ay parehong may component ng kagustuhan at pangangailangan.

Kapag naririnig mo ang salitang bakasyon, inilalarawan mo ang sariling mong nasa duyan sa ilalim ng puno ng niyog, nagbabasa sa tabi ng dagat o tinatamasa ang anumang maluhong gawain tulad ng mga iyon.

Bihira nating maisip na ang bakasyon ay puwede rin namang balikang biyahe lang sa labas ng Maynila para lang makahinga sa trabaho, o manatili lang sa bahay para makapag-relax. Nakalilito tuloy tukuyin ang mga pinagkaiba ng pangangailangan at kagustuhan.

Lagyan ng halaga ang needs at wants

Ang technique ko dyan, naglalagay ako ng value o halaga para sa pangangailangan (need); anumang sosobra dito ay kagustuhan o want na. Mahalaga ito dahil kailangan mong tandaang dapat sustentuhan ng iyong active income ang iyong mga pangangailangan, at ang passive income naman, ang iyong mga kagustuhan. Malaki dapat ang epekto nito sa paggagawa ng iyong savings plan.

Iba pang paraan upang matukoy ang pinagkaiba ng pangangailangan at kagustuhan ay pagsusuri sa mga katangian o features ng produkto o serbisyo.

Kung mga pangunahing katangian lamang ang meron ito, malamang ay pangangailangan ito. Kung meron naman itong mga karagdagang katangian tulad ng upgrades, malamang ay kagustuhan ito.

Kung hindi pupuwedeng wala ka nito, pangangailangan ito. Kung luho ang inaalok nito, kagustuhan lamang ito. Maituturing ding pangangailangan ang mga bagay na makatutulong sa pagpapabuti ng iyong trabaho.

Gabay sa paggawa ng savings plan

Sa paglikha ng iyong savings plan, kailangan mong irepaso ang iyong mga financial goals. Narito ang hakbang na kailangan mong gawin para makabuo ng financial plan.

  • Magnilay at kilalanin ang sarili – ang iyong mga pangangailangan, kagustuhan, at pangarap
  • Tukuyin ang iyong mga financial goals
  • Presyuhan o i-monetize ang iyong mga financial goals
  • Tiyakin ang panahon kung kailan mo nais makamit ang bawat financial goal
  • Laging unahin ang iyong mga financial goals
  • Gumawa ng personal balance sheet para malaman mo kung saan ka puwedeng magsimula o para maitakda ang baseline ng iyong financial status
  • Siyasatin kung paano mo maaaring taasan ang nalilikom na asset at bawasan ang pagkakautang
  • Maghanap ng mga paraan kung paano maaaring taasan ang kita (active at passive income) at bawasan ang gastusin
  • Maglaan ng kita para sa bawat financial goal sa pamamagitan ng pag-iinvest
  • Isakatuparan ang iyong financial plan – baguhin ang pag-uugali, maghanap ng mga investment opportunity
  • Bantayan at pag-aralan ang iyong pag-unlad.

Nakatutulong ang paglikha ng savings plan sa pagsasakatuparan ng iyong financial plan. Kapag umabot ka na sa punto kung saan natatantya mo na kung magkano ang puwede mong ipunin sa pamamagitan ng pagsusuri sa pasok ng kita at paglabas ng mga gastusin, gumagawa ka na ng savings plan.

Sa katunayan, tuwing naghahanap ka ng paraan para mapalaki ang iyong kinikita at mabawasan ang ginagasta, istratehiya na iyon sa paglilikha ng savings plan. Kapag naglalaan ka ng kita o ipon para makamit mo ang iyong mga financial goals, bahagi iyon ng iyong savings plan.

Itakda ang iyong mga financial goals batay sa iyong financial plan. Ibukod ang mga short-term na savings goal (iyong mga makukuha sa loob ng isang taon) at mga long term savings goal (lagpas isang taon ang kailangan). Gamitin ang worksheet bilang gabay sa pag-aayos ng iyong savings plan.

Table 12. Sample Savings Goal Prioritization

Pinadadali ng worksheet na ito ang pagsusuri sa iyong savings plan. Inililista rito ang mga short-term at long-term savings goal mo, pati na ang halaga at dalas ng iyong pag-iipon. Tinutulungan ka rin nitong pagdesisyunan kung aling mga savings goal ang dapat mong unahin.

Kahalagahan ng savings plan

Nakatutulong ang paglikha ng savings plan sa pagtatanto kung ano ang dapat mong gawin. Mas magkakaroon ka rin ng disiplina sa pag-iipon, para magtagumpay sa pagkakamit ng iyong mga financial goals.

Iminumungkahi kong gumawa ka ng savings plan kasama ang iyong pamilya. Puwede ka ring magpaskil ng kopya ng worksheet sa ref ninyo para laging makikita ng lahat at mapaalalahanan.

Sa budgeting rule, tandaang sa ipon manggagaling ang iyong investment portfolio. Kung gayon, mahalaga talagang makabuo ka ng savings plan at sundin ito.

Sa pamamagitan ng pag-iinvest, makalilikha ka ng passive income at makapagtataguyod ng kinabukasan na financially rewarding. Suriin ang pagpasok ng pera at samantalahin ang bawat pagkakataon para makapag-ipon.

Saliksikin ang mga investment instrument kung saan puwedeng lumago ang ipon mo nang hindi nasasakripisyo ang seguridad nito. Isakatuparan ang iyong savings plan at bantayan ang iyong pag-unlad.

Paminsan-minsan din, pagbigyan ang sarili; ipagdiwang ang mga munting tagumpay.

vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: