“Ngayon ay napakalaking tagumpay para sa mga kababaihan at kanilang pamilya. Ang paglalagda sa Expanded Maternity Leave Act ay hindi lamang maalala ng mga ina, pamilya at mga anak, kundi tagumpay din ito ng susunod na henerasyon ng mga Filipinong tatamasa ng benepisyo nito habambuhay,” iyan ang sinabi ni Senator Risa Hontiveros nang lagdaan ng pangulo ang batas noong February 21, 2019.
Si Senator Risa ang kasalukuyang chairperson ng Senate committee on women at siya ring nagsulong ng batas.
Dagdag na maternity leaves
Bago ang batas, kulelat ang Pilipinas sa Timog Silangang Asya na nagbibigay lang ng 60 araw ng paid maternity leave. Sa bagong batas 105 araw na ang paid maternity leave.
Kasama natin ang bansang Brunei at Laos na nagbibigay ng parehong benepisyo. Samantala, nangunguna ang Vietnam at Singapore na may 180 at 112 paid maternity leaves.
Maari itong dagdagan pa ng 30 days na leave, pero ito ay leave without pay na. May dagdag na 15 days paid maternity leave para sa mga single moms.
Sino ang magbabayad?
Ipapatupad ang batas 15 days mula sa araw ng pagkalathala nito sa mga publikasyon. SSS ang pangunahing magbabayad ng paid maternity leave pero kailangang punan ng employer ang kakulangan nito sakaling mas malaki ang daily rate mula employer kumpara sa daily rate na kayang ibigay ng SSS.
Benepisyo sa informal sector
Ito ang paborito kong probisyon ng batas, dahil makikinabang ang mga mahihirap galing sa informal sectors at nagbabayad voluntarily sa SSS. Ang voluntary member ay kailangang nakapagbayad ng 3 buwan o higit, sa 12 buwan bago ang semester ng kaniyang panganganak.
Penalty
May penalty sa mga employers sa paglabag ng batas na ito. Lilinaw kung magkano ang penalty kapag lumabas na ang implementing rules and regulations ng batas.
Puwede ring i-transfer sa mga tatay ang 7 araw paid leave mula sa 105 araw paid leave benefit. Pinalawak nito ang paid paternity benefit mula 7 araw sa 14 araw paid leaves.