Marami ang nahuhumaling at natutukso sa mga 0% interest installment promotions ng mga credit card. Napapabilis kasi nito ang pagkakaroon ng mga ninanais na bilhing bagay at napapagaan ang pagbabayad. (Basahin: Paano gamitin ang credit nang tama para sulit)
Ngunit dapat mo bang sunggaban ang bawat 0% interest installment promotion?
Narito ang aking guidelines. (Basahin: Dapat bang kumuha ng 0% installment sa credit card?)
No hidden charges
Basahin ang fineprint ng promotion. Siguraduhing walang hidden charges ang pagtanggap ng promotion. Ang hidden charge ay maaring nakalagay bilang processing fee o kaya ay service fee.
Walang discount kung bibilhin ng cash
Karaniwang may discount na ibinibigay ang mga nagbebenta kung cash ito bibilhin at hindi gagamitin ang credit card. Kaya ugaliing magtanong sa salesperson kung may discount na ibibigay kung cash ang gagamitin imbes na credit card.
Noong bumili kami ng mga aircon sa aming bahay, ang ibinigay sa aming discount dahil nagbayad kami ng cash ay umabot ng 14%. Di hamak na mas maganda itong desisyon kaysa kumuha kami ng 0% installment promotion at regular price.
Magandang gamitin ang 0% interest installment promotion sa pagbili ng mga big ticket items kung walang discount na ibibigay kung cash ang ibabayad. Basta’t sisiguraduhing ang perang pamabayad dito ay hindi gagastusin sa ibang bagay at sigurado ring babayaran ito sa takdang panahon. (Basahin: Ok bang kumuha ng salary loan para pambayad sa credit card?)
May paggagamitan ng pera at ito ay kikita
Maaring kumuha ng 0% interest installment promotion sa credit card kung walang hidden charges, walang discount kapag bumili ng cash at may maaaring gamitin ang pera pagkakitaan sa loob ng panahon na ito ay babayaran ng installment.
Halimbawa, maari mong gamitin ang pera ng bagay na maari mong ibenta at mapaikot ito bago ang due date ng installment para kumita nang kaunti. Maari din itong ipahiram sa kaibigan at kakilala na may interest. (Basahin: May “K” ka na ba magpautang?)
Gagawin mo ang mga ito na may sapat na kaalaman at kakayahan sa pinapasok mo. Iwasang ilagay sa panganib ang perang ibabayad sa installment.
Pag nagkataon, wala ka nang pambayad sa utang, nalugi ka pa. Kaya mag-ingat nang mabuti.
Gamit sa negosyo ang binibili
Alinsunod sa walang hidden charges at walang discount kapag cash ang ginamit, maaring gamitin ang 0% interest installment promotion kung ang binibili ay gagamitin sa negosyo. Kailangan lang siguraduhing ang bagay ay makakatulong sa negosyo at kumukita ang negosyo nang sapat upang bayaran ang installment. (Panoorin: Ok ba magka-credit card?)
Gamiting pambayad sa ibang loan na may mataas na interest
Ito ay applicable lamang sa mga (1) may kinakailangan talagang bilhin o bayaran at (2) mayroon kasalukuyang binabayarang utang na malaki ang interest. Siyempre dapat wala pa ring hidden charges at walang discount sa cash purchases.
Halimbawa, maaaring gamitin ang 0% installment promotion pambayad sa tuition ng nag-aaral ng anak. Kasabay nito, may utang ka sa SSS o Pag-IBIG. Ang puwede mong gawin ay gamitin ang credit card pambayad sa tuition gamitin ang 0% installment promotion.
Pagkatapos, ang cash na dapat gagamitin pamabayad sa tuition ay gamitin upang bayaran in advance ang iyong SSS o Pag-IBIG loan. Sa ganitong paraan, mawawala na ang interest-bearing loan mo sa SSS o Pag-IBIG.
Maiiwan na lang sa iyo ang 0% interest installment loan mo sa credit card. Wasi di ba?
Iwasang gamitin for consumption
Madalas na maling gamit sa mga 0% promotion ay ang pag-overspend. Madali kasing matukso sa pang-aakit nitong mapasaiyo ang pinapangarap mong cellphone, damit o sapatos; o kaya naman ay makakayanan mo nang bilhin ang dating hindi mo afford na gadget o appliances.
Kaya babalik pa din ako sa aking basic rule in credit card use. Dapat kaya mong bayaran ang kabuuang statement balance kada buwan at walang matitirang balanse na tutubuan ng credit card ng interest.