was successfully added to your cart.

Cart

Emergency Savings o Emergency Fund

By November 30, 2017 Financial Literacy

Ang unang uri ng savings na dapat mong maitaguyod ay ang emergency savings. Paulit-ulit kong idiniriin ang emergency savings, pero ano ba talaga ito?

Batay sa pananaliksik ng SEDPI noong 2008, nalaman naming itinuturing ng mga Pilipino na emergency ang mga pangyayaring biglaan o hindi inaasahan, na may mga pinansiyal na implikasyon at mapanganib na elementong nagbibigay sa kanila ng pakiramdam ng pagkabalisa.

Kung gayon, ang emergency savings ay isang financial instrument upang matugunan ang mga pinansiyal na implikasyon sakaling may mangyaring emergency na tulad ng nailarawan sa itaas. Ilan sa mga karaniwang emergency na hinaharap ng mga tao sa kanilang tahanan at komunidad, sa pagkakasunod-sunod na lebel ng kahalagahan, ay sakit, bagyo, aksidente, sunog, baha, pagnanakaw, at kamatayan.

Kasama sa iba pang emergency na binanggit ang lindol, ang pag-atake ng mga peste sa tanim at livestock, tsunami o mga higanteng daluyong, mga bagyo sa dagat, pagguho ng lupa, at tagtuyot. Lahat ng mga emergency na ito ay insurable risk.

Ang iba pang mga emergency na hindi nabibilang sa mga insurable risk ay ang pagkalugi o pagkabigo ng negosyo, kawalan ng trabaho, malubhang pagkakautang at mga away sa kalye.

Emeregcy savings = 9 na buwan na gastos

Ang ideyal na halaga para sa emergency savings ay katumbas ng siyam na beses ng mga gastusin mo kada buwan o anim na beses ng iyong kita kada buwan. Mabuti nang itakda sa halagang iyon ang emergency savings para mayroon ka ring sapat na panahon upang makabawi mula sa pinagdaanang emergency.

Halimbawa, kung mawalan ka ng trabaho, at least meron kang siyam na buwan na palugit para makahanap ng mapapasukan. Hindi mo na kailangang problemahin kung saan ka kukuha ng pera para sa pagkain, tubig, kuryente, internet, upa o mortgage.

Gayunman, dahil karamihan ay hindi naman inililista ang kanilang buwanang gastusin, puwede ring mag-ipon ng katumbas ng anim na buwang kita.

Bakit ang laki ng kailangang ipunin?

Ito ay para makapaghanda ka para sa matitinding emergency tulad ng aksidente, kamatayan, o sakit. Apat hanggang anim na buwang kita ang kakainin ng pagpapa-ospital, kung wala kang insurance. Ganoon din para sa pagpapalibing.

Talaban ng insurance at emergency savings

Paano ba natin pangangasiwaan ang emergency savings?

Bawat pamilya ay dapat magkaroon ng emergency fund o emergency savings. Kapansin-pansin naman sa itaas na karamihan sa mga emergency ay insurable risks.

Ibig sabihin ay puwede kang kumuha ng insurance product bilang depensa laban sa mga mapanganib na pangyayaring ito. Dapat may seguridad ka laban sa risk exposure.

Kapag makakuha ka ng insurance para sa mga risk na ito, maililipat mo ang risk at hindi mo na kailangang panagutan ang 100% ng mga gastusin. Ang pangkalahatan kong istratehiya kapag nahaharap sa emergency ay gamitin muna ang aking emergency savings habang hindi ko pa napoproseso ang aking claim mula sa insurance company.

Kapag natanggap ko na ang claim ko mula sa insurance company, agad akong naglalagay muli sa aking emergency savings.

Emergency savings ang unang financial goal

Kung kumikita ka ng Php20,000 kada buwan, ang emergency savings goal mo ay Php120,000. Marami sa inyong katatakutan ang halagang ito at susuko na nang hindi man lang sinusubok mag-ipon.

Huwag idahilan ang pagkatakot para hindi na magsumikap. Sa karanasan ko, inaabot lamang ng 18 hanggang 24 na buwan ang pag-iipon para sa emergency.

Para sa maraming tao, matagal ito. Sa isip ko, sandali lang ito. Kung ang edad mo ay nasa 40 hanggang 50 anyos, mauunawaan mong hindi talaga matagal ang 18-24 na buwan. Sa katunayan, karamihan sa inyong nasa edad na iyon pero walang emergency savings ay manghihinayang sa mga pinalampas na pagkakataong makapag-ipon nang mas maaga.

Sundin ang 5-15-20-60 budgeting rule

Basta’t sundin lamang ang 5-15-20-60 budgeting rule (mababasa ito sa mga susunod na kabanata) at itabi ang iyong 13th month pay sa loob ng dalawang taon; maaabot mo rin ang emergency savings goal mo sa loob lamang ng mga 26 na buwan. Puwede mo pa itong mapabilis sa pamamagitan ng pagkakaroon ng part-time job o pagbebenta ng maliliit na bagay para kumita.

Kalahati ng kikitain mo, itabi mo, tapos iyong isa pang kalahati, ipanggasta mo. Mainam itong istratehiyang makatutulong sa iyong pag-iipon. Mabuti rin itong istratehiya sa pagbabalanse ng pagbibigay pabuya sa sarili at pagpapaliban ng lugod ng paggasta para makapag-ipon.

 

Sa aking kumpanya, isinakatuparan namin ang automatic savings kaya naman ipinagmamalaki ko talagang karamihan sa mga umalis sa kumpanya ko ay mayroong sapat na emergency savings. Dapat mo ring isaisip na habang lumalaki ang kinikita mo, dapat ay lumalaki rin ang emergency savings mo.

Puna ito ni Enid, isa sa mga katrabaho kong may taglay na kasigasigan sa kanyang personal na pananalapi. Minsan, naiinis siya kapag tumataas ang suweldo niya kasi nangangahulugan itong kailangan ding niyang taasan ang kanyang emergency savings.

Sabi niya, bago pa man niya maisip na gastahin ang naidagdag sa kanyang sahod, naglalaan muna siya ng budget para masigurong ang emergency fund niya ay katumbas pa rin ng anim na beses ng bago niyang buwanang sahod. Inaabot daw siya ng tatlong buwan para makamit ito.

Sabi ko naman, hindi siya dapat mainis. Dapat nga’y magpasalamat siya’t tatlong buwan lang ang kailangan niya para maabot ang emergency fund goal niya.

Pinaalala ko sa kanya na ang mga hindi nag-iipon habang maaga pa at ngayo’y may mas malaki na ang sahod o kita ay mas nahihirapang mag-ipon para sa emergency fund nila dahil katakot-takot na ang kailangan nilang hahabuling halaga.

vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: