was successfully added to your cart.

Cart

Budgeting para sa mga empleyado sa middle-to-top-management

Karaniwang mas malaki ang sahod ng mga empleyadong nasa middle-to-top management. Ito ang kanilang biyaya at sumpa.

Malaki nga ang kanilang sahod pero ginagastos din nila ang halos lahat – kung hindi man lahat talaga – nito.

Tingnan natin ang budget ni Richard, 41 anyos, isang BPO professional na sumasahod ng Php50,000 kada buwan. May asawa at apat na anak si Richard. Lahat ng kanyang mga anak ay mas bata sa 21 taong gulang.

Ipinapakita ng sumusunod na talahayanan kung paano dapat ayusin ni Richard ang kanyang budget.

Table 9. Sample Budget ng Empleyadong nasa Middle-to-Top Management

Insurance

Ang pamantayan para sa insurance coverage kapag meron kang mga dependents ay sampung beses na katumbas ng iyong sinasahod kada taon. Sa kasong ito, kailangang bumili si Richard ng insurance na katumbas ng Php6 na milyon.

Iminumungkahi kong term insurance lamang ang bilhin nang makatipid. Sa edad ni Richard, magbabayad siya ng mga Php10,000 hanggang Php15,000 kada taon para sa term life insurance na nagbibigay ng face amount na Php6 na milyon.

Maaaring gamitin para bumili ng medical insurance, bilang pandagdag sa PhilHealth. Nais kong idiin ang pagbibili ng medical insurance at hindi mga produkto mula sa Health Maintenance Organization.

Karamihan ng mga employer na may kakayahang magpasahod nang malaki ay nakapagbibigay rin ng mga benepisyong pang-seguridad o insurance benefits sa mga empleyado nila. Kung walang ibibigay na benepisyong pang-seguridad, si Richard na mismo ang dapat bumili ng sarili niyang insurance coverage.

Kung hindi sapat ang coverage ng benepisyong pang-seguridad na ibinibigay ng kumpanya o employer, kailangan lang ni Richard bumili ng insurance coverage na maidadagdag doon sa manggagaling sa kumpanya o employer. Puwedeng huwag nang bumili ng life at medical insurance si Richard kung sapat na ang ibinibigay na insurance coverage ng kumpanya para sa kanya at sa kanyang pamilya.

Ang halagang inilaan para sana roon ay maaari na ngayong idagdag sa budget para sa pang-araw-araw na gastusin.

Kapag natamo na iyon, idadagdag ni Richard ang 15% na inilaan para sa savings para palakihin ang kanyang investment. Sa kasong ito, imbis na 20% para sa investment, meron na siyang 35%.

Loan

Kung halimbawa binabalak ni Richard na umutang para sa edukasyon ng kanyang mga anak, magkano ang puwede niyang hiramin? Batay sa 5-15-20-60 budgeting rule, maaari lang siyang maglaan ng di lalagpas sa 20% ng kanyang kabuuang sahod para sa amortisasyon o hulugang pagbabayad o installment payments.

Sa kasong ito, kung halimbawa ay may credit facility na makapagbibigay sa kanya ng 12% flat interest, ang maximum na puwede niyang hiramin ay Php107,142.86[1] para sa isang taon. Ang buwanang hulog dito ay Php10,000, kasama na ang principal at interest payments.

Kung kulang pa ang halagang iyon kay Richard, kailangan niyang makiusap na bigyan siya ng mas mahabang loan term. Pero lagi niyang dapat tandaan na ang paghihiram para tustusan ang mga gastusin ay ang mag-aantala ng kakanyahan niyang samantalahin ang mga investment opportunity para makalikha ng passive income.

Ang susi sa pag-iwas sa pangangailangang mangutang ay ang pagbili ng sapat at angkop na insurance at ang maayos na pagpaplanong pinansiyal o financial planning. Isang stratehiya ng pangangasiwa ng risk ang insurance, kung saan inililipat ang risk ng indibiduwal sa insurance company.

Mabisang paraan ito upang matugonan ang mga biglaang pangyayaring hindi natin makokontrol, tulad ng mga aksidente o kalamidad. Para sa mga bagay na maaaring makontrol, gaya ng edukasyon, pabahay, at iba pa, kailangan ng maayos na financial planning kung saan napakahalaga rin ng tiyempo at stratehiya.

Kung pinangungunahan mo na ang mga gagastusin mo sa hinaharap, mapapadalawang-isip ka talagang maglustay ng pera ngayon. Puwede kang gumasta ngayon at bayaran na lang ito pagkaraan, o bayaran na ang mga kailangang bayaran ngayon pa lang nang mapaaga pa ang pagkakaroon ng kalayaang magpakaligaya.

Investment

Kung maingat ang pangangasiwa sa 20% na budget para sa pag-iinvest, lubos itong mapakikinabangan ni Richard.  Ipagpalagay nating ang mga anak niya ay may mga edad na walo, anim, apat, at dalawang taong gulang.

[1] Php10,000 x 12 na buwan = 120,000 (120,000 / (1 + 12%)) = 107,142.86)

Sa loob ng mga sampung taon, kailangan na niyang gumastos para sa edukasyong pangkolehiyo. Kung mag-invest si Richard ngayon ng 20% ng sahod niya sa rate na 7% kada taon, magkano ang aabutin nito pagkalipas ng sampung taon? Magiging sapat ba ito para tustusan ang pagpapaaral sa mga anak niya?

Kung mag-invest si Richard ng Php10,000 kada buwan sa rate na 7% kada taon, makapag-iipon siya ng Php1,200,000 na may interes na Php520,838 para sa kabuuang halaga ng Php1,720,838. Sigurado akong makatutulong ang halagang ito sa pagsustento sa edukasyon ng kanyang mga anak.

Maraming nagtataka kung saan naman sila makahahanap ng 7% na rate of return sa panahon ngayon. Ang kailangan mo lang gawin ay pagsikapang maging maalam sa mga bagay na ito. Ang ginagawa ko, nagbubukas ako ng time deposit account sa mga rural bank na may term na limang taon at isang araw.

Sa ganoong paraan, meron akong tax break mula sa gobyerno para sa mga pangmatagalang investment. Nagbibigay ang gobyerno ng tax incentives sa mga pangmatagalang investment.

Nililimita ko rin ang time deposit ko sa Php500,000 dahil iyon ang maximum na halagang itinakda ng Philippine Deposit Insurance Cooperation. Kung pagpapagaan ng risk at pagbabalanse ng profitability ang pag-uusapan, palagay ko’y mainam na ang ganoong pagsasaayos.

Maaari mo namang galugarin ang mga posibilidad ng iba pang puwedeng papuntahan ng iyong investment, tulad ng bonds, mutual funds, unit investment trust funds at kahit ang stock market. Pero hangga’t naghahanap ka pa ng nakagiginhawang profit margin sa risk na itinataya mo, palagay ko’y pinakamadali nang paraan ng pangangasiwa ng investment ang pagpapasok ng pera sa mga rural bank.

Gawin natin itong mas exciting. Nabanggit kanina na kung pagkalipas ng dalawang taon ay maitaguyod ni Richard ang kanyang emergency fund, mapalalaki niya ang halagang nakalaan para sa mga investment niya.

Magkano ang maiipon ni Richard pagkatapos ng sampung taon?

Sa panahong iyon, makaiipon na dapat si Richard ng Php1,920,000 na may interes na Php759,232.20 para sa kabuuang halaga na Php2,679,232.40. Lagpas pa ang halagang ito sa kakailanganin niya upang mapaaral ang mga anak niya sa kolehiyo.

Alalahanin na sa mga pagkukuwenta natin dito, hindi pa natin naisasaalang-alang ang mga pagtataas ng suweldo. Lalaki pa ang maiipon niya kung isasama ang karagdagang sahod.

Buwis

Pinakamalaking kawalan ang buwis ng mga empleyado sa middle-to-top management. Gayunman, huwag masamain ang buwis. Kailangan natin ang buwis upang mapaunlad ang kalagayan ng Pilipinas. Dapat itong bayaran. Kung magkano ang dapat ibayad, hahayaan ko na lang na iba ang magpasiya.

Dahil may asawa si Richard, meron siyang Php50,000 na deduction sa kanyang taxable income. Kalipikado bilang dependent ang kanyang apat na anak. Ang bawat dependent ay katumbas ng Php25,000 na deduction sa taxable income.

Ang total deduction sa taxable income niya kung gayon ay Php150,000. Ang kabuuan ng income ni Richard ay Php600,000 kada taon. Ang taxable income niya, Php450,000. Ang tax bracket niya kung ganoon ang kanyang taxable income ay Php50,000, dagdagan na lang ng 30% ng halagang lalabis sa Php250,000.

Ang buwis na kailangan niyang bayaran kung gayon ay Php110,000 kada taon o 9,166.67 kada buwan. Ang tax rate niya ay 18.33%.

Itataya kong karamihan sa mga empleyado sa middle-to-top management ay lumalagpas sa inilaang halaga para sa kanilang pang-araw-araw na gastusin. Medyo mahirap ding pagsikapang mas mababa lamang sa kalahati ng kabuuang sahod ang gagamitin.

Sa yugtong ito, madaling umangal at isawalang-bahala ang 5-15-20-60 budgeting rule. Ang makatitiis ang siyang magtatamasa ng ginhawa.

Expenses

Para sa mga pang-araw-araw na gastusin, paniguradong mas madali para kay Richard na gamitin ang budget na ito kumpara sa mga minimum wage earner at mico-entrepreneur. Magkakatalo na lang kung pipiliin ni Richard na mamuhay nang simple o hindi, kung lalabanan niya ang tukso ng agarang pagpapabuti ng pamumuhay.

Ang income ng isang tao lamang sa tahanan ang ipinakita sa paglalarawan sa itaas. Mas may palugit para sa pang-araw-araw na gastusin at pagpapalaki ng investment kung may kinikita rin ang asawa ni Richard.

Kailangang tandaan parati na ang pagpapaliban ng paggasta ang magsisigurong masusunggaban mo ang mga oportunidad. Kung mapangangasiwaang mabuti ang mga oportunidad na iyon, higit pang lalaki ang financial returns o tubo na maaari mong makuha.

vincerapisura.com


2 Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: