was successfully added to your cart.

Cart

Ano ang savings?

By November 15, 2017 Savings

May iba’t ibang kahulugan ang ipon o savings. Pinakakaraniwang pagpapakahulugan dito ay sa pamamagitan ng mga equation.

Kita – Gastos = Ipon

Ang unang equation ay Kita – Gastos = Ipon. Ipinapakita ng equation na ito ang ipon bilang sobra o surplus. Mahirap itong isabuhay dahil kadalasan, masa malaki ang gastos kaysa kita kaya’t walang natitira para sa ipon.

Ipinagpapalagay ng equation na ito na mas matimbang na prioridad ang gastusin kaysa sa ipon. Sa kasamaang palad, karamihan sa atin ay sumusunod sa equation na iyan..

Kita – Ipon = Gastos

Ang ikalawang equation ay Kita – Ipon = Gastos. Ipinapakita ng equation na ito ang ipon bilang compensating balance. Mahirap pa rin itong isabuhay dahil hindi naman bukal sa lahat ang disiplina para sa pag-iipon.

Marami sa ating ang hindi naturuan ng wastong paghawak ng pera. Napakahalaga ng ipon bilang bahagi ng ating budget, at dapat ay mas matimbang itong prioridad kaysa sa gastusin.

Marami ngayon sa ating tinatangka itong gamitin sa tunay na buhay ngunit nabibigo lamang dahil sa kakulangan ng tibay ng loob para magtuloy-tuloy ang pag-iipon, motibasyon at inspirasyon para magpatuloy sa pag-iipon, at kaalaman sa mga istratehiya ng paglilikha at pagpapanatili ng savings plan.

Gagana lamang ang equation na ito kung may sapat nang savings discipline ang isang tao makapag-ipon. Iyon ang pagtutuunan natin ng pansin sa kabanatang ito – kung paano ma-dedevelop ang wastong mentalidad nang sa gayon ay magkaroon na ng disiplina sa pag-iipon.

Savings is the postponement of the pleasure of spending. Ang pag-iipon ang pagpapaliban ng lugod sa paggastos. Ito ang paborito kong definition ng savings.

Kung itatabi ang definition na ito sa mga equation sa itaas, mapupunang umaayon ito sa ikalawang equation, kung saan mas matimbang ang ipon kaysa sa gastusin. Puwede mo ring ituring ang equation na ito bilang continuum kung saan itatabi muna ang bahagi ng kita, at sa gayong paraan naipagpapaliban ang paggasta. Kapag naabot na ang layunin sa pag-iipon, maaari na itong gastusin.

Hindi ako nagsu-subscribe sa istratehiya ng pag-iipon na tinatawag kong “save and forget.” Sa istratehiyang ito, magtatabi ka ng ipon, tapos, lilimutin mo; hindi mo na ito iintindihin sa loob ng mahabang panahon at panonoorin mo na lang itong lumobo habang tumatagal.

May ilang gumagamit ng istratehiyang ito upang mahimok ang ibang tao na mag-ipon, para lamang mabigo sa huli. Kumokontra ang mentalidad na “save and forget” sa prinsipiyo ng pagpapaliban ng lugod sa paggastos.

Iresponsableng gawain ang pagtatabi ng ipon at paglimot na lang dito. Ang totoo pa nga’y dapat mabantayan mong mabuti ang iyong iniipon upang mapangalagaan ito’t masigurong napalalago mo nga ito.

Kung hindi, walang na-dedevelop na mabuting kaugalian sa iyong personal finances. Kapag ginagamit mo ang istratehiyang ito, hindi ka nakapagtatabi ng malaki-laking halaga. Napakaliit ng iyong maiipon – sobrang liit, na hindi ito makalilikha ng mga benepisyong magagamit mo sana sa iyong kinabukasan.

Bakit? Dahil hindi ka naman maglalaan ng malaking halaga para kalimutan mo ito. Ipinagkakait nito sa iyo ang kakayahang magamit ang iyong yaman o resources nang pangmatagalan.

Imumungkahi ng mga tumatanggap at gumagamit sa istratehiyang ito na magtabi ka lamang ng halagang sa tingin mo ay hindi mo na kakailanganin balang araw. Ngunit sa reyalidad, halos lahat naman ay iniisip na kailangan nila ng pera ngayon, o kahit sa nalalapit na bukas.

Hindi rin isinusulong ng istratehiyang “save and forget” ang kaugalian ng palagiang pag-iipon. Hinihingi lang nitong mag-isip ka ng kung anong halagang sa tingin mo ay hindi mo kakailanganin sa loob ng mahabang panahon, tapos iyon na ang ipon mo.

Pinaniniwala ka nitong isang beses mo lang kailangang gawin ang pag-iipon. Hindi iyon ganoon. Kaya’t ibasura na ang “save and forget” na iyan.

Humanap ng inspirasyon at motibasyon para maka-ipon

Ang talagang kailangan mo ay inspirasyon at motibasyon para mag-ipon. Ang pag-iipon ay kahawig ng pagwo-workout. Kailangang may malakas kang insipration at motivation para mag-workout.

Kailangang maging malinaw ang mga nais mong makamtan sa iyong pag-workout sa gym. Kailangan mong sagutin ang tanong, “Bakit ka nag-iipon?”

Sa pananaliksik ng SEDPI, ang mga top reasons ng pag-iipon ay para sa mga emergency (47%), edukasyon ng mga anak (28%), pambayad sa mga utang (11%), pagpapagamot (9%), paglikom ng puhunan para sa negosyo (9%) at pagtatamo ng mga asset (2.5%).

Magkatulad ba ang mga layuning ito at mga layunin mo sa pag-iipon? Nakaka-relate ka ba sa mga ito? May talab ba ang mga ito sa iyo?

Ang layunin ng iyong pag-iipon ay dapat maipakita ng motibasyon mo sa buhay. Dapat ay magsilbing inspirasyon ang mga layunin mo sa pag-iipon ang pag-develop at pagsasanay sa iyong kaugaliang mag-ipon.

Start small

Kung ngayon ka pa lang mag-iipon, subukin mong mag-ipon para sa maliit o simpleng bagay na nais mong mabili sa mga darating na araw. Halimbawa, sa loob ng anim na buwan, gusto mong makabili ng bagong t-shirt na may halagang Php1,200.

Napakaimportanteng makapili ka ng puwedeng mong gamitin bilang inspirasyon o motibasyon para magpatuloy sa pag-iipon. Magbigay ng kahit tatlong dahilan ng iyong kagustuhang bumili ng t-shirt.

Halimbawa, gusto mong bilhin ang t-shirt para bumagay ka sa isang grupo. O kaya, dahil pinagaganda nito ang hubog ng iyong katawan. Puwede ring dahil nauuso ito ngayon.

Maaari kang gumamit ng kahit anong dahilan basta’t magsisilbi itong inspirasyon at motibasyon. Planuhin ang pag-iipon para sa t-shirt.

Ang pinakamainam na paraan para makapag-ipon ay ang malimit na pagtatabi ng maliliit na halaga. Dapat Php200 ang iyong monthly savings goal.

Puwede mo pang paliitin ang halagang iyon kung mas madalas kang magtatabi ng pera. Maaari kang magtabi ng Php100 tuwing ika-15 at ika-30 ng buwan, kung kailan sumasahod ang karamihan, o kaya’y Php50 kada linggo.

Mabuting pagkakuha pa lang ng sahod ay magtabi na agad ng ipon. Ilagay ang ipon sa ligtas na lugar kung saan hindi ka matutuksong galawin ito. Dahil maliit na halaga lang naman ito, hindi mo na kailangang magbukas pa ng savings account. Puwede kang bumili ng kahon na may kandado tapos itago roon ang iyong ipon hanggang maabot mo ang savings goal mo.

Kapag naabot mo na ang iyong savings goal, i-congratulate ang sarili at bilhin na ang t-shirt na gusto mong bilhin. Itanim sa sarili ang pakiramdam ng kaligayahan sa pagkatupad ng mga hangarin para magkaroon ng mga positibong damdamin tungkol sa pag-iipon.

Sulit ang pagpapaliban sa paggasta

Ipaalala sa sarili na sulit talaga ang pagpapaliban ng paggasta. Kapag nagawa mo na ito sa munting paraan, puwede mo nang simulan ang pagpaplano para sa iba pang uri ng savings.

Kailangan mong malaman kung ang pinaglalaanan mo ng ipon ay para sa need or want. Sa ganitong paraan makakagawa ka ng mas maayos na istratehiya sa pagse-save.

vincerapisura.com


One Comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: