Ang inflation ay ang pagtaas ng presyo ng bilihin habang lumilipas ang panahon.
Kapag binigyan kita ng limang piso ngayon (2018), makakabili ito ng dalawang piraso ng pandesal. Minsang tinanong ko ang lola ko nang nabubuhay pa siya, nung panahon nila (1950), kung ilang pandesal ang mabibili ng limang piso.
Nagulat ako dahil noong panahon nila, 50 piraso ng pandesal ang mabibili. Ang presyo ng parehong pandesal ay PhP2.50 kada piraso ngayon, samantalang PhP0.10 naman kada piraso noong panahon nila.
Ang inflation rate nito ay 2,400% sa loob ng 68 taon.
Kung ihahambing natin ito sa karaniwang buhay, ang mas madami ang mabibili ng suweldo mo noong nakalipas na taon kumpara ngayon. Tinatayang 3.5% ang inflation rate natin noong 2017.
Ang ibig sabihin nito kailangan mo nang magbayad ng PhP103.5 ngayong 2018 sa dating nabibili lamang PhP100 noong 2017. Ipinapakita nito ang pagtaas ng bilihin at pagbaba ng kakayahan sa pagbili o purchasing power.
Epekto ng inflation sa ekonomiya
Marami ang tumitingin sa inflation sa negatibong paraan. Naiintindihan ko naman sila dahil hindi nakakatuwa ang pagtaas ng bilihin kung ikaw ang mamimili.
Pero ayon kay John Meynard Keynes, isang tanyag na British economist, kinakailangan ang inflation para sa paglago ng ekonomiya. Ayon sa kaniya, kung walang inflation, bababa ang demand sa mga goods and services.
Ang kaisipan niya ay, “Bakit ako bibili ngayon kung alam kong magmumura ang bilihin bukas?”
Kung ang inflation rate ay tumataas sa tamang bilis, nakakatulong ito sa ekonomiya dahil nagkakaroon ng demand sa mga produkto at serbisyo. Kung may demand sa produkto at serbisyo, lalago ang mga negosyo.
Kapag ang mga negosyo naman ay lumalago, nangangailangan ito ng mga tauhan na mabibigyan ng trabaho. Kung may suweldo, may bibili sa produkto at serbisyo ng mga negosyo.
At patuloy ang paglago ng ekonomiya. Ang tawag ni Keynes dito ay ang pagpigil sa “paradox of thrift.”
Mamimili/Empleyado versus Investor/Negosyante
Kung naiintindihan mo ang konsepto ng inflation, maganda itong gabay sa pagi-invest. Depende kasi yan kung nasaang part ka ng equation.
Sa isang bahagi ng equation ay ang mga mamimili at empleyado sa kabilang bahagi naman ay ang mga investors at mga negosyante. Kung lagi kang nanantili sa side ng mga mamimili at empleyado, laging kontra ang inflation sa iyo.
Ngunit kung ikaw ay lilipat sa kabilang equation bilang investor o negosyante, mapapakinabangan mo ang inflation.
Create multiple income sources
Kaya dito pumapasok ang kahalagahan ng paggawa ng maraming sources of income o pinagkukunan ng kita. Hindi maganda na nakaasa lamang sa iisang source of income.
Dapat humanap ng iba pang paraan ng pagkakakitaan sa pamamagitan ng investment at negosyo upang may pambalanse sa inflation. Kinakailangang maging creative at resourceful upang makaalpas sa pagiging empleyadong suwelduhan lamang.