May mga nagtatanong sa aking mistulang nagaapura sa pagi-invest. Karaniwan sila ay mga empleyado na nagkakaroon na ng tsansang makakuha ng loan – maaring sa pinagta-trabahuhan o kaya naman ay inaalok ng bangko.
Nasasayangan sila sa oportunidad na maaaring mapalampas kung hindi nila kukunin ang loan. Gusto nilang kumita sa pamamagitan ng pagi-invest gamit ang pera ng iba.
Hindi naman ito masama kung masinop ang kanilang paghawak sa pera. Ang tawag dito ay leveraging. Para masiguro na hindi mapapahamak sa loan na kukunin sa pagi-invest, sundin ang aking mga easy to do guidelines.
Gamitin muna ang sariling pera
Bago pa gumamit ng pera ng iba, gamitin muna ang sariling pera. Sa ganitong paraan, magsisimula sa maliit na halaga kasi hindi naman kalakihan agad-agad ang ating pera.
Kapag gamit ang sariling pera, hindi kinakaliangang magbayad ng interest kaya sariling-sarili mo ang kikitain.
Mas mataas dapat ang kita sa investment kaysa interest
Ang basic rule ay dapat ang investment ay magbibigay ng sapat na kita upang mabayaran ang interest sa balak hiramin. Dapat ang pamabayad sa inutang ay galing sa investment at hindi galing sa sarili mong bulsa.
Kung magaabono galing sa iyong sariling kinikita para pambayad sa principal at interest ng iyong inutang, para sa akin, hindi ito magandang investment.
Positive cash flow
Ang ideal, dapat ang investment ay magbibigay ng cashflow na kayang bayaran ang utang – ang principal at interest portion nito. Ibig sabihin match ang term ng loan sa term ng investment.
Halimbawa, ang installment payment mo sa utang ay PhP10,000 kada buwan, kinakailangang ang investment mo ay makapagbigay sa iyo ng cashflow na higit pa sa PhP10,000 kada buwan.
May sapat na karanasan sa papasuking investment
Mas maganda kung may malawak at makabuluhang karanasan ka na sa papasuking investment kung magbabalak na mangutang para dito. Mas mama-manage mo ang risks involved sa investment kapag may karansan ka na dito.
Nakakatulog nang mahimbing sa gabi
Panghuli, ang pinakamagandang sukat kung dapat ka bang mangutang para pang-invest ay pakiramdaman ang iyong sarili kung meron ka bang kaba sa pangungutang.
Makakatulog ka ba nang mahimbing? Payapa ba ang iyong pakiramdam? Sa ibang salita, listen to your guts.
Kung hindi, mas maiging huwag mangutang ng pang-invest.