Bislig City, Surigao del Sur – Christmas party para sa aming mga piling kliyente ngayong araw at naatasan akong magbigay ng inspirational message. Pero kaysa magsalita ako at antukin ang aming mga panauhin, minabuti kong kausapin na lang sila at magtanong kung anu-ano ang mga gusto nila sa aming serbisyo at anu-ano naman ang mga kailangan pa naming pag-igihan.
Dalawa sa pinakamalaking concerns ng mga nanay ang edukasyon para sa kanilang mga anak at bahay para sa kanilang pamilya. Ang mungkahi nila ay gumawa ang SEDPI ng loan products para dito.
Bilang isang socially-aware wealth mentor, hindi ko matanggap na ang mga ito ay dapat makuha sa pamamagitan ng loan. Violation kasi ito sa itinuturo ko na ang loans ay dapat para sa productive purposes.
Nagulat silang lahat nang sinabi kong hindi magde-develop ang SEDPI ng loan para sa non-productive purposes. Bagkus ay hahanap kami ng paraan upang ma-solusyunan pa rin ito kahit na hindi kumukuha ng loan.
Para sa edukasyon, savings dapat ang gamit dito, hindi loan.
Tinawag ko si Daisy, at ginawa ko siyang halimbawa. Dala niya ang kaniyang tatlong taong anak. Tinanong ko kung alam ba niya kung kailan magko-kolehiyo ang anak niya.
Ang sabi niya, pagkatapos ng 15 taon, magko-kolehiyo na ang anak niya. Sinabi kong, kung gayon ay mayroon siyang 15 taon para paghandaan ang pag-aaral ng kaniyang anak.