Pinakamainam na ihulog ang iyong savings sa bangko. Mahalaga ito dahil sinisimulan mo ang iyong ugnayan sa bangko sa pamamagitan ng pag-iimpok.
Kapag kinailangan mong manghiram ng pera para sa negosyo o pagpapagawa ng bahay, unang titingnan ng bangko ang relasyon mo dito na magiging batayan kung pahihintulutan o hindi ang iyong loan. Bukod pa dito, secured ang savings sa bangko dahil insured ito sa ilalim ng Philippine Deposit Insurance Corporation hanggang sa PhP500,000.
Seguridad ng savings
May tatlong factors na kailangan mong isaalang-alang sa pagpili kung saan ka mag-iimpok. Ang una ay ang kaligtasan at seguridad ng iyong savings.
Sa SEDPI research, ito ang unang tinitingnan sa pagpili ng deposit-taking body ng mga nag-iimpok. Mas gugustuhin umano nila ang mababang interes basta makatutulog naman sila nang payapa sa gabi, panatag sa seguridad ng kanilang pera.
Convenience and accessibility
Ang convenience at accessibility ang ikalawang factor. Pasok ba sa schedule mo ang banking hours? Malapit ba ito sa iyong bahay o trabaho? Kaya bang ma-access ang iyong account online o sa pamamagitan ng mobile phone. Marami bang automated teller machines (ATM) kung saan maaari kang makapag-deposit o withdraw?
Interest rate
Ang huling factor naman ay ang interest rate sa savings. Kapag natugunan mo na ang dalawang unang factor, piliin mo ang bangko o savings product na makapagbibigay sa iyo ng pinakamataas na posibleng return.
Maraming matatagpuan na savings products diyan. Piliin mo ang savings product na angkop sa iyong pangangailangan at preference. Mungkahi ko, magbukas ka ng di bababa sa tatlong account upang umayon sa 5-15-20-60 budgeting rule.
Tatlong savings accounts
Ang mga savings account na ito ay para sa iyong emergency savings (15% ng iyong income), investment (20% ng iyong income) at pang-araw-araw na pangangailangan (60% ng iyong income).
ATM para sa pang araw-araw na gastusin
Mainam na kumuha ka ng ATM savings account para sa pang araw-araw mong pangangailangan at passbook account naman para sa emergency savings, o ang 15% budgeted savings mula sa iyong income. Madaling gamitin ang ATM card anumang oras at convenient kapag nag-grocery, o kailangan ng agarang pera para sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Ang ilan sa mga ATM cards ay maaari ring gamitin bilang debit cards; mas mainam ito kung may ganitong option dahil hindi mo na kailangang mag-withdraw pa ng pera. Higit namang mainam ang passbook para sa emergency savings sapagkat hindi ito madaling ma-withdraw.
Passbook account para sa emergency savings
Iwasan mong matukso at mag-withdraw mula dito. Di gaya ng ATM accounts kung saan madaling mag-withdraw, sa passbook account kakailanganin mo pang pumunta sa bangko para magsagawa ng anumang transaksyon.
Mayroong passbook account ang karamihan sa mga commercial banks ngunit karamihan din dito ay may kasamang ATM card. Kung gayon, tiyakin mong nakuha mo ang ATM card at ilagay mo ito sa secured na lugar ng iyong bahay at hindi sa iyong pitaka.
Maaaring hilingin ng mga swelduhang manggagawa sa kanilang employer na awtomatikong ilagay ang ilang bahagi ng kanilang suweldo sa passbook account at ang matitira naman sa kanilang ATM account. Sa ganitong paraan nakalilikha sila ng mga sistema at prosesong makapagpapadali sa pag-iipon.
Checking account para sa investment
Upang makaipon ng malaking halaga para sa iyong investment budget, magbukas ka ng hiwalay na account para lamang dito. Iminumungkahi kong checking account ang buksan mo gayong dito mo isasagawa ang iyong mga business transactions.
Mahalagang may katibayan ka ng mga pagbabayad at ang tseke ang mainam na magagamit bilang pruweba ng pagkakabayad o pag-invest sa anuman. Sa tuwing gagamit ka ng tseke, kailangang isulat mo ang pagbabayaran mo upang matiyak na ginawa mo ngang available ang pera mo para sa isang tao o korporasyon.
Napaka-istrikto ng bangko dito, isa pa ito, kung gayon sa magiging security features dahil kailangang i-validate ng bangko na mayroon ngang tao o entidad na ganoon. Kapag nadeposito na ang tseke sa isang account o na-encash sa counter, obligado ng batas ang bangko na i-verify kung lawful ang tao o entidad.
Kailangang sumunod ang bangko sa Anti-Money Laundering law upang matiyak na hindi sangkot ang tao o entidad sa terorismo o financial scams.
Maaaring nalulula ka na sa bilang ng iminumungkahi kong savings accounts. Maaari ring napapa-isip na ang iba sa inyo kung kaya nga ba ninyong magbukas ng maraming bank account gayong may required minimum balance ang mga bangko.
Simple lang ang sagot ko dito. Maaari kang magbukas ng isang savings account para sa emergency fund, investment budget at daily expenses mo. Kapag sapat nang nakatutugon sa maintaining balance ng bangko ang ipon mo, magbukas ka ng isa pa para sa iyong emergency fund.
Kapag nakaipon ka nang muli, magbukas ka naman ng checking account para sa iyong investment budget. Alamin mo rin ang iba’t-ibang savings products ng mga bangko.
Payroll account at cash card
Maaari mong piliin ang zero balance na payroll accounts. Hingin mo ang tulong ng iyong employer o ng bank branch hinggil dito.
Maaari ka ring magbukas ng cash cards. Technically, hindi savings account ang cash card gayong hindi ito insured sa ilalim ng Philippine Deposit Insurance Corporation ngunit magagamit mo ito bilang virtual wallet para mabukod ang iyong pera para sa emergency funds, investment budget at pang-araw-araw na gastusin.
Kapwa hindi kumikita ng interest ang cash cards at payroll accounts kaya mainam lamang itong gamitin sa umpisa. Sa pinakamaagang kakayanin, magbukas agad ng mga tumutubong savings deposit.
Joint account kung may asawa o life partner
Kung may asawa ka o lifetime partner, advisable na magbukas kayo ng joint accounts para sa tatlong binanggit kong accounts sa taas. Ito ay upang matiyak na dalawa kayong magdedesisyon pagdating sa inyong emergency funds, investment budget at pang-araw-araw na pangangailangan.
Maliban dito, mahigpit kong iminumungkahi na magbukas ka ng isa pang account para lamang sa iyo. Pagkasunduan ninyo ng partner mo ang inyong allowance matapos magbigay ng kontribusyon sa inyong emergency fund, investment budget at daily needs.
Hindi mo kailangang ipaalam o magpaalam sa iyong partner para lang gamitin ang allowance. Maaari mo itong gamitin sa balang naisin mo basta nagampanan mo na ang obligasyong pinansiyal mo.
Ito ay upang maglaan ng level of financial independence at financial freedom mula sa isa’t-isa. Karaniwang pinagmumulan ng alitan ang pera sa isang relasyon kung kaya’t mabuting mapag-usapan na ito hangga’t maaga upang maiwasang magkaproblema sa hinaharap.
Simulang mag-save nang maaga
Ang isa pa sa dapat iwasan kapag nagsisimula ng savings plan ay ang pagpapaliban nito. Huwag ipagpaliban ang pagsisimula nito.
Simulan mo sa pag-iipon ng paunti-unti hanggang sa maging habit na ito at makasanayan mo. Ang pagpapaliban ng savings ay magdudulot lamang ng pasakit sa mga usaping pinansiyal sa hinaharap.