Ang UAE ang isa sa mga top destinations ng mga OFWs. Mula 2002, taaon-taon akong bumabalik dito para magbigay ng training, gumawa ng research at makibalitaan sa mga kabayan natin doon.
Narito ang aking naging trip.
April 17, 2018
Nagsimula ang aking paglalakbay alas dose ng tanghali sa Terminal 1 ng NAIA noong April 17. As usual, mahaba ang pila sa immigration. Dumating ako sa Dubai, alas-9 na ng gabi.
April 18, 2018
Kinabukasan, una kong binisita ang Gold Souk at doon nakita ko ang largest “gold ring” na naitala sa Guiness World Book of Records. Nakausap ko din si Wendy at si Kristine, mga saleslady sa Dubai at binigyan nila ako ng ilang tips kung paano mag-invest sa alahas.
Halos tanghalian na nang makarating kami sa Dubai Design District para sa pangalawang i-interviewhin ko, si Leo. Isang dekada nang nagtatrabaho si Leo sa Dubai. Tinamaan siya ng depression at ang akala niya’y pag-ibig ang makakasagot nito.
Ipinakilala ko siya noong 2016 sa isang foundation at doon nabuo ang kaniyang project sa pagtulong sa mga mahihirap na B’laan kids ng North Cotabato.
Alas-tres na ng hapon nang makarating kami sa Uling at Parilya, isa sa mga restaurants na pag-aari ni Sweet at ng kaniyang asawa. Maagang nabuntis si Sweet, 17 years old siya noon, at dahil dito hindi nakapagtapos sa pag-aaral agad.
Pero sa pagsisikap nilang mag-asawa, nakapagpatayo na sila ng tatlong iba’t-ibang restaurant sa Dubai. Nakahingi ako ng mga tips sa kaniya kung paano magtayo ng business sa Dubai.
Kinagabihan, si Queenie at ang mag-asawang si Jen at Joshua naman ang nakausap ko. Buong tapang nilang ibinahagi sa akin ang scam na nasalihan nila, ang Exential.
Marami tayong matutunan sa pakikipagusap ko sa kanila para maka-iwas sa scam. Taos-puso ko silang pinasalamatan dahil isinantabi nila ang kanilang hiya sa pag-amin ng kanilang pagkakamali.
Ang sabi ko kasi, kailangang may magsalita para makitang karaniwang tao ang mga nabibiktima at para hindi na maulit pa ang ganitong klase ng panloloko.
April 19, 2018
Maaga akong gumising at sinundo ako ni Jomar para bisitahin ang kaniyang factory sa Al Quoz, ang isa sa mga industrial parks sa Dubai. Si Jomar ay dating sales executive na nagtayo ng kaniyang sariling metal fabrication (cutting, bending and welding) business.
Isang nakaka-inspire na success story ang kaniyang kuwento. Dahil sa tagumpay, pina-resign na niya sa trabaho si misis at kasama na niya ito ngayon sa negosyo. May humigit kumulang 20 silang employees sa kanilang dalawang businesses sa Dubai.
Sadya talagang mahilig kumain ang mga Filipino. Kaya si Allan, naisipang mag-invest sa limang restaurants – tatlo sa Dubai at dalawa sa Pilipinas.
Balak sana niyang magtayo ng sariling restaurant kaso hindi siya maalam at wala siyang karanasan sa pagpapatakbo nito. Kaya daw para tumaas ang kaniyang chances of “winning” at bumaba ang risk sa pag-iinvest, nag-lagay siya ng investment sa limang restaurant.
Pagpatak ng alas-tres, sinundo ako ni Crsitina at ni Ivy para magpunta sa Al Maguinat. Doon ibinahagi nila sa akin ang kanilang karanasan sa pagtataguyod ng kanilang pamilya bilang mga single moms.
Nakakatuwa ang karanasan nila kasi salungat ito. May nabaon sa utang (pero nakaahon na) at meron namang sagana sa pera.
Inantay na rin namin ang isa sa mga bago kong nakilala sa Dubai, si Mae. Kasama siya sa grupong Investhusiasts na nagbibigay ng abot-kayang financial literacy trainings sa mga OFWs.
Nai-kuwento ni Mae sa akin na maraming nagbibigay ng trainings sa Dubai pero pagkatapos nito ay bebentahan ka ng real estate, insurance o kung anu-anong investment products. Naninidigan ang grupo ni Mae na dapat pinaghihiwalay ito dahil sa conflict of interest.
Dapat ang training ay learning opporunity, hindi selling opportunity. Pareho kami ng prinsipyo ng kaniyang grupo.
Nakasabay ko naman sa dinner si Ion o mas kilala sa kaniyang blog na “Boy Dubai.” Minabuti ko nang magpa-interview sa kaniya at siya din naman ay in-interview ko tungkol sa kaniyang bagong shirt business.
Medyo late na kami natapos nang gabing iyon.
April 20, 2018
Buong araw akong nagbigay ng training on financial literacy sa mga estudyante ng Ateneo Leadership and Social Entrepreneurship (A-LSE). Halos umabot sa 90 ang dumalo sa inaasahang 50 lang dapat.
April 21, 2018
Maaga akong gumising at sinundo para naman magpunta sa Abu Dhabi. May isang batch din kasi ng A-LSE doon. Madami na namang pumunta sa aking session at nakakatuwa ang mainit na pagtanggap.
Nakaka-aliw ang batch na ito dahil may gumawa pa ng tula ayon sa mga ibinahagi ko sa kanila during the session. Dahil ito ang huling araw ng trainings, lumabas din ako kasama ang mga participants na nag-inuman.
Tumuloy ako sa Park Rotana sa Abu Dhabi at laking gulat ko nang bigyan nila ako ng classic suite. Nakakalula ang karangyaan. Hindi ako sanay.
April 22, 2018
Sa gabi pa ang flight ko pauwi ng Pilipinas kaya in-interview ko ang aking kababata, si Maricel, na nagtatrabaho sa isang multi-cultural setting. Nabigyan din ako ng pagkakataong kausapin ang kaniyang mga ka-trabaho mula sa Nepal, Netherlands at Uganda.
Ibinahagi nila kung anu-ano ang mga strengths nating mga Filipino bilang mga kasama sa trabaho at kung anu-ano din ang mga dapat nating pang i-improve.
Bago tumulak pauwi, nag-meeting muna kami ng aking #1 supporter sa Dubai, si Cristina. Nais ko siyang pasalamatan kasi siya ang nag-coordinate ng halos lahat ng aking mga makakasama at ma-iinterview. Walang kapagod-pagod, kaya pinagpapala.
Ayan siya, kumukuha ng selfie, habang ako naman ay nag-iinterview.
Pagpasok ko ng airline lounge, binati ako ng dalawang Pinay staff doon, si Janine at si Ana. Nagpakilala sila sa akin at sinabing follower ko daw sila sa aking Facebook page.
Mas dumadalas ang ga nakakakilala sa akin, lalo na sa mga OFWs. Nagpasalamat sila sa mga isinusulat kong blogs at ipinalapalabas na videos dahil marami daw silang natututunan.
April 23, 2018
Pagkababa ng eroplano, dumiretso ako sa opisina dahil may mga kliyenteng nag-request ng meeting. Kinagabihan, may jet lag pa ako at minabuting mag-edit ng unang videong ipapalabas ko.
Sa wakas ay dinalaw din ako ng antok at nakatulog.
Abangan ang mga interviews ng mga nakausap ko sa Dubai!
Wow hectic ang schedule…kung ang Abu dhabi gumawa ng tula ..ako naman po kakantahan kita..Bakit ngayong lang kayo dumating sa buhay ko..eh di sana hindi ako naghahabol sa financial stage ko….pero kaya pa yan..Salamat po sa training ninyo..= LSE Dubai 62
Ang lagay e, ako po ang may kasalanan? Haha. =)