Nahahayag sa National Baseline Financial Survey ng Banko Sentral ng Pilipinas na walo sa sampung Pilipino ang nakaranas ng pangungutang ng pera. Pitumpu’t isang porsyento sa mga ito ang nakapangutang sa impormal na pamamaraan – sa pamilya, kamag-anak, kaibigan at mga impormal na nagpapautang ng pera, habang apat na porsyento lamang ang nangutang mula sa bangko.
Pambili ng pagkain (60%), pambayad ng mga school-related expenses (38%), at pagpinansya sa mga emergency (33%) ang pangunahing dahilan ng pangungutang. Ang mga utang o loan ay ang perang ipinahihiram ng mga lender sa mga borrower para sa pansamantalang paggamit.
Binibigyang diin ang salitang pansamantala gayong kailangang bayaran ng nangutang ang loan sa pinagkakautangan. Ang loan ay binabayaran sa tiyak na haba ng panahon.
Binabayaran ang mga short-term loan sa loob ng isang taon at ang long-term loan naman nang higit sa isang taon o mas mahaba pa. Karamihan sa mga loan ay naniningil ng interest rates. Ang halaga ng panghihiram ng pera ay ang suma ng interes, dagdag ang iba pang fees at kaukulang transaction cost.
Obligasyon at responsibilidad ng nangutang na bayaran ang loan sa pinagkakautangan. Kailangan niyang bayaran ang pagkakautang sa napagkasunduang panahon at halaga.
Delinquent loan ang tawag sa pagkakautang na hindi nabayaran sa naitakdang panahon. Kapag hindi nabayaran ang delinquent loan bunga ng kawalang kakayahan ng nangutang na bayaran ito, at natiyak ng pinagkakautangan na nawalan na ng kapasidad ang nangutang na bayaran ang loan, kinikilala na ito bilang default loan.
Ayon sa Credit Research Foundation, ang costs ng delinquency o default loan ay binubuo ng di magandang pakiramdam, tension sa pag-itan ng pamilya at mga kaibigan, nasirang reputasyon at kawalan na ng access sa mapangungutangan.
May advantages at disadvantages ang loan.
Mas malaking pera ang mahahawakan mo sa loan kaysa sa iyong savings. Maaari mo ring magamit ang loan para mag-invest.
Makatutulong ang loan sa iyong pinansya kung gagamitin sa mabuting paraan. Maliit lamang ang halaga ng inyong investment kung savings mo lamang ang gagamitin mong pang-invest.
Mapapalaki mo ito sa pamamagitan ng pagkuha ng loan. Kung mas malaki ang tubo ng iyong investment kaysa sa interes na babayaran mo sa iyong loan, lalabas na may kinita ka sa tubo ng iyong investment.
Dapat mong maunawaan na sumusugal ka kung gagawin mo ito, lalo na kung ang rate ng balik sa pinili mong investment vehicle ay hindi garantisado. Kailangan ang pag-iingat kung gagawin mo ito.
Ang premise ng pinatatakbo kong financial company ay base sa prinsipyo ng paggamit ng pera ng iba bilang leverage para kumita ng malaki. Binabayaran ko ang aking mga investor at creditors ng 6% bawat taon at ipinahihiram ko ito sa mga organisasyon sa average rate na 8%-13% bawat taon.
Kumikita ang financing company mula 2%-3%, labas na ang mga admistrative fee at tax. Small spread ito para sa isang negosyo. Susi dito ang pagkakaroon ng sapat na dami para kahit na small spread, malaki pa rin ang halaga ng kabuuang kita.
Isa pang advantage ng loan ay ang kapasidad nitong ma-access ang pera nang mabilis, lalo na kung magmumula sa impormal na network gaya ng pamilya, kamag-anak, kaibigan, five-six atpb. Madalas pa, hindi humihingi ng interes ang mga kapamilya, kamag-anak at kaibigan sa pautang.
Samantalang, humihingi ng mataas na interest rate ang five-six schemes, sa “Bumbay” o “Turko” kapalit ng hindi pangangailangan ng kolateral at madaling access sa loan. Ang mataas na interest rate ang pinaka disadvantage ng ganitong paraan.
Ang kakayahanng ito na mabilisang makuha ang pera sa pamamagitan ng pangungutang ang nagtutulak sa vulnerable groups na kumagat sa mga pautang na may mataas na interes sa harap ng mga di inaasahang kagipitan.