Paanong nakakasagabal sa pagyaman ang takot
Takot na Maiwanan
Isa pang uri ng takot na patungo sa pagkasira ng pinansya ay ang takot na maiwanan. Bawat isa sa atin ay hilig ang ihambing ang estado natin sa iba. Ito man ay kaibigan, batchmates, schoolmates, kapitbahay, at mga kapatid.
Lagi nating gustong makita na mas nasa mabuti tayong kalagayan kaysa sa kanila. Sinusukat natin ang tagumpay sa pamamagitan ng pagkukumpara kung ano ang meron sa iba at kung ano ang kaya nilang gawin. Lumilikha ito sa atin ng financial pressure.
Halimbawa, kapag nalaman nating may bagong gadget ang ating kaibigan ay aasamin rin nating magkaroon. Kung pinag-aaral ng kapatid natin sa private school ang kanyang anak, gusto rin natin ito para sa ating anak.
Nagiging obsession na ang paghahambing sa iba ng mga bagay na mayroon sila at ang mga kakayanan nila. Marahil, dahil ito sa hindi tayo naturuang sukatin ang ating mga personal finance success sa paaralan kaya’t nauuwi tayo sa paghahambing ng sarili sa iba bilang sukatan ng ating financial status.
Hindi naman masamang mag-asam ng mga bagay na wala ka ngunit alamin kung kaya mo ba talaga itong bilhin. Ang pressure na pantayan o lampasan ang iba ay nauuwi sa labis at hindi makabuluhang paggasta. Ginagawa tayo nitong mahirap at inilalayo tayo sa ating financial goals.
Isang tipikal na halimbawa ay ang empleyado ng Business Process Outsourcing (BPO) industry. Ang empleyado ay lunod sa utang – partikular sa credit card. Dahil sa kanilang kita, maraming credit card companies ang nagbibigay sa kanila ng pautang na hindi nila nagagamit nang mabuti.
Ang mga tipikal na empleyado ng mga BPO ay karaniwang kabilang sa mga grupo na magkakasama sa labas ng Starbucks kung saan sila gumagastos ng higit 150 pesos para sa kape. Kapag tiningnan mo ang kanilang Facebook statuses ay makikita mo na lagi silang nasa bakasyon o ano ang mga bagong nabili nilang gamit.
Karamihan dito ay luho. Nadadala sila sa pressure ng pagsabay sa kanilang mga kaibigan. Ang pinakapangunahin kong panuntunan sa ganito ay gamitin ang active income para sa mga pangangailangan, ang passive income para sa mga luho, at magkaroon ng emergency savings at insurance.