was successfully added to your cart.

Cart

Paanong Kabaliktaran ng Utang ang Ipon

Malamang ay karaniwang kaalaman na kabaliktaran ng utang ang ipon. Pero mainam na himay-himayin natin ito.

Small installments versus small deposits
Sa utang, sa simula may malaking halaga kang matatanggap at pagkatapos ay karaniwang binabayaran mo ito nang maliliit. Ang mga maliliit na bayad na ito ay tinatawag na installment.

Kabaliktaran naman sa ipon, magsusubi o magtatabi nang maliliit na halaga at sa bandang huli ay may mabubuong malaking halaga. Deposit naman ang tawag dito.

Simple lang di ba?

May nagbabayad at may binabayaran ng interest

Sa parehong sitwasyon, ipon man o utang, may interest na binabayaran. Alam din ng karamihan na mas mataas ang interest sa pautang kaysa sa ipon.

Sa utang, ikaw ang nagbabayad ng mas mahal na interest. Samantalang sa ipon, ikaw ang binabayaran ng interest.

Instant versus delayed gratification

Utang ang gamit upang ma-enjoy ngayon ang isang bagay saka ito pagbabayaran. Samantalang, sa ipon, ikaw ay babayaran sa iyong paghihintay o pagpapaliban na i-enjoy ang isang bagay.

Samakatuwid, ang interest sa utang ay ang mahal na presyo mong binabayaran dahil hindi ka nag-ipon. Mahal ang pagkakaroon ng utang.

Ang kailangan mong tanungin ay, “Hanggang gaano katagal mo kayang maghintay para makamit ang isang bagay?”

Halimbawa, gusto mong bumili ng bagong cellphone pero wala ka pang pera para dito. Kung hindi ka na makatiis, maari kang kumuha ng utang, pero ang kapalit ay pagbabayaran mo ito sa pamamagitan ng mahal na interest.

Samantala, sa pag-iipon, kinakailangang mag-antay dahil gugugol ng panahon ang pagtatabi ng pera. Malaki ang matitipid sa pag-aantay at pag-iwas sa pag-aapura. Bukod dito, kumikita ka pa habang naghihintay.

Interest sa utang ang bayad sa instant gratification, samantalang interest sa ipon naman ang gantimpala sa delayed gratification

Sa ibang sabi, ang instant gratification ay mahal at ang delayed gratification ay kumikita at mas makakamura ka pa. Ang tanong, hanggang kailan mo kayang mag-antay?

Ganito lang iyon: Mangutang, magbayad nang mahal at mag-enjoy ngayon. O kaya naman ay mag-ipon, mag-antay nang kaunti at mag-enjoy sa di nalalayong hinaharap?

Ang pag-iipon ang mas murang paraan upang makamit ang ating nais, kinakailangan lang ng ibayong pagpaplano. Mas magkakaroon ng pera kung matututong maging pasensyoso at disiplinado.

vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: