Pumalo ang inflation rate ng Pilipinas sa 4.5%, pinakamataas sa mahigit limang taon, nitong Abril 2018 ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority. Ito ay dahilan sa pagtaas ng presyo ng alak, softdrinks, transportasyon, bahay, tubig, kuryente, gasolina at iba pa.
Ang inflation ay ang pagtaas ng presyo ng bilihin habang lumilipas ang panahon. Itinuturo ang implementation ng TRAIN law sa pagtaas ng inflation rate dahil sa mga panibagong buwis na ipinataw sa mga goods and services. (Basahin: Konsepto ng Time Value of Money)
Paano maiibsan ang epekto ng inflation?
Ang knee-jerk reaction ng karaniwang Filipino sa inflation ay ang magtipid. Tama naman ito pero alam nating hindi ito masaya at nakakabawas sa pagkakaroon ng matiwasay na pamumuhay.
Para maibsan ang epekto ng inflation, bago pa ito mangyari, pinaghahandaan mo na ito. Ang susi ay ang pagkakaroon ng multiple sources of income.
Kapag mananatiling empleyado lang, mahirap lunasan ang inflation dahil hindi naman karaniwang sumasabay ang pagtaas ng suweldo sa pagtaas ng inflation. Kaya dapat, maging investor o kaya naman ay negosyante din.
Maghanap ng inflation-friendly investments at inflation-friendly businesses. Alamin ang mga ito sa “Paano mapapakinabangan ang inflation sa pagpapalago ng pera.”
Maaring bumaba ang stock market
Kapag tumataas ang inflation rate, karaniwang itinataas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang interest rate. Nauna nang ipinahayag ni Deputy Governor Diwa Gunigundo na kung ang inflation rate ay mas mataas sa 4.3% sa buwan ng Abril, “it means something.”
Ang pagtaas ng interest rate ng BSP ay karaniwang nagdudulot ng pagbaba naman ng stock market. Malamang ito ang isa sa mga dahilan kung bakit sadsad din ngayon ang Philippines Stock Exchange Index (PSEI).
Nagtapos ito sa 7,546.19 points kahapon, mula sa 8,558.42 points noong December 29, 2017. Bumaba na ito ng 11.82% mula noon.
Kung ikaw ay nasa stock market, maaring makita mo itong oportunidad para pumasok sa stock market dahil mababa. Pero kung baguhan sa investing, panoorin muna ang video ko “Handa ka na ba sa stock market?”
Maari mo ring basahin ang mga ito:
- Ano ang stock at paano ito magagamit sa negosyo at investing?
- Mga dapat ihanda bago mag-invest sa stock market
Multiple sources of income
Sa huli, wala naman talaga tayong takas sa inflation kaya kailangan natin itong tanggapin at paghandaan. Ang sikreto dito ay ang pagkakaroon ng maraming mapagkakakitaan para mas maraming perang maaring gamitin pambili.