was successfully added to your cart.

Cart

Paano Makaaalis sa Maling Pagkakautang?

Anu-ano ang mga tanda na mali ang ginagawa mong pag-utang? Narito ang mabilis na test:

  • Nangutang ka ba sa mga pagkakataong gipit ka o ang iyong pamilya?
  • Mas madalas ka bang mangutang kapag may lubhang pangangailangan?
  • Nangungutang ka ba kapag may mga binibili?
  • Binabayaran mo lamang ba ang minimum na halagang kailangang bayaran sa iyong credit card?
  • Kumuha ka ba ng postpaid plan na nangangailangan ng lock-in period upang magkaroon ng smartphone (pinakabagong cellphone) na hindi mo naman mabibili kung hindi kukuha ng plan?

Kung oo ang iyong sagot sa alinman sa mga tanong na ito, mali nga ang iyong pag-utang.

Mapapansing binibigyang-diin sa pamagat ng seksyong ito ang maling pag-utang sapagkat mayroon tayong maituturing na tama’t mabuting pag-utang na kasalungat ng una. Hindi naman kasi mali at masama ang lahat ng utang.

Paano nga ba matutukoy kung tama o mali ang isang utang

Simple lamang.

Kung nangungutang/nanghihiram para sa di-produktibong layunin, o kung walang anumang pumapasok na kita upang bayaran ang halagang inutang/hiniram kasama ng mga interes nito,  mali nga ang utang na ito. Tila doble-talim na espada ang utang – maaari ka nitong gawing mas mayaman o lalong mahirap, depende sa kung paano ito gamitin at pamahalaan.

Noong 2008, natuklasan sa pananaliksik ng SEDPI katuwang ang Opportunity International na 95% ng mahihirap ang umuutang bilang pang-agapay o coping mechanism sa oras ng kagipitan o naghihiram ng pera kung may lubhang pangangailangan.

Sa ibang pananaliksik na isinagawa ng Cordaid noong 2013 pagkaraang manalasa ng Bagyong Yolanda, nanghiram/nangutang ang lahat ng mahirap na pamilyang naapektuhan nito bilang pang-agapay na makabangon matapos ang sakuna.

Ipinaliwanag ng mga kalahok sa pananaliksik na ginamit nila ang kanilang inutang para bayaran ang mga gastusin sa pagsasa-ayos ng mga pinsala ng bagyo at sa pang-araw-araw na pangangailangan upang mabuhay. Malinaw na di-produktibo ang paggamit sa utang at inilalagay nito ang nanghiram sa alanganin at mahirap na posisyon.

Sa panahon ng kagipitan, hindi utang bagkus ipon at insurance ang financial product na angkop na gamitin. Marami sa inyo ang huli na nang matutuhan ito, ngunit huwag mangamba. Mayroong pag-asa. May paraan upang makaalis sa ganitong sitwasyon.

Kung pakiramdam mo, madali kang mahirati sa pag-utang kapag nagigipit, maging handa bago pa man ito dumating. Kumuha ng mga insurance at mag-impok para sa mga di inaasahang pagkakataon.

Basahin pa ang aking mga artikulo upang malaman kung ano at gaano kalaking insurance ang dapat mong kunin. Napakahalaga ng panahon, at wala nang ibang panahon para simulan ito kundi ngayon.

Sundin ang 5-15-20-60 rule sa pagba-budget.

Tunguhin mo na makawala sa lahat ng mali mong pagkakautang.

Una, tigilan at hintuan ang di tamang pag-utang. Huwag nang mangutang nang hindi laan sa produktibong layunin. Tayain ang lifestyle o paraan mo ng pamumuhay at tiyaking hindi utang ang tutustos ng iyong mga gusto at pangangailangan.

Ang utang na tutustos sa iyong mga kagustuhan o luho ang pinakamalubhang uri ng utang na maaari mong pasukin. Hindi nakapagpapasok ng pera ang luho.

Kaya’t kailangang iwasan ang ganitong sitwasyon. Bilang tuntunin, kailangan ipantustos sa mga pangangailangan ang active income, habang passive income naman ang sa mga luho.

Huwag isubo ang sarili sa utang upang tustusan ang luho.

Ikalawa, ilista ang iyong inutang – yung maling utang. Sumangguni sa debt list worksheet na matatagpuan sa pagtatapos ng kabanatang ito kapag bubuo na ng listahan.

Debt List Worksheet

Tipunin ang lahat ng mga dokumento sa pag-utang na mayroon ka, at basahin ang kasunduan at kondisyon ng iyong nilagdaang utang. Kung nanghiram ng pera sa kaibigan, kamag-anak, o sinumang walang kaugnayan nang walang kontrata, magkusa na gumawa para sa inyong mutual protection.

Kapag ginawa mo ito, nagbibigay ka ng magandang impresyon sa kanila, at higit ka nilang pagkakatiwalaan. Kakailanganin mo ang sumusunod na impormasyon: lender/creditor, petsa ng paghiram/pag-utang, petsa ng pagtatapos, effective interest rate o takdang halaga ng interes[1], halaga ng hulog o installment amount o pinakamababang halaga na kailangang ibayad.

Ilista ang mga utang mula sa may pinakamalaking effective interest rate hanggang sa pinakamaliit. Kailangan mo ring malaman ang orihinal na halaga ng utang na pinagkaloob sa iyo at ang kasalukuyang outstanding balance ng iyong mga utang.

Karamihan sa mga taong lubog sa utang o maraming utang ang hindi iniisip ang mga detalye ng kanilang utang. Palatandaan ito na iniiwasan mong harapin ang iyong mga utang lalo na kapag hindi mo alam ang mga detalye ng iyong utang at kung magkano pa ang utang na dapat mong bayaran sa iyong pinagkakautangan.

Mayroon akong kaibigan na lubhang baon sa utang, at nang ipalista ko sa kanya ang lahat ng kanyang utang, talagang nanginig siya. Nangungusap ang kanyang katawan.

Tumambad sa kanya ang nakasusukang listahan ng utang na siya mismo ang may gawa. Nakita ko ang takot sa kanyang mga mata nang makita niya sa unang pagkakataon ang totoo niyang kalagayang pinansyal.

Tinapos niya ang kanyang listahan, at humantong siya sa humigit-kumulang 17 pinagkakautangan. Matapos niyang maglista, namutla siya at talagang kailangan ko pa siyang pakalmahin.

Tinulungan ko siyang maging mahinahon sa katotohanang kahit papaano ay kilala na niya ang kanyang kaaway.

Ikatlo, tukuyin kung mababa sa 20% ng iyong kabuuang kita o gross income ang kabuuang halagang huhulugan o minimum na halagang kailangang bayaran. Kung lumabis ito sa 20%, makipagkasundo sa iyong creditor kaugnay ng hangganan at kondisyon ng iyong utang.

 

[1] Tiyaking naunawaan ang napagkasunduang halaga ng interes o ang porsiyento ng taunang interes. Maaaring iba ito mula sa nominal interest rate sa iyong kontrata at karaniwang mas mataas sa ginamit na flat o add-on rates.

Maaari mong piliin na palawigin ang tagal ng iyong utang upang higit na makayanan ang pagbabayad nito. Maaari mo ring i-consolidate ang iyong mga utang at magsagawa ng balance transfer kung makatutulong itong maabot mo ang 20% installment payment budget.

Sakaling mabigo ka sa lahat ng ito, wala ka nang ibang alternatibo kundi kilalanin at bayaran ang iyong mga utang. Iminumungkahi kong humanap ng ibang mapagkakakitaan.

Maaari kang kumuha ng part-time na trabaho, umekstra, o magtinda upang magkaroon ng ekstrang kita para makabayad kaagad sa iyong mga utang. Isa pang paraan ang pagbabawas ng gastusin o pagtitipid, bagaman sa karanasan ko, higit itong mahirap kaysa lumikha ng mapagkakakitaan.

Ikaapat, bayaran ang halagang huhulugan o ang minimum na halagang kailangang bayaran sa bawat utang. Kung mayroong lalabis na halaga matapos bayaran ang pinakamababang interes, gamitin ito bilang karagdagang pambayad sa mga utang na may pinakamataas na interes.

Malinaw ba?

Target natin na pabilisin ang pagbabayad kaya una nating hinahawan ang mga utang na may pinakamataas na interes dahil ito ang higit na nakapagpapabigat sa iyong katayuan.

Sa aking mga pagbibigay-payo, tinatayang humigit-kumulang 18 buwan hanggang tatlong taon bago mai-ahon sa pagkakabaon sa utang ang isang taong determinado. Matapos nilang magbayad, mas nakakatulog na raw sila sa gabi, at nai-alis na rin nila ang mabigat na dalahin sa kanilang dibdib na nagtulak sa kanila upang mangutang.

Maaaring nagmumula ang mga dalahing ito sa di-makatwirang pag-asa sa kanila ng kanilang pamilya tulad ng peer pressure upang tumugon at labis na pagpapakasasa. Tukuyin ang ugat ng ganitong saloobi’t damdamin, lapatan ang pinakabuod nito, at tiyak na mapabibilis ang iyong pagtatagumpay. Susulat ako ng mga kaugnay na artikulo rito sa susunod.

Kung gayon, kailan na lamang dapat mangutang?

Kapag gagamitin lamang ito sa mapagkakakitaang bagay.

Kung hindi, magtipid!

vincerapisura.com


One Comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: