Ang utang na loob ay likas sa kultura nating mga Filipino. Inaasahan ang pagbibigay ng katumbas na pabor sa pabor na naibigay sa iyo nung ikaw ay nangangailangan.
Hindi naman talaga masama ang utang na loob kung tutuusin. Kadalasan nga lamang ito ay naaabuso. Subukan nating intindihin ang utang na loob upang makaiwas tayo sa conflict with family and friends.
Pagpapasalamat
Para sa akin, ang bahagi ng utang na loob na hindi nababayaran ay ang pagpapasalamat na tinulungan tayo noong tayo ay gipit o nangangailangan. Ito ay isang paraan ng pagtanaw sa kabutihang ginawa sa iyo.
Hindi kailangang tumumbas o humigit
Sakaling mangailangan ng tulong ang tumulong sa iyo dati, kinakailangang tumulong din tayo hindi dahil tayo ay nagbabayad ng utang na loob kundi dahil ito ang tama at mabuting gagawin. Hindi naman kinakailangang tumbasan o higitan pa ang naibigay na tulong sa iyo dati.
Ang mahalaga ay ginawa mo ang kaya mo upang makatulong din.
Malinaw na usapan
Wika ka nga, “ang taong gipit kahit sa patalim kumakapit.”
Madalas ang mga taong gipit o nangangailangan ng pirming tulong ay hindi na nakapagiisip ng diretso. Tumatanggap ng tulong na darating at hindi na iniisip kung ano ang inaasahang kapalit ng pagtulong.
Bago tumanggap ng tulong o pabor, maiging linawin kung ano ang inaasahang kapalit o kabayaran sa natanggap. Ito ay para maiwasan ang mga unrealistic expectations.
Huwag isusumbat ang pagtulong
Ang tunay na pagtulong ay hindi ito isinusumbat. Kaya lilinawin kung ang ibinibigay ba ay tulong na hindi kailangang tumbasan; tulong na kailangang bayaran; o tulong na kailangang higitan pa.
Sa ganitong paraan magiging malinaw ang responsobilidad at expectation ng bawat isa.
Makipagusap nang masinsinan
Hindi naman diretsong isinusumbat ang utang na loob. Madalas ito ay lumalabas ng pahaging o parinig.
Para makaiwas sa gulo, maiging harapin ang issue at magkaroon ng paglilinaw sa isa’t isa sa pamamagitan ng masinsinang paguusap.
Huwag tayong mag-assume kaagad na naningil sila ng utang na loob o inaasahan tayong magbayad. Daanin ito sa usapan para malinawan.
Tanungin kung magkano at bayaran
Minsan ko nang naipayo ito sa isang kaibigan na pinaaral ng kaniyang kapatid. Napakataas daw ng expectation ng kaniyang kapatid ng bayad sa utang na loob dahil pinaaral siya nito.
Sabi ko, subukan niyang tanungin kung magkano ang utang na loob, sa kaso niya ang pagpapaaral sa kaniya, para mabayaran na niya ang “utang na loob.”
Sumagot ang kapatid ng halaga at pinagsikapan niyang bayaran iyon. Natapos ang utang na loob, literally in this case.