Ang Pinoy Income and Expenditure Pattern o PIEPer ang ginawa kong framework upang i-classify o pagbukod-bukurin kung paano kumikita at ginagamit ang kita ng mga Pinoy. Naisip kong gawin ito para magkaroon ng gabay kung ano ang tamang framework par kumita at gumasta para guminhawa ang buhay.
May apat na klase ng tao sa PIEPer ito ang mga (1) kapos, (2) isang kahig, isang tuka (3) sapat at (4) maginhawa.
Nakabatay ang PIEPer sa kakayahang kumita ng active income o passive income ng isang tao at kung saan niya ginagamit ang mga kitang ito. Bukod sa active at passive income, tintingnan ko din sa PIEPer kung papaano ginagamit ng mga tao ang ipon, utang at investment.
Kapos
Base sa ginamit kong pangngalan, ang mga kapos ay ang mga taong kulang ang kinikita upang tustusan ang kanilang pangangailangan sa buhay. Kulang ang kanilang active income upang tustusan ang kanilang mga pangangailangan. Sila ang mga nangangailangan ng social welfare benefits.
Ang mga taong ito ay karaniwang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Dvelopment. Karaniwang sila din ay covered ng indigent benefit sa PhilHealth at hindi nakakapaghulog sa Pag-IBIG at sa SSS.
Mahirap ang buhay ng mga kapos. Kailangan nila ang suporta ng gobyerno at ang oportunidad na makapagtrabaho o kaya naman ay mag-negosyo para madagdagan ang kanilang active income.
Isang kahig, isang tuka
Ang mga isang kahig, isang tuka naman ay ang mga taong nagta-trabaho at sakto lang ang kanilang kinikita upang tustusan ang kanilang mga pangangaiangan sa maikling panahon. Ang kanilang active income ay sakto lang para sa kanilang mga gastusin.
Maikling panahon lang ang kayang tustusan ng kanilang kinikita – pinakamatagal na ang dalawang linggo para dito. Sakto ang kanilang pamumuhay, ibig sabihin, simple o payak na pamumuhay lamang.
Ang mga minimum wage earners at mga microentrepreneurs ay ang mga taong nabibilang sa isang kahig, isang tuka. Mas maganda ang kalagayan nila kaysa sa mga kapos dahil kahit papaano, kayang nilang magpa-miyembro sa PhilHealth, Pag-IBIG at SSS.
Pero hindi pa rin maikakailang mahirap at challenging ang kanilang buhay. Nanganganib ang mga isang kahig, isang tuka na maging kapos sakali mang may mga di inaasahang pangyayaring mangyari sa kanila tulad ng mga sakuna at kalamidad.