Ang bond ay isang uri ng debt instrument na ini-issue ng gobyerno at mga korporasyon para may panustos sila sa kanilang mga proyekto. Sa Pilipinas, may dalawang klase ng bond – government bond at corporate bond.
Basahin ang “Understanding bonds” upang mas maintindihan ito.
May tatlong paraan upang makabili ng bonds: (1) direkta sa bondissuer o issuing company; (2) sa mga bangko; at (3) sa mga bond funds.
Direkta sa bondissuer
Makakabili ng bond ng direkta sa bondissuer sa pamamagitan ng broker. Makakakuha ng bond certificate bilang patunay ng pagbili nito.
Sa ganitong paraan, kinakailangan ng malaking kapital dahil malaking halaga ang kakailanganin para i-entertain ng broker ang investor. Ang mga commercial banks, trust department ng commercial banks, mutual funds at insurance companies na karaniwang malalaking kumpanya ang direktang bumibili sa bondissuer sa pamamagitan ng broker.
Sa bangko
Kung walang malaking kapital, ito ang pinakamainam na paraan para makabili ng bond. May mga bangko na nagbebenta ng retail bond sa halagang PhP5,000 lamang.
Sa aking karanasan, bago ang issue date ng bond, kailangang ma-timbrehan mo na ang branch manager ng bangko mo. Ito ay dahil kailangang magpa-reserve para siguradong makakuha ng bond.
Ang mga bonds kasi sa Pilipinas ay karaniwang oversubscribed. Ibig sabihin mas marami ang nagnanais bumili kaysa sa kabuuang par value ng bond na ini-issue.
May form ding pipirmahan at magno-nominate ng settlement bank account. Ang settlement bank account ang pagdedeposituhan ng interest payments ng bond base sa coupon rate.
Nakakatanggap din ako every quarter mula sa Philippine Depository and Trust Corporation ng statement of account kung saan nakasaad magkano ang par value ng bond sakaling ito ay ibenta sa secondary market.
Sa bond fund
Maari ring makabili ng bond sa participation mo sa UITF o pagbili ng shares sa mutual fund. Ito ay kung pinili ang bond fund na klase ng fund na pag-iinvest-an.
Kapag ganito ang ginawa, malamang hindi lamang iisang bond ang exposure mo dahil tipikal sa mga UITFs at mutual funds na bumili ng maraming bonds at paghahalu-haluin nila ito.
Basahin ang “Paano magbukas ng UITF account” at “Paano magbukas ng mutual fund” para malaman kung paano makakuha ng bond fund.