Mga Emosyong Nakakasagabal sa Personal Finance Success: Galit
Sila ang laging nagrereklamo na mahirap ang buhay at marami silang problema sa pinansya. Kapag sinubukan mong maghain ng solusyon ay ipipilit nilang nagawa na nila ito at hindi naman gumana.
Lagi silang may kritisismo sa mga iminumungkahi sa kanila ngunit wala naman silang maisip na alternatibong solusyon. Sumusuko na agad sila sa mga suhestyon kahit hindi pa man nila nasusubukan.
Mas matindi pa ang mga taong akala mo ay nakikinig sa ‘yo at sumasang-ayon pero wala namang ginagawa sa sitwasyon. Sa isip nila, walang patutunguhan ang mungkahi mo kaya’t sumasang-ayon na lang sila para matapos na ang mahabang usapan.
Karaniwang nawawalan ng oportunidad ang mga taong galit sa mundo. Ginagawa silang mapang-uyam ng pagiging pesimistiko nila kaya’t nakalalampas ang mga pagkakataon para sa kanila.
Halimbawa, sinabihan ko ang isang pesimistiko na kailangan niyang magsimulang mag-impok dahil kakailanganin niya sa emergency at ang ipon ay maaari ring gamitin sa investment. Idadahilan niya na marami siyang mahalagang gastusin na hindi nya maaaring hayaan.
Idadagdag pa niya na hindi kasya ang kinikita nya para tustusan ang kanyang mga gastusin. Sasabihin niyang kapag binawasan pa niya ay hindi na siya mabubuhay sa standard na dapat mabuhay ang isang tao.
Kaya’t iminumungkahi ko na humanap ng iba pang pagkakakitaan na makatutulong sa kasalukuyan niyang sahod. Sasabihin naman niyang wala siyang panahon para gawin iyon dahil kinakain ang oras niya ng kanyang trabaho.
Imumungkahi kong maaari siyang magtinda kahit sa mga kasamahan niya sa trabaho para makatulong sa kanyang sahod. Isasagot niyang hindi siya ang tipo ng taong marunong magtinda at wala siyang kapital para magsimula kahit maliit na tindahan.
Mauubusan ako ng mungkahi at mabibigo lang sa huli. Kapag nakikipag-usap ako sa isang pesimistiko, sinisikap kong lumayo at alisin ang negativity sa akin.
Sa aming opisina, lagi kong sinasabihan ang mga bagong staff at pinaaalalahanan ang mga luma na kapag nagbanggit sila ng problema sa aming organisasyon ay kailangang may nakahanda silang solusyon o alternatibong maaaring gawin. Kung hindi ay isa lamang itong reklamo para sa akin.