Nakaka-alarma dahil sa nakaraang dalawang buwan tatlo hanggang limang tao ang sumusulat sa akin at nagsasabing gusto na nilang magpakamatay dahil sa problema nila sa pera. Halos lahat ng mga ito ay mga OFWs at karamihan ay mga lalaki.
Hindi biro ang pagpapakamatay. Madali para sa karaniwang tao ang isantabi ito pero ito ay seryosong usapin sa mga apektado nito.
Marami sa mga nagpapakamatay ay ayaw talaga nilang magpakamatay, gusto lang nilang matapos na ang sakit at paghihirap na pinagdadaanan nila. Maaring hindi humingi ng tulong ang mga nais gumawa nito pero hindi ibig sabihin na hindi nila gusto o kailangan ang tulong.
Suicide hotline
Sa Pilipinas, may suicide hotline tayo. Ito ang mga sumusunod:
+63 2 8044673
+63 917 5584673
Huwag mag-atubiling tumawag sa mga numerong ito kung nakakaramdam ng mga symptoms ng pagpapakamatay.
Ang mga numerong ito ay sa Hopeline, isang helpline para sa mga taong gusting makakuha ng tulong kung nag-iisip magpakamatay at gusting makipag-usap sa taong hindi kilala. Inilunsad ito noong 2016 ng Department of Health, World Health Organization at Natasha Goulbourn Foundation. Ang mga sasagot sa tawag ay mga responders na nagsanay sa ilalim ng mga psychologists at psychiatrists.
Warning signs of suicide
Halos lahat ng mga may balak magpakamatay ay nagbibigay ng warning signs ng kanilang binabalak. Kaya magandang matutong makita ang mga ito upang makatulong na mapigilan ito.
Narito ang ilan sa mga warning signs:
- Pagkukuwento tungkol sa pagpapakamatay
- Paghahanap ng mga bagay na maaring gamitin sa pagpapakamatay tulad ng baril, pills, lason, kutsilyo at ib apa
- Pagkaabala sa pag-iisip tungkol sa kamatayan
- Kawalan ng pag-asa
- Pagkamuhi at pagsisi sa sarili
- Paggawa ng last will and testament, pagbibigay ng mga mahahalagang ari-arian, at pagbibilin sa mga minamahal sa buhay
- Pagpapaalam tulad ng biglaan, hindi inaasahan at hindi pangkaraniwang pagbisita
- Pag-iwas sa iba at kagustuhang laging mapag-isa
- Gumagawa ng mga bagay na mapanira sa sarili tulad ng pagiging lasenggo, pag-abuso sa droga, mapanganib na pagmamaneho at iba pa
Kung nakakaramdam o nakakaranas ng mga warning signs na ito, humingi agad ng tulong at tumawag sa kinauukulan.
Dahilan ng suicide
Iba’t-iba ang dahilan ng mga may balak magpakamatay. Pero sa mga sumulat sa akin, problema sa pera ang sentro ng kanilang dahilan sa pagpapakamatay.
May isa na nagsabing nangutang siya sa pinagtatrabahuhan sa Dubai upang bayaran ang utang ng kaniyang mga kapatid at magulang at wala nang natira sa kaniya. Ngayon, wala nang naiiwan sa sinasahod niya dahil ibinabayad niya ang lahat ng ito sa utang. Kailangang daw niya itong gawin dahil maari siyang makulong kung hindi niya mabayaran ang kaniyang utang sa kumpaniya at sa bangko.
Madami din ang nagsabi sa akin na nahihirapan silang bumangon sa umaga, laging tuliro at apektado na ang kanilang performance sa trabaho.
Sana ay matuto tayong humawak ng ating pera bago pa dumating sa madilim na kabanatang ito ng buhay.
Mga dapat gawin kung balak magpakamatay
Kung nararamdaman mo ang ilan sa mga warning signs ng pagpapakamatay na nabanggit ko, ang unang dapat gawin ay sabihin ang nararamdaman. Maaring ito ay sa kaibigan, kamag-anak o kung nais maging anonymous, sa isang trained professional.
Tumawag sa mga helpline upang mapag-usapan ang iyong balak at mailabas lamang ang saloobin. May mga taong maaring maging negatibo ang dating sa kanila kapag nagsabi ka ng iyong suicidal thoughts kaya piliin nang Mabuti ang taong maaring makatulong sa iyo at kumportable ka.
Ang isa sa mga dahilan ng pagkakamatay ay depression. Naranasan ko ang depression noong 2012 at ako ay kumuha ng tulong mula sa isang psychiatrist. Naggamot ako at umattend sa therapy kaya nalampasan ko ito.
Isa sa nakatulong sa akin noong therapy ay ang mag-focus sa mga maliliit na bagay na puwede kong aksyunan upang malutas ang pinagdadaanan ko. Lagi akong binibigyan ng paalala ng aking therapist na hindi agad-agad malulutas ang problema pero maaari itong unti-untihin.
Tinuruan din akong maging masaya sa bawat maliit na bagay na nalalampasan ko. Halimbawa, kung isang araw ay madali akong nakabangon para magtrabaho na dati-rati ay latang-lata ang pakiramdam ko, binabati ko ang sarili ko.
Sinabi rin sa akin na maraming tao ang dumadaan sa depression o matinding kalungkutan at nalampasan nila ito. Sa therapy, binibigyang halaga ang bawat kibot at pakiramdam ko, hindi ito binabale-wala kaya nagkaroon ako ng pagpapahalaga sa sarili.
Kinakailangang alamin kung ano ang puno’t dulo ng sakit at bigat na pinagdadaanan para magawan ng paraan upang ito ay maibsan at mabawasan. Kapag nakipagusap sa propesyonal, tuturuan ka ng techniques upang magkaroon ng ibang gagawin para magawa ito.
Bukod sa pakikipagusap, subukan mong ipagpaliban ang balak. Alalahanin na ang pakiramdam at gawa ay magkaibai. Hindi nangangahulugan na pakiramdam mo gusto mong magpakamatay ay kailangan mo itong gawin. Kung bibigyan ang sarili ng panahon, maaring mawala ang pakiramdam na ito.
Helpline para sa OFWs abroad
Nagbabalak po akong humingi ng tulong sa mga embahada ng Pilipinas upang mailista dito ang suicide hotline ng mga bansa kung saan maraming OFWs lalo na sa Middle East. Pipilitin kong i-update ang blog post na ito habang parating ang mga authorized o government-endorsed hotlines.