Hindi lahat ng tao ay may “K” magpautang. Madalas nagpapautang sila dahil sa pressure ng nangungutang o kaya simple lang, hindi nila alam ang mga pre-requisites upang magkaroon ng K na magpautang.
1) May financial plan
Kung wala kang financial plan, wala kang “K” magpautang. Hindi mo pa nga napag-iisipan ang financial future mo tapos ang bibigyan mo ng pansin at resources ay problema ng iba sa pera.
Gumawa muna ng financial plan at siguraduhing naaabot mo ang mga nilagay mong mga financial goals dito bago magpautang.
Paano gumawa ng financial plan.
2) Adequate insurance coverage
Ang una sa checklist na dapat magkaroon ka bago magpautang ay sapat na insurance coverage. Bago magpautang sa iba, siguraduhing protektado ka sa sakuna at iba pang emergencies.
Para sa mga may dependents, ang insurance coverage mo ay dapat katumbas ng 10 taong kita. Kung wala naman, tatlong taon lang. Huwag ding kakalimutang kumuha ng health insurance.
3) Emergency savings
Ang emergency savings ay ginagamit natin para sa, oo nahulaan mo, para sa emergency. Ito ay nakalaan para sa mga bagay na hindi inaasahan.
Katumbas dapat ng siyam na buwang suweldo ang iyong emergency savings at nakalagay ito sa ultra safe savings account na madaling ma-withdraw.
Para ganahang mag-ipon, basahin ito.
4) Right net worth level
Asset minus liabilities equals net worth. Ang net worth ay ang matitira sa ari-arian (assets) natin kapag tinanggal na lahat ng ating utang (liabilities).
Pagdating ng karaniwang retirement age na 65 years old, kinakailangang meron tayong net worth na katumbas ng 10 taong gastusin. Ang idea ay magagamit natin ang net worth at kikitain nito nang unti-unti hanggang sa ating kamatayan.
Ito ay para hindi maghirap pagtanda.
5) Walang consumer debt
Kung may binabayaran kang utang, unahin itong bayaran. Bago mo lutasin ang problema ng iba sa pera, atupagin munang mabayaran ang mga utang.
6) May kakayanang maningil
Madali magpautang, mahirap maningil. Iyan ang katotohanan. Inaasahan kasi natin ay kusang magbabayad sa atin ang nangutang sa atin samantala sila naman ay nais nila itong pahabaing hindi bayaran hangga’t maari.
Bago magpautang, pag-isipang mabuti kung kaya mong maningil dahil responsibilidad mo ito bilang nagpautang.
Gawin niyo akong dahilan na huwag magpautang
Gamitin ang anim na batayan kong ito para ma-evaluate ang iyong sarili kung may “K” ka nang magpautang. Para sa susunod na may mangutang sa iyo, scientific ang iyong answer.
Kung wala ka pa ng tatlo sa anim na nabanggit ko, iyon ang mga banggitin mong dahilan. Sabay idugtong na, “Iyan ang turo ni Sir Vince!”