was successfully added to your cart.

Cart

Magkano ang puwedeng gamitin galing sa kita ng negosyo para sa personal expenses?

By February 11, 2018 Budgeting, Business

Lucena City, Quezon – Nagbigay ako ngayon ng training sa mga empleyado ng Provincial Engineering Office ng Quezon. Ipinagdiriwang nila ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang opisina.

Inilahad ito sa Bulwagang Kalilayan sa Kapitolyo. Halos 250 ang dumalo sa aking training.

Isang batang inhinyera ang nagtanong sa akin kung magkano daw dapat ang puwede niyang gamitin mula sa kita ng negosyo niya para panustos sa kanyang personal expenses. Madalas nga itong palaisipan sa mga maliliit na negosyante lalung-lalo na sa mga nagsisimula pa lamang.

Magbigay ng suweldo para sa sarili

Nakakaligtaan ng mga negosyante na sila din ay empleyado ng kanilang negosyo. Hindi ito napapansin agad dahil ang nangingibabaw na role nila ay ang pagiging may-ari nila ng negosyo.

Ang mga negosyante na sila ding nagpapatakbo nang pang-araw-araw na operations ng kanilang business o tinatawag na full-time ay maituturing na self-employed. Ang negosyong pagmamay-ari nila ang siyang nagbigay din ng trabaho sa kanila.

Dalawang kita ng self-employed

Nalilito ang mga negosyante sa kanilang kinikita sa negosyo. Sa aking opinion, dapat may suweldo ang negosyante sa trabaho niya sa loob ng negosyo, at siyempre, kanya din ang kita ng negosyo.

Kaya dapat, bigyan ng negosyante ng karampatang suweldo ang kanyang sarili sa ganitong sitwasyon. Kapag ginawa ito, malalaman ng negosyante kung tunay bang kumikita ang kanyang negosyo kasi naisama ang suweldo sa kanya.

Ang suweldong ibibigay sa sarili ay dapat sinlaki ng maibibigay na suweldo kung magta-trabaho sa iba para talagang maayos ang benchmark. Halimbawang ang trabahong ginagawa ay makukuha sa labas ng minimum wage rate, minimum wage rate din dapat ang ibigay na suweldo sa sarili.

Kung mas malaki dapat ang suweldo, ito ay susundin. Ang negosyante na ang magde-desisyon para dito. Halimbawa namang part-time lang ang negosyante, e di part time rate din ang dapat ibigay.

Follow the 5-15-20-60 budgeting rule

Kapag nabigyan na ng suweldo ang sarili sa negosyo, itong suweldong ito kasama ng kita sa negosyo ang siyang gagawing basehan sa budgeting para sa personal expenses. Halimbawa ang suweldo sa isang buwan ay Php10,000 at kumita ang negosyo ng PhP20,000 sa parehong buwan, ang total income ay PhP30,000.

Bilang pagsunod sa budgeting rule, 60% ng PhP30,000 ang nakalaan para sa personal expenses o katumbas ng PhP18,000. Para sa insurance, 5% ang ilalaan o katumbas ng PhP1,500; at sa savings PhP4,500.

Mahalaga na isubi ng negosyante ang 15% na savings na ito dahil ito ay para sa kanyang emergency. Sakaling magkaproblema sa negosyo, hindi siya kinakailangang mangutang para lutasin at malampasan ang problema.

Ang natitirang 20% o katumbas ng PhP6,000 ay para naman sa investment. Maari itong gamitin ng negosyante na idagdag sa puhunan ng negosyo para mapalaki ito. Maari din namang ito ay i-invest sa ibang bagay para mag-diversify.

Ihiwalay ang pera ng negosyo sa personal na pera

Karaniwang ang paghihiwalay ng pera sa negosyo at personal ang nakakaligtaang gawin ng mga maliliit na negosyante. Sundin lang ang pagbibigay ng suweldo sa sarili at sundin ang aking 5-15-20-60 budgeting rule, mas madali itong maisasakatuparan.

Written on Janaury 15, 2017

vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: