Naiintindihan ko ang sentimento ng karamihan na gustong pangalagaan at protektahan ang kanilang pinagpagurang pera kaya naghahanap ng investment na walang talo o hindi malulugi. Pero ang kailangan ding tanggapin ay walang investment na walang kaakibat na risk o panganib na ito ay matalo o malugi.
Matakot sa 100% guaranteed investment
Ang 100% guaranteed investment ay karaniwang pangako ng mga scammers. Kasama ito ng pagbibigay ng napakataas na kita at pag-pressure sa iyo na ito ay once in a lifetime deal lang na mapapalampas mo. (Basahin: Tatlong pangako ng mga scammer na dapat tandaan para hindi maloko)
Kapag narinig ang mga ito, umiwas agad dahil malamang scammer o kaya naman ay biktima ng scammer na hindi pa natatauhan.
Investment risks
Ang katotohanan, maraming risks na kaakibat ang pag-iinvest. Kung tutuusin ang pagatanggap mo sa risk level ang siyang binibigyan ng return o reward.
High risk, high returns; o kaya naman ay low risk, low returns.
Kaya kapag binigyan ka ng 100% guarantee sa iyong investment at malaki ang kita, ito ay violation sa high risk-high returns concept. Dahil ang pinapangako ay mataas ang kita at walang talo. Hindi ito nangyayari sa tunay na buhay.
Narito pa ang ibang risks na kailangang pag-aralan sa pag-iinvest: security risk, liquidity risk, returns, inflation, interest rate risk, business risk, market volatility risk, marketability risk, socio political risk, foreign exchange risk at marami pang iba. (Panoorin: Investment risks)
Security, liquidity and returns
Ang tatlong binibigyan ko ng diin sa pag-analyze ng mga risks ay ang security, liquidity and returns. Kinakailangang balanse ang tatlong ito ayon sa iyong financial goals. (Basahin: Paano malalaman kung ano ang tamang investment product na nababagay sa plano o pangarap ko sa buhay)
Mahalagang matutong i-manage ang mga risks na kaakibat ng mga investments na pinapasok. Walang ibang paraan para malaman ito kundi ang pag-aralang mabuti ang mga risks at investment risks.
Simple lang naman ito gawin. Sinisigurado ko lang na naiintindihan ko kung paano kumikita ang isang investment – how is the money made?
Kung ang sagot sa akin ay magbibigay ng pera, uupo ka lang at aantayin ang kita, malabo itong business model. Ang isa pang version nito ay, maglagay ka ng pera at mag-recruit ka tapos aantayin ang kita.
Match investments with financial goals
Ang unang kailangang gawin sa pag-iinvest ay ang paggawa ng financial plan. Sa financial plan, lilinaw kung ano ang priority at magsisilbi itong gabay sa kung anong klaseng investment ang nababagay para sa mga pinaplano mo sa buhay. (Basahin: Paano gumawa ng financial plan)
Laging tandaan na dapat matach ang investment vehicles na papasukin sa financial goals mo.