was successfully added to your cart.

Cart

Magandang investment ba ang alahas?

Ang alahas o jewelry ay maaring mga precious metals – tulad ng ginto at pilak; o kaya naman mga precious stones – tulad ng diamond, jade sapphire at iba pa. Marami ang itinuturing ang alahas bilang isang investment.

Pero totoo bang investment ang alahas?

Alahas versus bullion

Bullion ang tawag sa ginto na ibinebenta ayon sa bigat nito. Maari itong sa sa hugis coins o kaya naman ay blocks or bars.

Gintong alahas naman ang tawag sa ginto na may workmanship na dagdag at naibebenta ito bilang sing-sing, kuwintas, bracelet at iba pa.

Malaki ang pagkakaiba ng dalawa. Ang gintong alahas ay binibili bilang fashion accessory at pamana. At dahil ito ay gawa sa ginto, marami ang itinuturing din itong investment. Pakiramdam ng marami, they hit two birds in one stone – may pamporma/pamana na, at the same time investment pa.

Mali ang ganitong pananaw dahil napaghahalo ang emosyon sa pag-iinvest na lagi kong sinasabing dapat paghiwalayin. (Basahin: Mga emosyong sagabal sa personal finance success) Ang tunay na gold investing ay ginagawa sa pamamagitan ng pagbili ng bullion at hindi ng alahas.

Mababa ang resale value ng alahas

Ang gintong alahas, kapag binili ngayon at ibinenta kinabukasan, ay malamang mas mababa nang di hamak ang presyo kaysa sa pagbili nito. Masuwerte na kung makakuha ng kalahati sa orihinal na presyo nito.

Kung aatayin ang pagtaas ng presyo ng ginto para humabol ang presyo nito sa pagbili, matagal ang kakailanganing panahon. Dagdag pa dito, wala itong kasiguruhan dahil nagfa-fluctuate ang presyo ng ginto.

Mataas ang markup ng jewelry store sa alahas

Dahil sa workmanship, mataas ang patong o markup ng mga jewelry store sa mga alahas. Sa kasamaang palad, kapag nagkagipitan, ang timbang lang ang isasaalang-alang kapag ito ay ibebenta.

Mas madaling ibenta ang bullion kaysa alahas

May tito at tita ako noon na nagmamayari ng pawnshop. Mababa ang kanilang bigay sa mga alahas na isinasangla sa kanila kumpara sa presyo ng ginto. Kapag nareremata ang mga alahas, tinutunaw nila ito para maging gold bullion at ito ang kanilang ikinakalakal.

Sa gold investing kasi, ang timbang ng ginto ang mahalaga at hindi ang workmanship nito.

Mga paraan ng pag-iinvest sa ginto

Isa lamang sa maraming paraan sa pag-iinvest sa ginto ang pagbili ng gintong bullion. Maari ding kumuha ng gold futures, gold coins, gold exchange traded funds at gold mutual funds.

Kaso ang mga ito ay hindi available sa Pilipinas.

Alahas bilang investment

Kung talagang gustong mag-invest sa alahas, kinakailangang bilhin ito mula sa mga professional and trustworthy sources. Ito ang mga kumpaniyang makapagbibigay ng certificate mula sa internationally recognized gemological institute.

Dapat ding i-consider ang pangalan ng designer sa alahas na binibili. Kung kilala at tanyag, mas makakakuha ito ng mataas na presyo dahil maaring maging collector’s item katulad ng tnatawag na mga vintage o period pieces.

Sa katunayan, napakaliit ng tsansang maging collector’s item ang mga nabebentang alahas na kayang bilhin ng mga karaniwang Filipino.

Investment o palamuti

Sikaping alamin kung ano ang dahilan ng pagbili ng alahas. Kung ito ay investment, mas makabubuting gold bullion (gold bar o gold coins) ang bibilhin.

Kapag ang dahilan naman ay para i-celebrate ang isang mahalagang okasyon tulad ng kasal o anniversary; alahas ang bibilhin. Pero iwasan na ituring ito bilang investment. Bibilhin mo ito dahil gusto mo at hindi dahil aasa ka na tataas ang halaga nito sa lalong madaling panahon.

vincerapisura.com


One Comment

  • Atechna arivle says:

    Sa mga ordinaryong pilipino,massabi kong suwerte kung meron kang alahas.para sa mayayaman lang yung gold bullion o gold coins na sinasabi mo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: