was successfully added to your cart.

Cart

Limang Turo ni Papa sa Pera

Mga magulang ni Sir Vince, Mario Rapisura at Flordeliza Rapisura, sa isang dinner date

Karaniwang si tatay ang inaasahang breadwinner na tutustos sa mga pangangailangan ng pamilya. Napakahalaga ng tungkulin ng ama sa pagpapakita ng ganitong responsibilidad sa kaniyang mga anak.

Ang tatay ko 63 taong gulang na. Lumaki siya sa isang mahirap na pamilya sa Santa Catalina, Ilocos Sur, kasama ang kaniyang 10 kapatid.

Dahil sa kaniyang pagpupursigi at pagsusumikap, si papa ay may maayos na retirement at may mga ari-ariang naipundar. Napagtapos din niya lahat kaming magkakapatid sa mga pinakamagagandang unibersidad sa Pilipinas.

Siyempre, katuwang niyang lahat ng ito si mama. Sa totoo lang, hindi niya maabot ang financial freedom ngayon, kung hindi dahil sa nanay ko.

Ngayong Father’s day, gusto kong bigyan ng pagpupugay ang aking ama sa lahat ng kabutihan at sakripisyong ginawa niya para sa amin. Nais kong ibahagi sa inyo ang ilan sa mga natutunan ko sa kaniya sa paghawak ng pera.

TURO NI PAPA SA PERA

1. Huwag mapili sa trabaho at negosyo

Naging sundalo si papa noong kabataan niya. Ito ang una niyang trabaho at tumagal lamang ng dalawang taon dahil sa baba ng suweldo at panganib sa buhay.

Dahil hindi nakapagtapos ng kolehiyo si papa, napilitan silang mag-negosyo ng kung anu-ano ni mama, upang maitaguyod ang aming pamilya. Kaya’t ganon na lang ang pagpapahalaga nila at iginapang nila kaming magkakapatid para makatapos.

Samu’t saring negosyo ang pinasok ni papa at nagbenta ng asin, bagoong, grocery items at mga kagamitang pambahay. Nag-buy and sell din sila ni mama tulad ng junk shop, mais, mani at kung anu-ano pang buto-buto.

Nagkaroon din sila ng sakahan, furniture shop, saw mill at paupahan ng tractora sa bukid. Pinasok din nila ang manufacturing ng fruit juices at cornick.

Ang prinsipiyo niya ay hindi dapat ikinakahiya ang pinagkakakitaan basta walang naaapakang ibang tao.

2. Kumayod nang may dangal

Mario Rapisura at mga ka-trabaho niya sa caregiving

Nangibang bansa din si papa. Minsang nagbalikbayan siya, kinutya siya ng ilang mga nakapaligid sa kaniya dahil sa trabahong pinasok niya – “punas puwet.”

Kapag nababanggit ito ni papa ay maluha-luha pa siya. Kung tutuusin, hindi naman nila kailangan magtrabaho dahil sa kapatid ko sila nakatira sa US. Pero para hindi mabagot sa bahay at dahil sa likas na pagiging masipag, nag-desisyon silang mag-trabaho.

Kumuha ng training si papa bilang caregiver, nag-exam at pumasa. Nagtrabaho, nagbayad ng buwis at nagbigay ng kontribusyon para sa retirement. Para sa kaniya, walang pinagkaiba ito sa mga pinagdaanan ng mga propesyonal.

Ngayon, taas-noo pa niyang sinasabi na minsan ay naging “punas-puwet” ang kaniyang trabaho. Ito ay dahil alam niyang malinis at marangal ang kaniyang trabaho kahit na mababa ang tingin ng ilan dito.

3. Maging madiskarte

Si papa ang takbuhan namin kung may kailangang kumpunihin. Magaling siyang mag-remedyo. ‘Nga lang, minsan, yung remedyo niya nagiging permanent – remedyong “temporary-forever” ang tawag niya dito.

Maparaan din si papa. Noong tinamaan ang negosyo nila ng Asian financial crisis, nahirapan silang kumuha ng puwestong rerentahan para sa pagbebenta ng furniture. Nasa 20,000 kada buwan ang binabayaran dati sa upa.

Sa halagang 250,000, nakahanap si papa ng bakanteng lote sa may Cavite at pinatayuan niya ito ng maliit na puwesto. Napakinabangan namin ito nang mahigit limang taon. Nakatipid kami nang malaki dahil dito.

4. Matutong makisama

Isa sa mga hinahangaan ko kay papa ay ang kaniyang people skills. Mahusay siyang makisama sa mga tao anong antas man ng buhay meron sila. Cariñoso kaya lapitin ng chicks.

Sa lahat ng tinirahan namin, si papa ang nakikipag-kapitbahay at biglang lumalawak ang aming mga “kamag-anak” dahil dito. Isa siyang social butterfly.

Siya ang nagturo sa akin noong nasa Sampaloc pa kami nakatira, na kapag niyaya ako sa daan ng mga nagiinuman sa kanto, kailangan kong tumigil, tumagay, at magiwan ng 50 pesos bilang kontribusyon.

Ang lagi lang niyang pinapaalala sa akin ay dapat matuto akong makisama dahil balang araw ay baka kailanganin ko ang pagmamagandang loob nila. Giit pa niya’y wala namang mawawala sa akin kung matuto akong makisama.

Noon hindi ko maintindihan ito at pakiramdam ko pay hindi kinakailangan. Mukhang mga sanggano at karamiwang walang permanenteng trabaho ang mga nagiinuman sa kalye naming kaya ganito ang pakiradam ko.

Hanggang sa isang madaling araw, ang taxi driver na sinakyan ko galing airport ay balak akong huthutan. Narinig ng mga ng mga katagayan ko ang nangyayari. Agad nilang pinalibutan ang taxi at nagtanong nang, “May problema ba?”

Samakatuwid, hindi ako nahuthutan ng taxi driver at nagdali-dali pa itong umalis. Mula noon, mas panatag na ako kapag nakarating na ako sa may amin at nakikita ko na mga katagayan ko.

5. Magpasalamat sa mga biyaya

Lagi ring pinapaalala ni papa sa amin na magpasalamat kami dahil maganda ang aming buhay at hindi namin dinanas ang kahirapang pinagdaanan niya. Hindi ko makakalimutan ang paulit-ulit niyang  kuwento na pinaghahatian nilang 11 na magkakapatid ang dalawang hinog na manggang kalabaw.

Hahatiin daw nila ito at parating ang buto ang naiiwan para sa kaniya. Kaya pala noong bata kami ay ganun na lang makabili ng kaing-kaing mangga si papa. Marahil ito ay para maipakita sa amin na sagana ang buhay.

Ngayon, at naabot ko ang higit pa sa pinapangarap ko dati, lagi kong naalala ang payong ito ni papa.

PASASALAMAT AT PAGPUPUGAY

Siyempre, hindi perpekto ang tatay ko ngunit marami pa din akong natutunan tungkol sa paghawak sa pera sa kaniya. May mga gawaing dapat kong tularan at may mga gawain ding dapat iwasan.

Happy Father’s Day, Papa!

Maraming salamat sa pagpapalaki mo sa amin. Mahal na mahal ka namin.

Sir Vince at ang kaniyang papa, Mario Rapisura

vincerapisura.com


3 Comments

  • Christian Gagtan says:

    Very inspiring po naman ang kwento ng buhay nila. sana balang araw ganyan din ako sir vince..

  • Mae Dizon says:

    Inspiring naman sna lahat ng tatay ganyan… hnd maiiwasan ang mistakes ng bawat nilalang wlang perpekto bagkos ang pairalin ay madiskarte sa buhay , responsableng ama , mapagmahal at makatao para sa lahat tulad ni tatay mario 🙂 kudos po sa inyo at sa lahat ng tatay sa buong mundo. HAPPY FATHER’S DAY

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: