Muli, ang halaga ng insurance na kakailanganin mo ay depende sa pangkalahatang sitwasyon mo sa buhay, financial goal at kakayahang magbayad ng premium. Isang buong kabanata ang kailangang isulat para malaman ang eksaktong halaga ng insurance coverage na kakailanganin mo.
Sa halip, magbibigay na lang ako ng mga tip at general rules of thumb. Mas tututukan ko rin ang life insurance kaysa sa non-life insurance.
May mga financial adviser na magsasabi sa iyong hindi mo na kailangan ng life insurance kung single ka at wala namang dependents. Ito ay dahil sa kailangan mo lang namang alagaan ang sarili mo.
Kung may mga utang ka, burado na ito kapag namatay ka matapos maghabol sa mga ari-arian mo ang mga pinagkakautangan mo. Karaniwan kung walang dependent, nagbibigay ako ng face amount na makatlong beses ang halaga sa taunang salary bilang coverage para sa life insurance.
Para ito sa mga bayaring panlibing at iba pang posibleng financial liabilities na mayroon ka sa sandaling mamatay ka. Kung wala kang dependent, higit kong imumungkahi na bumili ka ng health insurance.
Kung walang ibinibigay na health insurance ang kumpanyang pinagtatrabahuhan mo, irerekomenda kong bumili ka ng health insurance para may sasagot ng iyong medical bills sakali’t magkaroon ka ng medical emergencies. Kung may medical insurance ka, maiiwasan ang posibilidad na maging financial burden ka ng iyong pamilya o mga kaibigan.
Ang general rule na ibinibigay ko kapag may dependents ay ang pagbili ng kahit 10 taong halaga ng life insurance bilang income replacement. Makasasapat na ang sampung taong halaga ng replacement income para makabangon mula sa pagkamatay mo ang iyong mga dependents.