was successfully added to your cart.

Cart

Gaano kalaki ang kaya mong utangin at bayaran

Ang pag-utang upang bilhin ang mga bagay na dati mong binibili nang cash ang isa sa mga banta na nalulubog ka na sa pagkakautang. Maaari itong magsimula sa pag-swipe ng iyong credit card o “humiram” ng maliliit na halaga sa mga kaibigan hanggang sa mahirapan ka nang makabayad.

Kapag lumala ito, mauuwi ka sa palagiang paghahanap ng mauutangan upang mabayaran ang mga pinagkakautangan. Nariyan din na hihiling ka ng palugit upang palawigin ang pagbabayad at maglulubid ng mga dahilan upang maipagkaloob sa iyo ang hiling na palugit.

Lubog ka sa utang kapag hindi mo na mabayaran ang mga pangunahing gastusing inutang. Kaya bago ka mauwi sa ganitong sitwasyon, limitahan ang pag-utang.

Tandaan ang 6Ks of credit sa pagpaplano ng negosyo – karakter, kredit, kapasidad, kolateral, kapital, at kumpiyansa. Kailangang mong ma-establisa ang iyong tunguhin sa bawat lawak upang maging kwalipikado sa pag-utang nang walang anumang aberya.

Ang iyong rekord sa pag-utang o credit history ang mainam na sukatan ng iyong karakter sa pag-utang. Kaya’t maging maagap sa pagbayad ng iyong mga bayarin tulad ng utilities at subscription.

Patunay ang lahat ng ito ng iyong karakter na karapat-dapat ka, may dangal at makatutupad sa responsibilidad. Bumuo ng mainam na sistema ng pagpa-file upang sinupin ang iyong mga rekord ng transaksyon tulad ng mga resibo, billing statements, credit card statements, at statements of accounts on savings.

Mapakikinabangan ito ng iyong creditor sa oras na kailanganin ito bilang bahagi ng mga kahingian sa aplikasyon. Magsasagawa ng mabusising pagsusuri ng iyong cash flow ang mga creditor lalo na iyong mga nasa pormal na institusyong pinansyal upang alamin ang kakayahan mong magbayad.

Gamitin ang sumusunod na formula ng cash flow upang tantyahin kung magkano ang maaari mong utangin. Kapag sasagutan ang formula, tukuyin ng isang uniform frequency ng cash flow. Isang mainam na paraan ng pagsasagawa nito ang pagpili ng buwanang cash flow frequency.

Kaya kung mayroon kang negosyo na kumikita nang arawan, i-multiply ito sa 30 (kung pitong araw bawat linggo ang operasyon) upang makuha ang buwanang kita nito. Kung taunan namang tumutubo ang iyong kita sa investment, hatiin o i-divide ang halaga nito sa 12 upang matuos ang buwanang halaga ng cash flow.

Kung hindi regular ang halaga, tantyahin ito o gumawa ng conservative average.

Cash Flow from Business

I-download dito ang Worksheet para sa Cash Flow Analysis.

Madalas na tinitingnan ng mga pormal na institusyong pinansyal ang profitability at track record ng iyong negosyo. Kung personal ang ini-aaplay na utang, hindi madalas na hinihingi ang audited financial statements subalit maging handa pa rin upang makapagpakita ng patunay ng iyong kita (revenue/sales).

Magagawa ito sa pamamagitan ng tamang pagtatala (record keeping) ng iyong mga buwis at mga opisyal na resibong ibinigay sa mga kliyente. Makakatulong din ang listahan ng mga kliyenteng maaaring makapagbigay ng mahusay na rekomendasyon sa iyo.

Sa sandaling mayroon ka na ng mga ito, iminumungkahi kong matuos (audited) ang iyong mga libro. Gumagastos ako ng isang milyong piso sa sales o assets bilang mainam na batayan upang matuos at masuri ang iyong mga libro.

Ang mga Certified Public Accountant ang lisensyadong magbigay ng opinyon kung tumutugon ba o hindi ang iyong record keeping sa tuntunin ng pamahalaan at sa pamantayan ng pag-uulat ng pananalapi (financial reporting standards). Dahil external audit ito, mahal ang singil dito ng mga pormal na institusyong pinansyal sapagkat pinatutunayan nila ang kawastuhan ng iyong financial records.

Sa karanasan ko, kinuha ko ang serbisyo ng SGV and Company na affiliated ng Ernst and Young bilang pinakamahusay at pinakakilalang audit firm sa Pilipinas. May kamahalan ang kanilang serbisyo, ngunit ang halagang nalilikha nito sa pagtatatag ng kredibilidad at matatag na internal na kontrol, pagtugon, at praktika ang kapaki-pakinabang sa operasyon ng negosyo.

Personal Cash Flow

Susuriin sa susunod na bahagi ang iyong personal na kita at gastusin. Sa seksyon na ito, mainam na maipakita sa iyong creditor ang pinagkukunan ng iyong kita, lalo na ang investment income o passive income.

Ang kita sa paupa o rental income bilang investment income ang isa sa pinakamainam na mga paraan upang maipakita na mayroon kang regular at mapanghahawakang mapagkukunan ng kita na maaari mong magamit sa pagbabayad ng iyong mga utang. Maaari mo ring ilagay rito ang time deposits kahit pa maliit lamang ang interes nito sapagkat makapagpapakita ito ng mainam na financial discipline sa iyong creditor.

Kapag magpapakita ng iyong suweldo, hinihingi ng mga mga pormal na institusyong pinansyal na makapagsumite ka sa kanila ng dokumentong makapagpapakita ng iyong proof of income. Ang pagbibigay ng sertipikadong kopya ng iyong income tax return ang pinakamainam na makapagpapatunay nito.

Kung hindi ka nakapaghain ng income tax, maaari kang makahingi ng tax-withheld reports sa inyong accounting department bilang alternatibo. Kung wala ka namang certificate of employment na magpapakita ng inyong suweldo, maaari na ang salary payment slip.

Kung regular namang tumatanggap ng padala o remittances, mainam din kung makapagbibigay ng kopya ng remittance slip upang maipakita kung gaano ka-regular at kung gaano katagal kang nakatatanggap nito upang maisama sa iyong cash flow.

Para sa mga gastusin, mainam na itala at sinupin ang iyong utility bills hindi para ipakita kung gaano ka gumagasta, kundi upang maipakita ang kakayahang magbayad sa iyong creditor.

Sumahin ang lahat ng inyong income at ibawas mula sa mga ito ang lahat ng iyong gastusin. Mapapansing idinagdag ko ang iyong budget para sa savings at investments upang tumugon sa 5-15-20-60 budgeting rule.

Dapat itong ibawas mula sa iyong net income. Ang lilitaw na halaga ang iyong magiging net cash flow at katumbas ng halagang maaaring ilaan para sa pagbabayad ng utang o debt service kada buwan.

I-multiply ang halaga na maaaring ilaan sa debt service sa bilang ng buwan na ninanais mong utangin upang makuha ang sagad o pinakamalaking halaga na maaari mong utangin. Halimbawa, Php  5,000 ang halagang maaaring ilaan sa debt service, at nais mong humiram para sa 12 buwan, Php 60,000 ang pinakamalaking halaga na maaari mong utangin sa loob ng isang taon.

Gayumpaman, marami sa mga pormal na institusyong pinansyal ang hindi nagpapautang ng ganitong halaga, lalo na kung ito ang unang beses mong hihiram sa kanila. Kadalasan nilang ina-adjust ang halaga na maaari nilang maipahiram sa iyo sa unang pagkakataon.

Ito ang tinatawag na adjusted debt capacity at karaniwan na 35% ang tinatayang adjusted capacity rate ng pinakamalaking halagang maaaring utangin. Kaya para sa Php 60,000 na maximum loan amount, Php 21,000 ang iyong magiging adjusted debt capacity.

Bahagya naman itong tataas habang nakapag-eestablisa ka ng mahusay na credit history at habang nangangalap ang creditor ng maraming inpormasyon hinggil sa iyong mga kalakarang pinansyal.

Upang matukoy ang prinsipal na halaga o aasahang loan proceeds (o yung maaaring kapuntahan ng halagang iyong inutang) , hatiin ang halaga adjusted debt capacity sa isa idagdag pa rito ang interest rate na babayaran mo para sa nabanggit na utang. Kung 10% ang interest rate kada taon, ganito ang magiging kalkulasyon: 21, 000 ÷ (1 + 0.10) = Php 19, 090.

Upang makuha ang buwanang húlog o monthly amortization, i-divide ang adjusted debt capacity sa bilang ng buwan na gusto mong utangin. Sa ganitong sitwasyon, Php 1,750 ang monthly amortization.

Ang huling hakbang, tiyakin kung nasa 20% na takdang hangganan ng babayarang utang ang monthly amortization bilang tugon sa 5-15-20-60 budgeting rule. Kung sakto o mababa ito sa 20%, saka ka kumuha ng sapat na halagang uutangin (safe loan amount). Kung hindi, lalabis ka sa iyong budget na pambayad-utang.

vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: