was successfully added to your cart.

Cart

Financial start up stage

By November 14, 2017 Financial Plan

Sa financial start-up stage, ang active income ang sumasagot sa 100% ng iyong gastusin. Maraming  Filipino ang nakakatanggap pa ng tulong sa kanilang pamilya para sa financial start-up stage.

Sa antas na ito, nakatira ka pa sa iyong pamilya.  Ibig sabihin nito, natutulungan ka pa nila sa ibang gastusin. Wala kang binabayarang upa ng bahay at mga bills. Nakakakain ka nang maayos pagdating mula sa trabaho kahit walang ambag sa groceries. Sa madaling salita, hindi mo napapansin ang mga bagay na mahalaga.

Dito nagsisimula ang problema patungo sa pagguho ng pinansya.

Karamihan sa mga Filipino ay may tendensiyang gumastos nang higit pa sa kanilang kakayanan. Sa mga nagtatrabaho  pero patuloy na natutulungan pa rin ng pamilya ay madalas na nakakalimot sa pagpaplano para sa kinabukasan.

Sapagkat natutugunan naman ng kanilang pamilya ang mga pangunahing pangangailangan, ginagamit nila ang kanilang kita para bumili ng mga bagay na hindi naman nila kailangan tulad ng mga bagong gadgets, maglakwatsa kasama ang barkada, magbakasyon, o bumili ng mga damit para makasabay sa fashion.

Mabilis na makikita ang mga ebidensya kahit saan tulad na lamang kapag binuksan mo ang Facebook. Artipisyal ang ganitong uri ng paggasta. Nagtatagal lamang ito habang may tulong pang nariyan.

Alisin mo ito at makikita mo ang katotohanan. Ang taong may pinakabagong gadget at mamahaling damit, madalas nasa mga bars at cafes, laging nasa bakasyon, sa katotohanan ay wala namang pera.  Nakapanlilinlang ang mga sitwasyon.

Mas nakasasama pa kaysa nakabubuti ang mga tulong mula sa ating pamilya kahit maganda naman ang intensyon nito. Hindi nila nakukuha ang tamang punto. Sinasamantala natin ang tulong mula sa ating mga magulang o kamag-anak at nagpapakasasa tayo sa pagbili ng mga bagay na pawang layaw lamang.

Imbis na maunawaan na ang panandaliang tulong ay para makapag-ipon ay kabaligtaran ang nangyayari. Kaya’t sa mga personal trainings na ginagawa ko, lagi kong sinasabi sa mga magulang na hikayatin ang kanilang mga anak na bumukod na sa kanila kapag natapos na ito sa pag-aaral.

Kung sakali namang piliin ng mga anak na pumisan pa rin sa mga magulang, pagbayarin sila ng upa sa bahay, pagkain, at iba pang bayarin. Higit na magiging matatag ang mga anak sa ganitong sitwasyon, at kakayanin nila ang “mabuhay mag-isa.” Karangalan para sa mga magulang na magkaron ng mga anak na responsable.

Sa aking opinyon, hindi ka naging matagumpay bilang magulang kung hanggang ngayon ay ikaw pa rin ang tumutugon sa mga pangangailangan ng iyong anak na nasa edad 21 na pataas.

Naaalala ko nung nasa financial start-up stage ako; nakikituloy ako sa aking mga kamag-anak at nag-aambag lamang ng kaunti para sa pagkain at bills. Pinagtuunan ko ng pansin ang trabaho.

Naiinggit ako noon sa aking mga kaibigan na nagtatrabaho sa corporate world na nakakakain sa mamahaling mga restaurants, o nanonood ng sine nang magkakasama. Hindi ko iyon naranasan dahil subsob ako sa trabaho.

Binabalikan ko ang mga pictures ko noong nakalipas na 15 taon at laging kundi ako nasa trabaho ay nasa pagtitipon ng aking pamilya.  Wala akong mga pictures kasama ang aking mga kaibgian.

Alam ko na kailangan kong mag-ipon at mag-invest para sa mga susunod na panahon ay makamit ko ang buhay na pangarap ko.  Noong unang matanggap ko ang aking maliit na 13th month pay ay bumili ako ng life insurance. Samantalang ang aking mga kaibigan at batchmates sa eskwelahan ay kumain sa labas o nagbakasyon nang magkakasama.

Imbis na waldasin ang iyong active income sa mga hindi naman kailangan, gamitin ang antas na ito ng iyong financial life stage para magkaroon ng emergency savings. Habang may tulong ka pang natatanggap para sa iyong mga gastusin, gawin mo itong pagkakataon para makapag-impok at mai-angat agad  ang sarili sa susunod na hakbang.

Ang financial start-up stage ay ang dapat na siyang pinakamaikli sa iyong financial stage. Maglaan lamang ng 1 hanggang 2 taon ng iyong buhay sa stage na ito at magsikap sa pagtatrabaho upang mabilis na makarating sa financial independence stage.

Simulan mong praktisin agad ang panuntunang 5-15-20-60  sa pagbabudget at paggasta. Mapabibilis nito ang susunod na financial life stage.

vincerapisura.com


3 Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: