was successfully added to your cart.

Cart

Financial life stages

By November 16, 2017 Financial Plan

Mahalagang malaman na mayroong financial life stages na tinatawag at wala itong kinalaman sa ating edad. Tungkol ito sa kung magkano ang ating mga passive income na ginagamit natin para sa ating mga gastusin o sa lifestyle na meron tayo.  May limang hakbang ito:  1. Financial Start Up 2. Financial Independence 3. Financial Growth 4. Financial Stabilization, at 5. Financial Freedom.

Ang susi para maintindihan ang mga financial stages ay ang pagtuunan ng pansin ang ating mga passive income, tulad ng makikita natin sa table sa itaas. Galing sa mga investments ang mga perang nabanggit. Kumikita ito kahit na hindi tayo nagtatrabaho. Halimbawa sa mga ito ay ang mga dibidendo sa mga stocks o sa mga bahagi nating kapital sa mga negosyo, yung mga galing sa ating impok sa bangko, sa mga pautang, paupa, royalty, at mga tubo mula sa mga ari-ariang ibinenta, at sa mga pension.  Tumataas ang ating mga passive income habang umaakyat tayo sa ating financial life stage.  Bagama’t  ang mga porsyento na ipinakita sa table ay hindi talaga ganoon ka-eksakto kundi ay estimate lamang ito para magsilbing gabay sa pag-unawa natin sa ating financial life stages.

Ang mga susunod na paliwanag tungkol sa mga financial life stages ay mga ideyal na senaryo na magdadala sa atin sa matagumpay na pangangasiwa ng ating mga personal na pinansya. Huwag ipagkakamali ang iyong edad sa financial life stages. Maaari kang magsimulang mag-isip kung ang mga financial life stages na babanggitin ay aakma sa iyong status ngayon.

Financial Start Up ang una sa financial life stage.  Tulad ng pamagat nito, narito ang pagsisimula. Dito mo mararanasan ang lahat ng mga una.  Marami sa atin ang nagdadaan sa unang beses na nakapagtatrabaho at nararanasan ang unang pagkakataon na makatanggap ng suweldo. Bihira lamang sa ganitong sitwasyon ang mayroon nang passive income.  Higit na maraming tao ang may aktibong kita mula sa kanilang mga trabaho sa financial start up stage.  Ang suweldo, bayad sa overtime, mga kita mula sa sidelines, at part time work ay  halimbawa ng mga aktibong kita.

Ang ikalawa sa financial life stage ay ang financial independence stage.  Dito, susubukan mong mamuhay nang mag-isa nang walang tulong mula sa iyong pamilya.  Katangian nito ang pamumuhay nang sapat lang o tugma sa iyong kinikita ang mga gastusin.  Sa stage na ito, maaaring may naitatabi ka na para sa iyong emergency savings at mayroon nang passive income na nakatutulong ng isa hanggang sampung porsyento ng iyong mga gastusin.

Financial growth stage naman ang ikatlo.  Tinatawag ko rin itong produktibong taon dahil dito kadalasang bumibilis ang pagtaas ng kita. Kinakailangang sa stage na ito ay mas malaki na ang iyong kita kaysa sa mga gastusin mo kung pinananatili mo pa rin ang simpleng pamamaraan ng pamumuhay, at kung hindi nahumaling sa konsumerismo. Karamihan sa atin sa stage na ito ay nagpapamilya na rin kaya’t kahit lumaki man ang mga gastusin, ang pinagsamang kita ng mag-asawa ay kailangang higit pa sa sapat lang para sa mga gastusin ng pamilya. Kailangang mayroon ka na ritong insurance protection; emergency savings; at may passive income na makasasagot sa halos kalahati ng inyong gastusin. Sa aking opinyon, pinakamahirap ang  bahaging ito ng iyong financial life dahil nakasalalay sa iyo ang pagpapatakbo ng iyong pamilya.  Kaugnay nito ang pagbibigay ng  mga pangunahing pangangailangan ng lumalaki mong pamilya tulad ng pagkain, damit, at tahanan. Huwag ring kaligtaan ang pinakamahalagang responsibilidad na kaakibat ng malalaking gastusin, ang edukasyon ng mga anak.

Ang financial stabilization growth ay ang ikaapat na stage.  Sa stage na ito maaring makuha ang pinakamataas na active income at nagsisimula na ring mabawasan ang iyong mga pinagkakagastusan.  Karaniwan ito sa mga mag-asawang nakapagtapos na ng pag-aaral ang mga anak at namumuhay na ng sarili.  Higit na magiging magaan ang lahat kung maaga mong natapos ang mga obligasyon mong pinansyal.  Ang iyong passive income sa stage na ito ang siyang sasagot sa mga pangunahing gastusin mo.  Ang pinagsamang passive at active income ang higit na makapagbibigay sa iyo ng kayamanan.

Ang financial freedom stage ang pinakahuli sa mga financial life stage. Sa puntong ito, ang passive income mo ang siyang sasagot na sa lahat ng mga gastusin mo hanggang sa iyong pagtanda at pagkamatay. Maaari mong piliin na magbitiw na sa trabaho o gawin ang mga nais mo nang walang inaalala sa iyong pinansya.

Ngayong alam mo na ang mga financial stages, palalimin pa nating lalo ang pag-unawa mo sa mga stages na ito. Hayaan mo akong ipakita ang mga financial stages na may active income. Iminumungkahi ko rin ang haba ng taon sa bawat financial life stages. Muli, mga gabay lamang ito na magagamit mo para planuhin ang iyong retirement kaysa tingnan ito bilang isang bagay na napaka-teknikal at dapat sundin.

Ang active income bilang porsyento ng kita ay bumababa habang tumataas ka sa iyong financial life stages. Nangangahulugan na nasasagot ng passive income ang balance. Ngunit ibig bang sabihin nito ay aasa ka na lamang sa passive income para sagutin ang iyong mga gastusin habang umuunlad ang iyong financial life stages? Ang sagot ay hindi, kung kakayanin mo. Ang passive at active income bilang porsyento ng gastusin ay kailangang gamitin bilang gabay upang i-chart ang iyong retirement plan. Kapag ginastos mo na agad ang iyong passive income, magiging hadlang ito para pabilisin ang pagsasaayos ng iyong pinansya at malamang na maantala ang iyong financial life stage. Ang ideya ay gamitin muna ang active income mo para sa mga gastusin, hanggang sa magkaroon ka na ng passive income na sasagot sa 100% ng iyong mga gastos. Ibig bang sabihin ay hindi mo dapat galawin ang iyong passive income? Siyempre, hindi naman! Mag-ingat ka lang tuwing gagastusin ang iyong passive income dahil maaari nitong maantala ang pag-unlad ng iyong financial freedom life stage o retirement.

Kung sisimulan mo ang iyong financial life stage sa edad na 20 batay sa iminungkahing haba ng financial life stage, maaabot mo ang financial freedom o retirement sa edad na 60. Pansinin na ang iminungkahi kong haba ng bawat financial life stage ay ayon sa taas. Ito ang mungkahi ko sa bilang ng taon na kailangan mong itakda sa bawat financial life stage. Puwede ka rin namang magtagal o manatili nang mas matagal sa isang financial life stage. Desisyon mo rin iyon. Alalahanin, ang retirement ay hindi tungkol sa iyong edad. Puwede kang magretire sa edad 30 o 75 o kung alin ang sa palagay mo ang makapagpapaginhawa sa ‘yo. Ang pinili mong edad para sa retirement mo ay magkakaroon ng epekto sa kung papaano ka mamumuhay.

 

vincerapisura.com


15 Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: