Sa financial independence stage, sikaping ang passive income ang sasagot sa 10% ng iyong mga gastusin. Kapag inisip ito, mapipilitan kang maging higit na malikhain at maparaan sa paghahanap ng iba pang kita na maaari mong iinvest para sa iyong passive income.
Sa stage na ito, wala kang ibang aasahan ng tulong kundi ang iyong sarili. Mag-ipon ng lakas ng loob at magkaroon ng tiwala sa sarili para maging sapat at buo ang kakayanan. Mas maiging solusyunan ang iyong mga personal na problema sa pinansya imbis na umasa sa tulong ng pamilyang laging handang tumulong sa ‘yo.
Noong nasa ganitong stage ako, nag-iipon ako tapos ipinahihiram ko sa maliliit na kooperatiba. Kasabay ng interes sa emergency savings na nakadeposito na kinikita ko mula sa mga rural banks, nakapagbibigay ito sa akin ng maliit na interes na siyang bumubo sa aking passive income.
Hindi ko ginagasta ang ganitong mga ipon dahil una sa lahat, maliit lang sila. Isa pang dahilan, alam kong kailangan kong gamitin ang kapangyarihan ng compounding interest rate kaya’t nire-reinvest ko agad ang aking maliit na kinita. Kung pinili kong gastusin ang mga ito, mawawala ang momentum sa pagkakaroon ng karagdagang passive income upang mas makaipon pa. Maihahalintulad ito sa pagpigtas ng buko sa halaman, pinipigil ang paglago at pamumunga.
Sinisigurado ko ring makahanap ng iba pang pagkakakitaan. Hindi katulad ng mga kaedad ko, ginagamit ko ang dagdag na kita para mag-invest at hindi gastusin.
Gumawa ako ng simpleng panuntunan: Anumang dagdag na kita ko sa labas ng aking regular income, kalahati ay gagamitin ko at kalahati ay iinvest ko. Sa ganito, napananatili ko pa ring maging masaya at hindi nararamdamang pinarurusahan ko ang sarili o nabubuhay sa kakuriputan.
Ilan sa mga trabahong ginawa ko ay ang magbenta ng computers, mag-transcribe ng audio, mag-part time bilang lecturer at researcher sa Ateneo de Manila University. Tumanggap rin ako ng mga trabahong hindi magkakaroon ng komplikasyon sa aking pinagtatrabahuhan.
Halimbawa, ginamit ko ang natutunan kong training skills sa una kong trabaho para magbigay ng trainings noong lumipat ako sa aking ikalawang trabaho kung saan mas nakagiya sa financial management ang tungkulin ko. Sa maniwala kayo’t sa hindi, nag-voice talent rin ako para sa isang maikling audio promotional project.
Ang sekreto lang dito ay sumubok ng iba pang mga bagay at huwag ikahiya ang mga extrang trabaho basta’t hindi nakakapinsala o ilegal.
Isa sa pinakamalaking break na naranasan ko sa aking financial independence stage ay noong nakapagbenta ako ng isang simpleng Excel template. Oo, mga 12 taon na ang nakalilipas, bago noon ang Excel at ang paglikha ng template ay bihira pa sa development sector.
Ang Excel template na ginawa ko ay simpleng financial analysis template kung saan mailalagay ang mga figures mula sa financial statements at awtomatiko itong lilikha ng mahahalagang financial ratios at makukulay na graphs. Ang ganitong template sa ngayon ay mabilis ng mahanap at ma-download sa internet.
Iba pa ang sitwasyon noong nakalipas na 12 taon. Masaya na ako kung makakatanggap ng 50,000.00 para sa aking template. Ngunit nagulat ako dahil inalok ako ng bumibili ng 350,000.00.
Pitong beses ang taas nito sa inaasahan ko kaya’t tinanggap ko agad ang alok. Kung babalikan ko ito, naisip kong maaari ko pa sanang itaas ang presyo pero ipinakikita rin nito na hindi ako gahaman sa pera. 24 na taon ako nang mangyari ito. Kahit ngayon, ang 350,000.00 ay malaki pa ring halaga ng pera.
Ngunit ginasta ko ba ang malaki kong kinita sa bakasyon, gadgets, o damit? Hindi. Ginamit ko ito para ipatayo ang apat na pintong apartment katulong ang aking mga magulang at kapatid na nurse sa Amerika. Ang apartment ang nag-akyat sa aking financial growth at nakalikha pa ng passive income.
Grabe ka Sir, inspiring!
Wow! Galing Sir Vince.. Thank you for inspiring us always.. Your Blogs are very informative.. Love it!
Galing Sir Vince!
Galing mo naman….sir vince.